Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front, naganap na

(GMT+08:00) 2012-10-15 17:01:14       CRI

Kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front, naganap na

MATAGAL NA ANG PAGPAPALIWANAG NG MILF TUNGKOL SA KANILANG AGENDA. Nasa larawan (kaliwa) si MILF Chief Negotiator Mohager Iqbal ng makapanayam ng China Radio International/CBCPOnline Radio sa kanyang pagharap sa mga obispo ng Mindanao. Siya ang lumagda sa kasunduan kanina sa Malacanang samantalang si Dean Marvic Leonen ang lumagda sa panig ng pamahalaan..

INAASAHANG darating na ang kaunlaran at kapayapaan sa Mindanao matapos lumagda ang Pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front sa isang kasunduang tatalakay sa detalyes ng mga paraan upang matiyak na matitigil na ang kaguluhan doon.

Lumagda sa 2012 Framework on the Bangsamoro sina Chief Government Negotiator Dean Marvic Leonen at Chief MILF Negotiator Mohager Iqbal na kinatampukan ng Malaysian facilitator Tenkgu Dato AB Ghafar Tengku Mohamed.

Naganap ang paglagda matapos ang mga talumpati nina Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos – Deles, Moro Islamic Liberation Front Chairman Al Haj Murad Ibrahim, Malaysian Prime Minister Najib Tun Razak at Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.

Pinasalamatan ni Kalihim Deles si Pangulong Aquino sa kanyang paggabay sa negosasyon sa MILF. Itinuring niya si Ginoong Aquino na siyang naging dahilan upang magkatotoo ang mga mithiin ng mga Bangsamoro ng Mindanao. Isa umanong magandang simula ang naganap ngayong hapon sa Malacanang.

Pinapurihan ni Ginang Deles ang lahat na nagsakripisyo upang matamo ang seremonyang ito. Pinapurihan din niya ang mga naghasik ng kanilang buhay nang hindi nakikita o nababanaag ang silahis ng kapayapaan.

Pinasalamatan din ni Kalihim Deles ang mga mamamahayag at mga kasama sa social media sa kanilang paghahasik ng kapayapaan,

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Chairman Murad na kanilang iniaalay ang dokumentong ito sa mga pinuno ng MILF tulad ni dating Chairman Hashim Salamat na namayapa ilang taon na ang nakalilipas at ilan pang mga MILF vice chairmen. Iniaalay din niya ang kasunduang nilagdaan sa gunita ng mga nasawi sa pakikipagtunggali sa pamahalaan.

Hindi man lamang umano niya pinangarap na makapasok ng Palasyo Malacanang subalit nagkatotoo ang kasunduan kaya't isang malaking pagkakataon ito upang magsimulang muli sa pagtahak ng landas tungko sa kapayapaan at kaunlaran. Siya umano ay isang kinatawan ng mga Bangsamoro na inatasang maghanap ng paraan tungo sa katahimikan at kaunlaran.

Ani Ginoong Murad, limang daang taon na ang lumipas na kinatampukan ng pananakop ng mga banyaga na naging dahilan ng kaguluhan. Nawala rin ang kanilang mga lupain, halos natunaw ang kanilang kultura at ang nalabi'y maliliit na lupaing pinaghati-hati pa na naging dahilan ng kahirapan ng kanilang mga kababayan.

Ipinararating din ng MILF ang kanilang kamay bilang simbolo ng pakikipagkaibigan. Pinasalamatan na rin niya ang lahat na tumulong upang masimulan ang pagsasaayos ng kanilang napinsalang lupain.

Malaki ang naging papel ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, Prime Minister Najib bin Razak at lahat ng tumulong upang marating ang lagdaang ito.

Binanggit din niya na hindi nagtatapos ang lahat sapagkat marami pang pag-uusapan hinggil sa detalyes ng kasunduan.

Sa panig ni Malaysian Prime Minister Razak, dumating na ang bagong umaga na katatampukan ng nag-iisang bansa sa pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga Bangsamoro.

Naganap ang kasunduan sapagkat binigyang pansin ng magkabilang panig ang mas magandang kinabukasan. Nagtapos din ang matagalang pag-uusap sa paglagda sa kasunduan.

