Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas, higit na tumibay

(GMT+08:00) 2012-10-19 17:34:59       CRI

PAGKAKAIBIGAN NG TSINA AT PILIPINAS HIGIT NA TUMIBAY

Umaasa si Kalihim Albert F. Del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Pambansa na higit na gaganda ang relasyon ng Pilipinas at Tsina.  Ito ang kanyang mensahe kay Chinese Vice Foreign Minister Fu Ying na dumalaw sa tanggapan ni Kalihim del Rosario kanina. (DFA) 

NANGAKO ang Pilipinas at Tsina na isusulong ang pagpapahusay ng bilateral relations ng dalawang bansa sa idinadaos na 18th Foreign Ministry Consultations. Kabilang sa tinalakay ng magkabilang panig ay ang mga isyu hinggil sa kalakal, turismo, agham at teknolohiya, judicial at law enforcement, cultural, people to people exchanges at iba pang mga usaping mahalaga sa magkabilang panig. Nagkasundo ang magkabilang panig na magpapatuloy ang mga pag-uusap.

Pinagbalik-aralan ang kalagayan ng bilateral relations partikular ang pagpapatupad ng mga proyekto sa nakalipas na sampung buwan na binaggit sa nakalipas na Foreign Ministry Consultations. Napag-usapan din ang mga mekanismo na makakatulong upang higit na pagibayuhin ang mga kasunduan nina Pangulong Benigno S. Aquino III at Pangulong Hu Jintao na umaasang magkakaroon ng $ 60 bilyong kalakalan at dalawang milyong mga turista dadalaw sa dalawang bansa sa 2016.

Pinamunuan ni Undersecretary For Policy Erlinda F. Basilio ang panig ng Pilipinas samantalang si Vice Minister Fu Ying naman ang namuno sa panig ng Tsina.

Bago naganap ang pag-uusap, dumalaw si Vice Minister Fu kay Kalihim Albert F. del Rosario. Sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Ginoong del Rosario na umaasa siyang ang magkabilang panig na kalahok sa FMC ang makakagawa ng nag-iisang daan tungo sa pagiging mornal at pagsusulot ng bilateral relations kasabay ng pagpapatupad ng mga kasunduan nina Pangulong Aquino at Pangulong Hu noong nakalipas na taon.

Nakatakdang dumalaw si Vice Minster Fu kay Pangulong Aquino bago bumalik sa Beijing.

PILIPINAS AT TSINA MAGTUTULUNGAN LABAN SA MGA KRIMINAL

MAKAKAASA ang mga autoridad na Pilipino at Tsino ng mas mahigpit na pagpapatupad na batas laban sa mga kriminal sa pagkakabisa ng mutual assistance pact sa ika-18 ng Nobyembre ng taong ito.

Ang pinag-ibayong kasunduan sa legal procedures ay naganap sa pagpapalitan ng mga dokumento na bahagi ng tratadong nilagdaan noong 2000. May pangalan itong Mutual Legal Assistance in Criminal Matters kanina kasabay ng 18th Foreign Ministry Consultations sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Ang kasunduan ng dalawang bansa ang nagsasaad ng legal framework upang magtulungan sa pagsisiyasat at paglilitis ng mga lalabag sa batas. Ang pagtutulungan ayon sa kasunduan ay kinabibilangan ng pagkuha ng mga sinumpaang salaysay ng mga saksi, pagbibigay ng mga dokumento at mga ebidensya, pagpapalitan ng criminal records, pagsasagawa ng paghahalughog at pagsamsam, paghahanap at pagkilala sa mga saksi, at mga paghahabol at pagsamsam sa mga kinita mula sa krimen at pagsasailalim ng freeze order sa mga pag-aari ng mga kriminal.

Dahilan sa pagdami ng bilang ng transnational crimes, ang MLAT ang magpapahintulot sa Pilipinas at Tsina na maghanap ng ebidensya, mga saksi at pinagkakitaan sa labas ng nasasakupang lupain ng dalawang bansa.

Nagpalitan ng mga dokumento sina Foreign Affairs Assistant Secretary for Legal Affairs Susan Natividad at Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing sa simpleng seremonyang sinaksihan ng mga kinatawan ng Tsina at Pilipinas. Nilagdaan ng magkabilang panig ang tratado noong ika-16 ng Oktubre 2000 samantalang nakapasa sa Tsina noong 2001 at naipasa sa Pilipinas noong ika-8 ng Mayo, 2012.

PILIPINAS NAGBIGAY NG $ 200,000 SA MGA NASALANTA NG LINDOL

Ipinagkaloob ni Kalihim del Rosario ang dokumento tungkol sa $ 200,000 na donasyon para sa mga nasalanta ng dalawang malalakas na lindol noong ika-7 ng Setyembre na ikinasawi ng may 80 katao at ikinasugat ng may 800 iba pa. (DFA)

BILANG pakikiisa ng Pilipias sa mga naging biktima ng malakas ng lindol sa Tsina kamakilan, ipinaabot ng Pamahalaan ng Pilipinas ang kontribusyon nito sa pag-ayuda sa mga biktima sa Yunnan at Guizhou.

Ang ceremonial handover ng donasyon ay ginawa sa pagdalaw ni Chinese Vice Foreign Minister Fu Ying kay Kalihim Albert F. Del Rosario kanina.

Noong nakalipas na ika-pito ng Setyembre, dalawang malalakas na lindol ang yumanig sa Yunnan at Guizhou provinces sa timog kanluran ng Tsina na ikinasawin ng may 80 katao at ikinasugat ng may 800 iba pa.

