Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Relasyon ng Pilipinas at Tsina, gumaganda; tensyon humupa

(GMT+08:00) 2012-10-17 18:22:48       CRI

Relasyon ng Pilipinas at Tsina, gumaganda; tensyon humupa

PAG-UUSAP ANG SOLUSYON SA 'DI PAGKAKAUNWAAN. Ito ang binanggit ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III (kaliwa) sa isyung namamagitan sa Pilipinas at Tsina sa katatapos ng Presidential Forum with Foreign Correspondents Association of the Philippines sa Manila Hotel kaninang umaga. Nasa kanan si Budget Secretary Florencio "Butch" Abad. (Larawan ng Malacanang)

MGA MANGANGALAKAL DUMARAGSA SA PILIPINAS. Marami nang mga mangangalakal na dumalaw sa Malacanang at mga tanggapan ng pamahalaan. Senyal umano ito ng magandang kalakaran sa Pilipinas, sabi ni Pangulong Aquino (gitna). Nasa kaliwa si Finance Secretary Cesar Purisima at nasa kanan naman si Budget Secretary Florencio Abad. (Larawan ng Malacanang)

MATAGUMPAY ang idinaos na Presidential Forum with President Benigno Simeon C. Aquino III ng Foreign Correspondents Association of the Philippines sa Manila Hotel kaninang umaga.

Maraming katanungan tungkol sa relasyon ng Pilipinas sa Tsina at mga isyung may kinalaman sa kalalagdang 2012 Framework on the Bangsamoro ang ipinarating sa pangulo.

Sinabi ni Pangulong Aquino na hindi niya basta masasagot ang mga katanungan tungkol sa relasyon ng Pilipinas sa Tsina sapagkat pinag-aaralan pa ng mga consultants ng pamahalaan ang mga isyu at mga probisyon sa international law upang isulong ang interes ng Pilipinas sa mga usapin sa South China Sea.

Bagaman, sinabi niyang bumuti ng kaunti ang relasyon at humupa ng bahagya ang tensyon. Umaasa siyang malulutas ang sigalot sa payapang paraan at mananaig ang rason ang magkakasundo ang magkabilang panig na malutas ang sigalot na hindi lamang sa paraang bilateral bagkos ay sa multilateral negotiations tungkol sa mga isyu.

Sa pagbabago ng liderato sa Tsina sa mga susunod na linggo, sinabi ni Pangulong Aquino na umaasa siyang higit na magiging maluwag ang pagtrato ng mga magiging pinuno ng bansa sa mga isyung bumabalot sa relasyon ng Tsina sa mga kalapit-bansa sa Asia. Nadama ng Pilipinas ang mas mainit na pagtingin ng Tsina kaya't nagkaroon ng pagtatangkang makapag-usap sa Vladivostok, Russia noong nakalipas na APEC Summit. Natuloy ang pag-uusap sa China – ASEAN Expo kamakailan.

Natakdang dumalaw si Pangulong Aquino sa Australia at New Zealand sa mga susunod na araw. Itinanong ng isang mamamahayag ang katayuan ng Visiting Forces Agreement sa Australia. Ipinaliwanag ni Ginoong Aquino na iniaalok ng Pilipinas ang isang strategic partnership sa Australia. May kasalukuyang strategic partnership ang Pilipinas sa Estados Unidos at sa Japan. Kahit umano wala pa ang Visiting Forces Agreement, tumutulong na ang Australia sa Coast Watch System ng bansa, May mga pagsasanay ng isinagawa ng mga military security forces kasama ang mga Pilipino at maging sa ilang mga institusyon. May mga scholarships na ibinigay sa mga pulis at militar ng Pilipinas, dagdag pa ni Pangulong Aquino.

Tungkol naman sa kasunduang nilagdaan ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front, maliwanag na umano ang pagkakasundo ng magkabilang-panig at ngayo'y nakatuon ang pansin sa mumunting detalyes. Tungkol sa paghahati ng yaman ng bansa, magkakaroon ng balanse sa kanilang mga pangangailangan. Ang pambansang pamahalaan ang magpapasan sa pangangailangan ng mga Bangsamoro sa transition period tulad rin ng pagkakataong ibinibigay sa iba't ibang rehiyon. Mayroong nakalaang P 21 bilyon para sa transitional committee ng ARMM tungo sa Bangsamoro.

Sa panig ng Communist Party of the Philippines/New People's Army at National Democratic Front, sinabi ni Pangulong Aquino na nagpahayag ang mga Komunista na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-usap. Tumanggi siyang magbigay ng dagdag na detalyes.

Sa larangan ng Kalakal, sinabi ni Pangulong Aquino na may pagkakaiba sa mga naibabalita sa tunay na investments na pumapasok sa bansa. Nauuna na umano ang mga kalapit bansa sa larangan ng foreign direct investments bagama't sa dinami-dami ng mga banyagang mangangalakal na dumadalaw sa kanyang tanggapan at sa iba pang mga ahensya, hindi na masasabing mahina ang mga programa ng Pilipinas. Sa dalawang taong panunungkulan, dagdag ni Pangulong Aquino, binabalikan na ng mga banyaga ang Pilipinas upang paglagakan ng kapital.