Ang makikinabang sa kasunduang ito ay ang mga taga-Mindanao, dagdag pa ni Ginoong Razak.

Hindi na magaganap pa ang mga panahon ng "lost generations" sapagkat nakita na ang pagpapahayag ng pagtitiwala sa isa't isa.

Samantala, sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na sa paglagda ngayon ng kasunduan, umaasa siyang ito na ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. Nasaksihan ng madla at ng buong daigdig ang pangako ng kapayapaan.

Naunawaan niya ang walang humpay na kahirapan ng mga mamamayan sa nakalipas na dalawang henerasyon. Nasaksihan na ang paghhirap ng mga kabataang nawawala sa kanilang mga tahanan at mga komunidad at napapalayo sa kanilang mga lupang tinubuan. Marami na ring nasayang na buhay at humihiling ng katarungan.

Pinasalamatan niya ang lahat ng tumulong upang magkatotoo ang lagdaan ngayong Lunes samantalang hiniling niya sa buong bansa at sa daigdig na magtulungan upang magkatotoo ang isang Mindanao na walang anumang kaguluhan ng sa ganoon ay makarating ang mga kailangan ng mga mamamayan sa pinakamadaling panahon.

Iba't ibang pamahalaan, bumati sa Pilipinas at MILF

BINATI at pinapurihan ng iba't ibang pamahalaan ang naganap na paglagda sa 2012 Framework on the Bangsamoro sa Malacanang. Isa sa mga bumati ay ang Embahada ng Estados Unidos sa Maynila. Ayon kay United Kingdom Charge Trevor Lewis, ang paglagdang ito ay pagpapakita ng bagong panahon sa Mindanao at sa buong Pilipinas. Ang mga mensahe ng pag-sangayon sa kasunduan at ang mga kinatawang dumalo sa paglagda sa Malacanang ang kinakikitaan ng pangakong magtutulungan upang magkaroon ng payapa at maunlad na kinabukasan. Hindi na magkakaroon pa ng anumang problema sa pagpapatupad ng nilalaman ng kasunduan.

Naglabas din ang Embahada ng Canada sa pamamagitan ni Ambassador Christopher Thornley ng pahayag at nagsabing ipinagpapasalamat ng kanyang pamahalaan ang naganap na lagdaan sa pagitan ng Pilipinas at MILF. Panibagong oportunidad na gumanda ang kinabukasan ng mga mamamayan sa Mindanao, dagdag pa ni Ambassador Thornley.

Samantala, sinabi nman ni Organization of Islamic Cooperation Secretary-General Ekmeleddin Ihsanoglu na maganda ang hinaharap ng Mindanao sa kasunduang nilagdaan ngayon. Mayroong common peace agenda ang magkabilang panig, dagdag pa ni Ginoong Ihsanoglu.

Simbahan sa Pilipinas, magdiriwang ng Prison Awareness Week

PAMUMUNUAN ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang isang linggong pagdiriwang ng Prison Awareness Week sa ikatlong linggo ng Oktubre. Ayon kay Bishop Leopoldo Tumulak ng ECPPC, nanawagan siya sa madla na kilalanin ang mga bilangguan hindi para parusahan ang nagkasala bagkos ay pook para sa rehabilitasyon at pagsasa-ayos ng mga nasirang relasyon.

Ang mga bilanggo ay mayroong dignidad kahit ano pa ang kanilang pinagdaanan. Ang mga bilanggo ay mga anak din ng Diyos, dagdag pa ni Bishop Tumulak. Nararapat din silang managot sa pinsalang kanilang idinulot sa kanilang kapwa.

Pagkakataon ang Prison Awareness Sunday na manawagan sa lahat na kumikilala sa kadakilaan ng Panginoong Hesus na nagsabing "Ako'y napipiit at ako'y iyong dinalaw."

Nararapat ding ipagdiwang ang linggong ito sa pagsusulong ng mga repormang kailangan upang higit na gumanda ang kalagayan ng mga bilanggo sa buong bansa,dagdag ni Bishop Tumulak.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6392061806XX: Pagdalaw ni Dalai sa Taiwan hindi makakatulong sa pagkakaisa ng Taiwan at mainland. Dapat lumayo siya rito.
More>>