Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, isinusulong ang BPO

(GMT+08:00) 2012-10-23 17:53:54       CRI

PILIPINAS, ISINUSULONG ANG BPO

ISA sa mga industriyang isinusulong ng Pilipinas ay ang Business Process Outsourcing na mayroong mga kwalipikadong tauhan. Sa kanyang talumpati sa Philippines-New Zealand Business forum, sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na nangunguna na ang Pilipinas sa BPO services at nagkaroon ng revenues na umabot sa $ 7.38 bilyon noong 2011.

Binigyang-diin ni Pangulong Aquino na lumalawak pa ang serbisyo ng mga BPO sa Pilipinas at nag-aalok na ng serbisyo tulad ng healthcare information management outsourcing, backroom engineering design, animation at game development. Mayroon nang higit sa 700 kumpanya ang naglagak ng kapital sa Pilipinas. Malaki rin ang bilang ng mga manggagawang nagkatrabaho sa pamamagitan ng call centers sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas, dagdag pa ni Pangulong Aquino.

Samantala, sinabi rin ni Pangulong Aquino na higit na lalakas at gaganda ang relasyon ng Pilipinas at New Zealand. Halos 13% ng mga banyagang dumalaw sa Pilipinas noong 2011 ay nagmula sa New Zealand. Ayon sa datos, umabot sa 12,700 ang mga nagmula sa New Zealand.

Maganda ang business climate sa Pilipinas at napapanahon na ang paglalagak ng capital. Ang business climate ay nagaganap sa pamamagitan ng pagiging patas at pagpapanatili ng integridad, maliwanag na mga batas at ang lahat ay binibigyan ng oportunidad na kumita.

Sa kanyang talumpati, sinabi niya na maaaring makinabang ang Pilipinas at New Zealand sa pamamagitan ng geothermal energy. Nagkatulungan na rin umano ang dalawang bansa noong nakalipas na mag apanahon at nananatili pa rin ang Geothermal Energy Cooperation Arrangement na naging dahilan upang magbahagi ang New Zealand ng kanilang magagandang kinagawian.

Mayroon pa umanong 2000 megawatts na magmumula sa geothermal energy at higit itong mapakikinabangan sa paglinang ng enerhiyang mula sa ilalim ng lupa. Ang Kagawaran ng Enerhiya ay mayroong investment promotion na pinangalanang Open and Competitive Selection Process na katatampukan ng geothermal energy prospects na iaalok at isusubasta.

Naglalakbay si Pangulong Aquino sa New Zealand at Australia sa linggong ito.

SINDIKATO, NALANSAG; PULISYA NANAWAGAN SA MGA BIKTIMA

MGA BIKTIMA, PINAYUHAN NG CIDG CHIEF.  Ang mga banyagang biktima ng isang malaking sindikato ay pinayuhan ni Police Director Samuel Pagdilao (nakatalikod sa kamera sa kaliwa) ng Criminal Investigation and Detection Group na makipagtulungan upang mabatid ang mga gawa ng sindikato.  Nasa larawan ang Taiwanese national na si Laiu Fue Sung (gitna) at Atty. Andres P. Manuel, (kanan) abogado ng mga biktima.

NEGOSYANTENG TSINO, KABILANG SA MGA NABIKTIMA.  Nasa larawan si Lin Shang Yin, may-ari ng High Apex Group sa Guandong, Tsina.  Ipinaliliwanag niya kung paano siya nakumbinse ng bumili ng copper wire sa murang halaga.  Ang copper wires na kanyang binili ay pinalitan ng mga bato at semento.  Umabot sa P 100 milyon ang nawala sa kanya.  Bumalik siya sa Pilipinas upang ipagsumbong ang mga tauhan ng sindikato.

NAGTAGUMPAY ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police at mga tauhan ng Anti-Money Laundering Council ang isang sindikatong sangkot sa panggagantso o panloloko ng mga banyagang negosyante.

Ipinarating na rin ang dalawang syndicated estafa cases sa Kagawaran ng Katarungan at naipag-utos na ang pagpigil sa may 150 mga personal at corporate bank accounts ng mga tauhan ng sindikato na aabot sa milyun-milyong piso.

Sa isang press briefing sa kanyang tanggapan sa Campo Crame, sinabi ni Police Director Samuel Pagdilao na kilala na ang mga taong sangkot na kinabibilangan ng dalawang Singaporean at isang British passport Hong Kong national na sangkot sa malawakan at organisadong operasyon na nambiktima ng mga mamimili ng mga cooper wire at scrap metal na walang kamalay-malay sa kalakaran ng katarungan sa Pilipinas.

Kinasuhan ng syndicated estafa sina Ah Chai Teo na kilala sa pangalang Aceteo, isang Singaporean, Huang Chen alias Patrock Hwang, isang Taiwanese, isang Lim Hoi Chung alias Ronald Lim, isang Hong Kong – British national, isang Chen Qwee Khai, alias Justin Chang na isang Singaporean, Chen Zhi Quiang alias Jason Tan, Chinese national at limang Filipino na naklilala sa mga pangalang Romy Diaz Flores at isang retiradong pulis, Chief Inspector Guerrero Villacorta, Maryann Vasquez Basan, Pacido Ramos at isang Janet Villareal.