Libu-libo ang inilikas at nangangailangan ng relokasyon. Ang pinsala ay tinataya ng Xinhua news agency na aabot sa limang-daang milyong dolyar.

MGA MANGGAGAWA HUMILING NA SIYASATIN ANG LPG SA MGA TAXI

HINILING ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines sa Department of Health na kumilos upang matulungan ang mga tsuper ng taxi na nagkasakit sa paggamit ng Liquified Petroleum Gas. Kasabay din ito ng kanilang pagkabahala sa kalusugan ng mga pasahero. Tinatayang may 60,000 mga tsuper ng taxi ang namamasada sa buong bansa.

Ayon kay Gerard Seno ng ALU, ngayong may kumpirmasyon na ang pamahalaan, nararapat na maging madali ang pagtugon sa problema at makabuluhang porgrama ang mga ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources, Land Transportatio Franchising Regulatory Board, Department of Trade and Industry at Department of Health. Nararapat ding magsagawa ng inspeksyon sa LPG conversion shops at mga terminal ng taxi ang mga kinatawan ng pamahalaan. Nararapat ding makapanayam ang mga tsuper na nagkasakit at makagawa ng palatuntunan upang mapigilan ang yumayabong na health problem, dagdag pa ni Seno.

PANGREHIYONG PULONG TUNGKOL SA MIGRATION, IDINAOS

NATAPOS noong Martes ang dalawang araw na pagpupulong ng may 60 mga kalahok mula sa 19 na bansa sa temang Global Forum on Migration and Development Preparatory Workshop on International Migrant Domestic Care Workers sa Hyatt Hotel sa Maynila.

Ang dalawang araw na pulong ay itinaguyod ng Pilipinas at ng United Nations Entity for Gender Equality and the Empowerment of Women.

Ayon kay Undersecretary Jose F. Brillantes ng Special and Ocean Concerns, napapanahon ang pagpupulong sa Pilipinas sapagkat kapapasa pa lamang sa Senado ng Pilipinas ang International Labor Organization Convention No. 189 tungkol sa Decent Work for Domestic Workers at pagdating sa Ikatlong Pagbasa ng Kaasambahay Bill sa Kongreso.

Ayon sa mga kalahok, malaki ang naiaambag ng mga kasambahay sa ekonomiya ng bansa at ang pagdami ng nakikinabang sa ipinadadalang salapi sa kanilang mga pamilya at kamag-anak. Maaaring nakapagpa-aral, nakapagpagamot at nagkahanapbuhay ang mga kamag-anak ng mga kasambahay sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Tinataya ng ILO na mayroong 53 hanggang 100 milyong domestic workers sa buong daigdig at 83% sa kanila ay pawang kababaihan. Ibinahagi ng Philippine Overseas Employment Administration na mayroong 3.4 milyong mga kasamabahay na mga Pilipino.

SA LARANGAN NG KALAKAL, MANG-UUKIT NG MGA IMAHEN NI BEATO PEDRO CALUNGSOD, LUMAKAS ANG NEGOSYO

MGA DEBOTO NI PEDRO CALUNGSOD, DUMAGSA SA PAETE, LAGUNA.  Ito ang larawang kuha sa isang gawaan ng mga imahen ng mga santo.  Dumami ang nagpapagawa ng mga imahen ni Beato Pedro Calungsod na idedeklarang ikalawang santo mula sa Pilipinas sa darating na Linggo, ika-21 ng Oktubre sa Vatican City.  (R. Lagarde)

SA napipintong paghirang kay Beato Pedro Calungsod sa darating na Linggo, ang pangangailangan para sa kanyang mga imahen ay sumidhi kaya't kinailangan silang maghanap ng mga dagdag na mag-uukit ng kahoy upang gawing imahen ng magiging pangalawang santo mula sa Pilipinas.

Marami nang mga deboto mula sa buong bansa ang dumagsa sa Paete, Laguna na bantog na gawaan ng mga nilililok na imahen upang makabili ng imahen ng pinakabagong santo sa Simbahang Katoliko.

Ang pinakatanyag na gawaan ng mga imahen sa Paete, Laguna ay pag-aari ni Justino Cagayat, Jr. Siya ang may gawa ng tatlong talampakang imahen ng Beato Pedro Calungsod. Ginawa lamang ang imahen noong nakalipas na Hulyo sa kahilingan ng mga Jesuita.

Ang anyo ng imahen ay sang-ayon sa sinabi ni dating Cebu Archbishop Ricardo J. Cardinal Vidal. Sinabi ng cardinal na nararapat may tangang aklat na pinamagatang Doctrina Cristiana ang imahen ni Beato Pedro sapagkat siya'y katekista. May dala rin siyang palaspas na simbolo ng pagiging martir.

Ipinaliwanag ng anak ni Ginoong Cagayat na ang mga imahen na gawa sa resin ay nagkakahalaga ng mula P 350 hanggang P 7,000. Sa mga imaheng gawa sa kahoy, ang maliliit na imahen na isang talampakan at P 4,500 at ang apat na talampakan ay P 7,000 bawat isa. Umalis na si Ginoong Cagayat patungong Roma sa Italya upang dumalo sa seremonya sa araw ng Linggo.

Mula noong Agosto, tumaas na ang bilang ng mga nagpapagawa kaya't nakapaglalabas sila ng 100 imahen sa bawat linggo mula noon.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>