Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Paggalang sa mga 'di Muslim, tiniyak ng MILF

(GMT+08:00) 2012-10-18 18:07:10       CRI

Paggalang sa mga 'di Muslim, tiniyak ng MILF

PASASALAMAT. Ito ang ipinarating ni Fr. Patrick O'Donoghue, MSC, superior ng mga Columban Missionary (gitna) kay MILF Vice Chairman Ghazali Jaafar (kanan) sa pagtulong sa maagang pagpapalaya kay Fr. Mick Sinnot na dinukot ng mga armado noong 2009. (R. Lagarde) 

WALANG dapat ipangamba ang mga Kristiyano at mga katutubo sa pagbuo ng Bangsamoro government na kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. Ito ang sinabi ni Moro Islamic Liberation Front Vice Chairman Ghazali Jaafar sa panayam ng CBCP Online Radio kagabi.

Ayon kay Ginoong Jaafar, igagalang at ipagtatanggol nila ang mga mamamayang may ibang pananampalataya tulad ng mga Katoliko, Protestante at maging mga katutubo.

Garantisado rin ang mga karapatan ng mga babae sa 2012 Framework Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan noong Lunes sa Malacanang. Magugunitang sinaksihan ito ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, MILF Chairman Al Haj Murad Ibrahim, Malaysian Prime Minister Najib bin Razak at Secretary General Ekmeleddin Ihsanoglu ng Organization of Islamic Cooperation. Naganap ang paglagda sa Palasyo Malacanang at sinaksihan ng mga kinatawan ng iba't ibang sangay ng pamahalaan at mga kagawad ng diplomatic corps.

Idinagdag pa ni Ginoong Jaafar na isang demokratikong pamahalaan ang iiral sa Bangsamoro at papayagan ang mga Kristiyano na magsagawa ng kanilang mga nais gawin sa kanilang pananampalataya, magdiwang ng Pasko at magtayo ng mga babuyan.

Kung ang Bangsamoro ay maging isang partido politikal, kahit ang mga hindi Muslim ay makakakandidato.

Sa pagbuo ng detalyes ng panukalang kasunduan na itinatadhana ng 2012 Framework, sinabi ni Vice Chairman Jaafar na matagal na ang dalawang taon upang matapos ang Final Peace Agreement. Maglalabas ng executive order si Pangulong Aquino na bubuo ng "Transition Commission" sa oras na matapos ang mga papeles ng pamahalaan at ng MILF.

Idinagdag ni Ginoong Jaafar na huwag na sanang humigit pa sa dalawang taon sapagkat matagal ng hirapan ang mga Bangsamoro at matagal nang umaasa na magkakaroon sila ng sariling pamahalaan.

Nakapanayam ng CBCP Online Radio si Vice Chairman Jaafar sa isang hapunan na dinaluhan din ni Fr. Patrick O'Donoghue, MSC, ang regional superior ng Columban Missionaries at immediate superior ni Fr. Mick Sinnot na dinukot ng mga armadong Muslim noong ika-11 ng Oktubre 2009 mula sa kanilang kumbento sa Pagadian City. Napalaya siya sa pamamagitan ng Moro Islamic Liberation Front na kinabibilangan ni Vice Chairman Jaafar.

Kamatayan ni Fr. Pops Tentorio, ginunita kahapon

GINUNITA ng mga taga-Arakan Valley ang unang anibersaryo ng pagkakapaslang kay Fr. Fausto Tentorio sa pamamagitan ng isang Concelebrated Mass, mga awit at talumpati ng mga nagmamahal sa kanya.

Isang taon na ang nakalipas ng barilin at mapatay ang Italyanong misyonero na matagal na naglingkod sa mga Lumad at mga mahihirap na taga-baryo sa North Cotabato. Dumalaw din sila sa puntod na pinaghimlayan ng mga labi ng misyonero.

Ayon kay Fr. Peter Geremia, kapwa misyonero ni Fr. Tentorio, bukod sa paggunita sa kanilang minamahal na pari, nagkaroon ng panawagan sa mga kinauukulan sa pamamagitan ng pagdaraos ng caravan sa gitna ng malakas na ulan patungo sa Hall of Justice ng Kidapawan City.

"May ilang mga taga-barangay na nakapasok sa gusali at nakiusap sa tagausig na ipagpatuloy ang paglilitis kasabay ng paghahanap sa utak ng krimen," dagdag pa ni Fr. Geremia.

