Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino: Mga Mamamayan Pambato ng Bansa

(GMT+08:00) 2012-10-10 18:07:32       CRI

PANGULONG AQUINO: MGA MAMAMAYAN PAMBATO NG BANSA

IT-BPO MAGTATAGAL SA PILIPINAS.  Naniniwala si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na maganda ang hinaharap ng industriya ng information technology at business process outsourcing sapagkat umabot na sa US $ 11 bilyon ang kinita ng kalakal na ito liban sa pagbibigay ng hanapbuhay sa higit sa 600,000 mga Pilipino.

SINABI ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na ang mga mamamayan ang nangungunang pambato ng bansa lalo't higit sa pagsasama-sama ng kakayahan, pagnanais na matuto, kakayahang lumikha at katapatan ang siyang dahilan kung bakit maraming mga nangangapital ang gustong maglagak ng salapi sa Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa International Outsourcing Summit na nagtapos kahapon, sinabi ni Pangulong Aquino na kung mailalagay sa tamang kalalagyan ang mga manggagawang Pilipino, magtatagumpay sila sa anumang gawain at tiyak na pupurihin ng kanilang mga pinaglilingkuran.

Higit umanong lumilinaw ang imahen ng mga Pilipinong manggagawa sa buong daigdig. May pag-aaral noong nakalipas na Abril na nagsabing ang Pilipinas ay kabilang sa pinakamagandang bansa sa larangan ng business English. Sa scale mula isa hanggang sampu, natamo ng Pilipinas ang mas mataas sa pito at nag-iisang bansa na nasa intermediate level.

Pinagtiwalaan ng mga banyagang kumpanya ang mga manggagawang Pilipino at hindi naman napahiya sa pagkakaroon ng $ 11 bilyong revenue noong nakalipas na taon at nagkaroon pa ng 113,000 bagong hanapbuhay.

Sa bawat bagong hanapbuhay na natatamo sa pamamagitan ng IT-BPO, may kasabay na hanapbuhay na kumikita. Mayroon ding pagsasanay ang pamahalaan para sa IT-BPO sa pamamagitan ng TESDA at Commission on Higher Education.

Pipilitin ng Pilipinas na mapanatili ang malaking kalakal na dulot ng Information Technology at Business Processing Outsourcing hanggang sa mga susunod na panahon, dagdag pa ni Pangulong Aquino.

MAMBABATAS, NANAWAGAN PARA SA PAGSISIYASAT NG KALAKAL NG GINTO

NANAWAGAN si Party-List Congressman Angelo Palmones na magsiyasat ang Kongreso sa malaking pagbaba ng bilang at timbang ng gintong binibili ng Bangko Sentral ng Pilipinas sapagkat mahalaga ito sa ekonomiya ng bansa.

Hiniling ni Congressman Palmones sa kanyang House Resolution 2747 sa House Committees on Economic Affairs at Natural Resources na magsagawa ng pagsisisyasat kung bakit ang mga biniling ginto ng Bangko Sentral sa unang anim na buwan ng taong 2012 ay umabot lamang sa 786 na kilo kung ihahambing sa higit sa 15,000 kilo noong nakalipas na taon.

Ang ginto ang siyang nangungunang pinagkakakitaan ng foreign exchange mula noong 2005 at kinakitaan ng higit sa isa't kalahating bilyong dolyar o P 73 bilyon noong 2010.

Ipinagtataka ng mambabatas kung bakit biglang bumulusok ang timbang ng gintong binibili ng Bangko Sentral ng Pilipinas ngayong 2012.

SIMBAHAN, HINDI PUMAPAYAG SA MGA PARING KUMAKANDIDATO

WALANG PUWANG SA POLITIKA ANG MGA PARI.  Nanindigan si Arsobispo Oscar V. Cruz na walang kalalagyan ang mga pari sa larangan ng politika.  Lahat ng pari at obispong lumahok sa politika ay 'di nagtagumpay.  Si Masbate Bishop Jose Bantolo ay naglabas ng sirkular tungkol sa pagtakbo ng isang pari sa kanyang nasasakupan sa pagka-gobernador ng isa sa pinakamahirap na lalawigan sa Pilipinas.

HINDI kailanman papayagan ng Simbahan ang mga paring kakandidato sa anumang posisyon sa pamahalaan. Ito ang niliwanag ni Arsobispo Oscar V. Cruz sa panayam ng CBCP Online Radio.

Ayon kay Arsobispo Cruz, ang mga paring hindi mapigil sa pagkandidato ay maaaring mayroong "Messianic complex" o paniniwalang malaki ang mawawala sa taongbayan kung hindi sila tatakbo sa politika.

Isang dalubhasa sa Canon Law o Batas ng Simbahan at direktor ng National Appellate Matrimonial Tribunal, sinabi ni Arsobispo Cruz na naniniwala ang mga paring kumakandidato na walang maglilingkod, walang mag-aalaga sa taongbayan.

Ayon umano sa Kasaysayan ng Simbahan, ang mga pari, madre at mga obispo na naging politiko ay kailanma'y hindi nagtagumpay.

Ang mga pari ay nararapat pangalangaan ang mga pananampalataya ng mga mamamayan, mamuno sa mga nobenaryo, mangasiwa sa Misa at magpapista.

"Walang sinumang kumokontra sa pari sa kanyang mga homiliya na kabaliktaran sa larangan ng politika," dagdag pa ni Arsobispo Cruz.

Ani Arsobispo Cruz, isang malaking negosyo ang politika sa Pilipinas at angkop lamang na kapitalan sapagkat pagkalali-laki ng tubong matatamo dangan nga laman at walang lugar ang mga pari sa larangan ng politika.

Sa Masbate, tumakbo bilang gobernador ng lalawigan si Fr. Leo Casas, director ng Social Action Center sa Masbate. Na sa ilalim si Fr. Casas ng partido Liberal ni Pangulong Benigno Simeon C. Aguino. Ayon kay Obispo Jose Bantolo ng Masbate, mula noong unang araw ng Oktubre ay suspendido na si Fr. Leo sa kanyang gawain bilang pari. Maliwanag umano sa batas ng Simbahan na hindi pinapayagan ang sinumang pari na lumahok sa politika sapagkat ito ay para lamang sa mga layko.

Naglabas ng kanyang sirkular si Bishop Bantolo upang basahin ang kanyang mensahe sa lahat ng Misa mula noong Linggo hanggang sa mga susunod pang araw ng Linggo.

Samantala, tumakbong muli si Fr. Ed Panlilio sa pagkagobernador ng Pampanga. May mga report na hindi na babalik sa pagka-pari si Ginoong Panlilio, matalo't manalo man sa pagka-gobernador ng lalawigan.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>