Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

SPECIAL REPORT: Masiglang pagsasaka sa Pilipinas

(GMT+08:00) 2012-10-09 18:39:18       CRI

MASIGLA ANG SEKTOR NG PAGSASAKA SA PILIPINAS.  Ayon kay Kalihim Proceso J. Alcala ng Kagawaran ng Pagsasaka, pilit nilang pinabababa ang "cost of production" ng palay upang higit na lumaki ang kita ng mga magsasaka.  Ito ang kanyang binigyang-diin sa eksklusibong panayam sa kanya.  May palatuntunan din sila na hihikayat sa mga kabataan na magpakadalubhasa sa Pagsasaka sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

NAGLALARO ang karaniwang edad ng mga magsasaka ng palay sa Pilipinas sa 56. Ito ang ibinalita ni Kalihim Proceso J. Alcala ng Kagawaran ng Pagsasaka sa isang eklusibong panayam.

Sinabi ng kalihim na bagama't mayroon pa namang mga kabataang magsasaka, unti-unti pa lamang silang bumabalik sa mga sakahan sapagkat malaki ang nabawas sa kanilang kinikita.

"May programa ang Kagawaran (ng Pagsasaka) upang malutas ang problema at ito ay ay paghahatid ng tamang tulong at teknolohiya sa mga magsasaka," sabi ng kalihim. Idinagdag niya na kailangang makita ng mga kabataan na pagkakakitaan pa ang mga palayan.

Ang mahalaga umano ay magkaroon ng sapat na salapi ang magsasaka upang makatikim man lamang ng ibang pagkain sa bawat araw ng Linggo at magkaroon ng sapat na salaping maiimpok sa bangko. Ipinaliwanag niyang sa ganitong paraan ay makatitiyak ang pamahalaan na babalik ang mga magsasaka sa mga palayan.

Layunin ng kanyang tanggapan na mapababa ang halaga ng produksyon upang tumaas ang kita ng mga magsasaka ng palay. Kung wala umanong sapat na makinarya at mga pataba, aabot lamang sa 60 kabang palay ang maaani sa bawat ektarya.

Sa paggamit ng certified seeds, tiyak na ang 80 hanggang 90 kaban ng palay sa bawat ektarya at kung gagamitan ng hubrid seeds, mababa na ang 120 cavan sa bawat ektarya.

Dahilan sa matagal na paggamit ng mga magsasaka ng chemical fertilizers at mga pestisidyo, ipinatutupad na ng Kagawaran ng Pagsasaka ang paggamit ng organic fertilizers. Umasim umano ang mga sakahan dahilan sa paggamit ng mga chemical fertilizer at susunugin pa ang mga dayami sa mga palayan.

Ayon kay Kalihim Alcala, bukod sa paggamit ng compost, kailangan din ang tamang paggamit ng tubig at tamang klase ng binhi.

Isang paliwanag ni Kalihim Alcala kung bakit nangunguna ang Thailand at Vietnam kaysa sa Pilipinas sa larangan ng pagtatanim ng palay ay dahilan sa mas malawak na mga palayan at bukod pa rito ay ang mataas ng pagkonsumo ng bigas ng mga Pilipino.

Unti-unti na ring gumagamit ng makinarya ang mga magsasakang Pilipino, dagdag pa ng kalihim. Ipinahihiram na nila ang mga makabagong kagamitan sa mga samahan ng mga magsasaka.

Naniniwala si Kalihim Alcala na mahalagang ang ekonomiya ng bansa ay nakaugat sa pagsasaka tulad ng Thailand, na kahit anumang trahedya ang tumama ay babangon at babangon ang bansa dahilan sa pagsasaka.

Hindi umano garantiya ang pag-aari ng lupa sa mas malaking ani. Gumawa umano sila ng pag-aaral at kanilang nabatid na kung pagpapapunlad ng sakahan ang pag-uusapan, kailangang tulungan ang mga magsasaka, magkaroon ng kakayahang teknikal at pagkakaroon ng paraan upang magkaroon ng mga kailangan sa pagtatanim. Mahalaga ring magkaroon ng access sa pamilihan ang mga magsasaka upang matiyak ang tamang presyo ng kanilang mga inani. Isusunod na rin ng Kagawaran ng Pagsasaka ang paggawa ng daan tungo sa pautang upang huwag nang magipit ang mga magsasaka ng mga komprador.

Nababawasan na umano ang smuggling ng mga gulay, bawang at sibuyas tulad rin ng mga prutas. May pinag-ibayong pagtutulungan na umano ang Kagawaran ng Pagsasaka at Bureau of Customs. Mayroon na umano silang natatanggap na mga dokumento mula sa Bureau of Customs kaya't nababantayan na nila ang mga container van na naglalaman ng mga kontrabando.

Kung ang mga produkto ng Pilipinas na ipinagbibili sa ibang bansa, sinabi ni Kalihim Alcala na isinasaayos na nila ang kanilang roadmap sapagkat maraming mga bansang gustong mamili ng mga produktong mula sa mga sakahan ng bansa, tulad ng mais.

"Kung noo'y umaangkat ang Pilipinas ng mais, ngayo'y naglalabas na ng mais ang bansa," sabi pa ni Ginoong Alcala. Pagkaani ng mais, nagtatanim kaagad ang mga magsasaka sapagkat batid nilang may pangangailangan sa mais sa ibang bansa hanggang sa unang anim na buwan ng 2013.

Nabigla umano ang Pilipinas sa nangyari noong mga nakalipas na buwan nang huminto ang Tsina sa pagbili ng mga saging mula sa Mindanao. Mula umano sa scale na 100 ay bumaba ito sa 80. Subalit sa likod ng pangyayaring ito, umabot na sa scale na 120 ang ipinagbibili ng Pilipinas at mayroong especial na order mula sa Japan, Korea at sa Gitnang Silangan.

May mga mangangalakal na Tsino na nakikipag-usap sa Pilipinas upang bumiling muli ng saging. Ani Kalihim Alcala, mas mahal at mahina ang uri ng saging na nabibili ng Tsina mula sa Gitnang America. Mas mahal umano ng limang dolyar kaysa sa saging na mula sa Pilipinas.

Nakikipag-usap na rin ang Kagawaran ng Pagsasaka sa mga manggagawang Pilipino sa Hong Kong, Singapore at maging sa United Arab Emirates at pinagpapaliwanagan kung ano ang maaaring pagkakitaan sa Pilipinas sa larangan ng pagsasaka. Ipinagtatanong nang tanggapan ni Kalihim Alcala sa mga Pilipinong nasa ibang bansa kung ano ang kanilang nais na simulang kalakal at inaalam kung sino ang kanilang pinagkakatiwalaan sa kanilang mga bayan. May garantisadong pag-uugnayan sa pagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka at mga kamag-anak ng mga OFW upang masimulan ang kalakalan. Hahanapan din nila ng pamilihan ang mga produktong nais pagyamanin ng mga OFW, dagdag pa ni Kalihim Alcala.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>