Ayon sa 74 na taong-gulang na misyonero, nanawagan sila kay Pangulong Aquino at sa Kagawaran ng Katarungan na gawin ang magagawa upang mabigyan ng katarungan ang pagkakapaslang sa Italyanong misyonero.

Kasabihan na sa daigdig, ani Fr. Geremia ang 'Justice delayed is justice denied' kaya't umaasa sila na hanapin ang tunay na salarin at may utak ng krimen. Naniniwala ang misyonero na may mga makapangyarihang tao na humahadlang sa pagsisiyasat at kusang inililigaw ang mga autoridad sa pamamagitan ng mga palsipikadong saksi.

Mas makabubuting disarmahan ang mga grupong armado sa North Cotabato, dagdag pa ni Fr. Geremia sapagkat may mga armadong nananakot sa mga saksi. Kung wala naman umanong kinalaman ang mga armadong ito, tumulong na lamang sa pagsisiyasat upang mabatid ang katotohanan sa pagpaslang kay Fr. Tentorio.

Dumating sa Pilipinas si Fr. Geremia noong Agosto, 1972, bago idineklara ang Batas Militar samantalang dumating si Fr. Pops sa kapuluan noong 1979.

Si Fr. Tentorio ang ikatlong PIME Missionary na napaslang sa Pilipinas. Unang napatay si Fr. Tulio Favali na isinilang sa Sustinente, Mantova, Italya, sa Tulunan, North Cotabato ng mga armadong grupo noong 1985 sa edad na 38.

Napaslang naman si Salvatorre Carzedda na taga Sardinia, Italya noong May 20, 1992 ng mga kalalakihang sakay sa motorsiklo.

Pangulong Aquino, dadalaw sa New zealand at Australia

MAGLALAKBAY si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa New Zealand at Australia mula sa Linggo, ika-21 hanggang Biyernes, ika-26 ng Oktubre. Ang paglalakbay na ito ay sa paanyaya nina New Zealand Prime Minister John Key at Australian Prime Minister Julia Gillard upang mapalakas ang relasyon sa dalawang mauunlad na bansa.

Mga paksang may kinalaman sa politika, tanggulang pambansa, ekonomiya at pagtutulungan sa pagpapa-unlad ng mga bansa at relasyon ng mga mamamayan ang nakatala sa agenda sa New Zealand. Magtutungo muna si Pangulong Aquino sa Auckland upang makausap ang mga Pilipinong naroroon at magsasalita sa Philippines-New Zealand Business Council. Makakausap din niya ang mga pinuno ng mga korporasyon doon.

Magtutungo naman si Pangulong Aquino sa Wellington at makakausap si Prime Minister Key. Isasalaysay niya ang tagumpay na natamo sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front.

Pagkatapos ng pulong sa Wellington, magtutungo siya sa Canberra para magsalita sa Philippines-Australia Business Forum. Makakausap din niya si Prime Minister Gillard. Nakatuon ang paguusa- sa pagtutulungan sa larangan ng politika, ekonomiya, tanggulang pambansa at pagpapaunlad ng mga kanayunan.

Kasama niya sina Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, Defense Secretary Voltaire Gazmin at ilan pang mga kalihim ng pamahalaan.

Alam na ang hangganan ng Benham Rise

NADAGDAGAN na ang nasasakop ng Pilipinas sa pagkakaroon ng 13.4 milyong ektarya ng continental shelf sa pagkilala ng United Nations sa Benham Rise. Sa idinaos na Presidential Forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje na nagawa na ang pagmamapa ng karagatan at continental shelf at naideposito na sa tanggapan ng United Nations ang mga kailangang dokumento.

Kilala bilang Benham Plateau, ito'y na sa silangan ng Pilipinas at ang pinakamababaw na bahagi nito ay 35 metro sa pagitan ng mga lalawigan ng Isabela at Aurora. Ayon sa mga dalubhasa ito ay maituturing na micro-continent. Ilang scientific survey na ang ginawa sa rehiyon. Pilipinas lamang ang naghabol sa Benham Rise na kinumpirma naman ng United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf noong ika012 ng Abril, 2012.

Sa ilalim ng UNCLOS, ang exclusive economic zone ay maaaring umabot sa 370 kilometro o 200 nautical miles mula sa continental shelf samantalang ang extended continental shelf ay lalago pa ng 278 kilometro o 150 nautical miles.

Umabot na ang nasasakop ng Pilipinas sa 43 milyong ektarya mula sa 30 milyon sa pagkakasama ng Benham Rise.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>