Gumamit ang sindikato ng mga shell company upang ikubli ang kanilang gawain. Sa pamamagitan ng kanilang mga ahente sa loob at labas ng Pilipinas, naglalagay sila ng mga larawan ng mga tanso at scrap metal na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar sa internet sa napakababang halaga upang pumasok ang mga banyagang mamimili. Sa kanilang paanyaya, darating sa Pilipinas ang mga mamimili at titingnan ang kargamento ng copper wires at scrap metal. Gumagamit ng iba't ibang pangalan ang mga taong sangkot sa transaksyon at mga kumpanya. Sa oras na lumagda na sa kontrata ang mamimili, ang pagkakarga ng copper wires ay ilalagay na sa container van upang ipadala sa abroad. Matapos ang pagkakarga at pagseselyo ng container van, ang banyagang mamimili ay magbabayad ng kalahati ng halagang napagkasunduan sa pamamagitan ng US dollars. Babalik din siya sa kanyang bansang pinagmulan at aayusin ang pagbabayad ng balance.

Hindi batid ng mamimili na sa oras na umalis siya ng Pilipinas, ang buong pinto ng container van ay aalisin ng hindi magagalaw ang selyo. Ang laman na bakal ay papalitan ng mga bato at basura. Isasaayos ang mga pinto at ipadadala na sa daungan upang ikarga sa barko patungo sa bansang kinaroroonan ng mga mamimili.

Higit na umano sa sampung taong ginagawa ng sindikato ang illegal na gawaing ito. Nabiktima ang isang nagngangalang Lin Shang Yin, may-ari ng High Apex Group sa Guandong, Tsina. Nagtungo siya sa Pilipinas noong ika-13 ng Pebrero, 2011 upang bumili ng copper wires na iniaalok ng Zephyr Metal Trading.

Sa pag-aakalang kikita siya, nag-order si Lin ng 346 metriko tonelada ng copper wires sa halagang US $ 7,000.00 bawat tonelada na nagkakahalga ng $ 2,422,903.00 o higit sa P 100 milyon. Nang dumating ang container vans sa Guandong, nalaman niya na mga basurang semento ang kargamento.

Bumalik sa Pilipinas si Lin at humingi ng tulong sa pulisya. Kinasuhan ng syndicated estafa ng CIDG ang mga suspect. Hiniling ng CIDG sa Anti-Money Laundering Council na magsagawa ng financial investigation kasunod naman ng reklamo ng isang Vietnamese national na nakilala sa pangalang Kim Soo Young, pangulo ng Lee Bach, na dumalaw sa CIDG noong May 2011. Nabatid ng mga imbestigador ang shell corporations ng ginagamit sa operasyon.

Nagbabala si Director Pagdilao sa mga banyagang mangangalakal na mag-ingat sa mga illegal na iskema. Nagbabala rin siya sa mga sangkot na kasapi ng sindikato na hindi magtatagal ay mabubunyag din ang kanilang krimen.

Bagama't nakalabas na ng bansa si Ah at mga kasamang banyaga, umaasa silang matutulungan sila ng International Police o Interpol upang madakip ang mga akusado. Umalis si Ah noong ika-2 ng Pebrero 2012 at hindi pa bumabalik. Si Ronald Lim ay kaaalis lang ng bansa noong Martes, ika-16 ng Oktubre samanalang si Justin Chang ay umalis na ng bansa noong ika-9 ng Enero, 2012. Sina Villacorta ay nasa Pilipinas pa. May koordinasyon ang CIDG, AMLAC at Bureau of Immigration sa pagsisiyasat ng usaping ito.

PAGHAHANDA SA UNDAS, SINIMULAN NA

NAGSIMULA na ang mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang payapa at maayos na paggunita ng All Saints Day at All Souls Day sa una at ikalawang araw ng Nobyemre.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, dinagdagan na ng pulisya ang kanilang mga tauhang ikakalat sa mga libingan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan. Isang contingency force ang ikakalat upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong dadagsa sa mga lalawigan upang magbigay galang sa mga yumao.

Tradisyon na ng mga Pilipino ang pagaalay ng mga panalangin at bulaklak sa mga yumaong mahal sa buhay.

Mayroong kaukulang mga panalangin sa Todos Los Santos sa iba't ibang simbahan sa buong bansa.

PAGDIRIWANG NG IKA-50 TAON NG ISABELA, SINIMULAN NA

NAGSIMULA noong Linggo ang paghahanda sa pagdiriwang ng ika-50 taong pagkakatatag ng Prelatura ng Isabela de Basilan sa pamamagitan ng Misang pinamunuan ni Bishop Martin Jumoad sa Claret College.

Ang pagdiriwang ay kasabay ng paghirang kay San Pedro Calungsod bilang ikalawang santo ng Pilipinas at World Mission Sunday.

Nanawagan si Bishop Jumoad sa mga mananampalataya na kilalanin ang buong taon ng paghahanda para sa Golden Jubilee bilang mga araw ng pasasalamat at pagbabago.

May aklat sa simbahan ng Sta. Isabella na may datos na mula noong 1866 at mag lagda ni Reb. Padre Francisco Cevallos,. SJ na nagpapatunay na may mga Katoliko na sa Basilan noon pa man.

Dumating ang Claretian missionaries noong 1951 samantalang dadalawa ang simbahan. Noong Oktubre 21, 1963, nag-utos si Pope John XIII na buuhin na ang Prelatura ng Isabela de Basilan. Mula sa 35,000 mga Katoliko noon, sa populasyon noong 2007 na mayroong 420,000 mga mamamayan sa Basilan, 130,000 na ang mga Katoliko, dagdag pa ni Bishop Jumoad.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>