Sa isyu ng napakamahal na kuryente sa Pilipinas, sinabi ni Pangulong Aquino na may dalawang paraan upang matugunan ito. Dagdagan ang power supply, partikular sa Mindanao na mayroong napakaliit na power reserve. Matapos magkaroon ng sapat na supply, darating na ang pagkakataong magkaroon ng kumpetisyon sa spot market na magbababa ng presyo ng kuryente. Hinihintay na rin niya ang pagkilos ng Energy Regulatory Commission upang maipatupad ang batas sa competitive spot market.

Bilang paghahanda sa nalalapit na halalan, mayroong palatuntunan ang pamahalaang buwagin ang mga private armed groups na sinimulan may apat na buwan na ang nakalilipas. Bagaman, hindi niya naibigay ang detalyes ng kampanya. May mga nabuwag na sa Cordillera at Central Luzon regions, dagdag pa ni Pangulong Aquino.

Dating Pangulong Arroyo, pinayagang mamalagi sa pagamutan

PINAYAGAN ng Sandiganbayan First Division si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na manatili sa Veterans Memorial Medical Center sa ilalim ng hospital arrest.

Nananatili sa pagamutan si Ginang Arroyo mula nang maglabas ng arrest warrant sa kanya at siyam na iba pa sa kasong plunder na may kinalaman sa maling paggamit umano ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Pinayagan siyang mamalagi sa pagamutan sa kondisyon na siya'y nasa ilalim ng hospital arrest at kontrolado ng pambansang pulisya ang mga taong dadalaw sa kanya.

Ang paggamit niya ng telepono ay isasailalim ng Police Security and Protection Group samantalang ang mga panayam ng media ay papayagan lamang sa pahintulot ng Sandiganbayan. Ang gastos sa pagamutan ay sagot ni Ginang Arroyo.

Pangulong Aquino, binati ng OIC Secretary General

BINATI ni Organization of Islamic Cooperation Ekmeleddin Ihsanoglu si Pangulong Aquino sa pagtahak ng daan tungo sa kapayapaan. Sa kanilang isang oras na pag-uusap, sinabi ng kinatawan ng OIC na umaasa siyang magkakaroon ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Sumaksi si Ginoong Ihsanoglu sa paglagda ng kasunduan ng Pilipinas at ng MILF noong Lunes sa Palasyo Malacanang. Kailangan umanong magkaroon ng koneksyon ang inaasahang kasunduan sa 1976 Peace Agreement. Ang Tripoli Agreement noong 1976 ay kinatatampukan ng makasaysayang pagkakasundo at sinuportahan ng lahat ng mga Bangsamoro at 57 mga kasaping bansa ng OIC.

Tiniyak ng panauhin ang buong suporta ng OIC sa lahat ng peace efforts. Siniguro din niya na mayroong mga palatuntunang magsasama sa mga Bangsamoro. Tumutulong ang OIC na magkasama ang Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front upang magtulungan. Ang pagtatatag ng Bangsamoro Coordination Council ay pinag-uusapan pa upang magkasama ang dalawang grupo.

Ipinanukala ni Ginoong Ishanoglu ang pagdaraos ng tripartite meeting sa pagitan ng magkakasama sa 1976 at 1996 Peace Agreements na binubuo ng Moro National Liberation Front, Government of the Philippines at OIC upang malutas ang mga nalalabing isyu sa pagpapatupad ng 1996 Final Peace Agreement at anumang magkataliwas na probisyon sa mga kasunduang nilagdaang kasama ang MNLF at ang bagong Framework Agreement sa MILF.

Pag-uusapan ito sa susunod na OIC Conference of Foreign Ministers sa Nobyembre sa Djibouti.

Bagong kalakaran sa pagboto ng mga bilanggo ikinatuwa

IPINAGPASALAMAT ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang bagong guidelines ng Commission on Elections upang tulungan ang mga bilanggo na makaboto sa darating na halalan sa Mayo, 2013.

Ang Comelec Resolution No. 9371 ay nagsasaad na ang isang detenidong botante na may sapat na edad at nanatili sa mga piitan ng may anim na buwan bago sumapit ang halalan ay puedeng mag file ng kanyang voter application sa pamamagitan ng satellite registration.

Sinabi ni Ginoong Rodolfo Diamante ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na napagbigyan ang kahilingang makaboto ang mga bilanggo. Sa ilalim ng resolusyon, maaari nang mangampanya sa piitan ang mga kandidato. Mayroong halos 25,000 mga rehistradong bilanggong makakaboto sa Mayo 2013.

Magkakaroon din ng registration centers sa mga piitan na pangangasiwaan ng mga opisyal ng Commission on Elections kung saan naroon ang mga bilanggo. Ang mga rehistradong botant6e noong 2010 national elections ay maaaringmagkaroon ng updating ng impormasyon kung nailipat sila ng piitan.

Mayroong special polling places sa mga detention center na mayroong higit sa 50 mga rehistradong mga botante at magkakaroon din ng Special Board of Election Inspectors.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>