Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Isang nasawi, siyam ang nawawala samantalang libu-libo katao, hindi makaalis sa mga daungan at paliparan

(GMT+08:00) 2012-10-25 18:27:31       CRI

Isang nasawi, siyam ang nawawala samantalang libu-libo katao, hindi makaalis sa mga daungan at paliparan

ISA ang nabalitang nasawi samantalang siyam na iba pa ang nawawala dahilan sa bagyong "Ofel." Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasawi si Sophia M. Recto dahilan sa sobrang lamig. Nawawala naman ang siyam katao na nagmula sa Southern Leyte, Romblon, Cebu, Tacloban City, Cotabato at General Santos cities. Isang libo katao naman ang apektado ng sama ng panahon at inilikas sa higit na ligtas na lugar.

Tatlumpu't dalawang domestic flights ng Cebu Pacific at Air Philippines ang nakansela ngayong Huwebes dahilan sa bagyong "Ofel" kaya't maraming mga pasahero ang umuwi na lamang sa kanilang mga tahanan.

Umabot naman sa halos 16,500 katao ang stranded kasabay ng may 97 mga truck at kotse, 37 pampasaherong bus, 825 rolling cargoes, 106 na mga barko at 50 mga bangkang de motor mula sa Hilagang Mindanao, Kabisayaan, Bicol, Timog Katagalugan at Metro Manila ang hindi pinayagan ng Philippine Coast Guard na makapag-layag dahilan sa bagyo.

Ayon kay Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard, isang hakbang ito upang huwag manganib ang buhay ng mga pasahero at tripulante ng mga barko.

Binabantayan nila ang mga sasakyang-dagat sa mga daungan at hindi kailanman papayagang maglayag hanggang hindi gumaganda ang panahon.

Suspendido ang klase sa Cebu City, sa buong lalawigan ng Albay at Camarines Sur at sa Calapan City, Puerto Galera at Naujan sa Oriental Mindoro.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o PAGASA, patuloy na nadarama sa Metro Manila ang banayad hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa nakalipas na tatlong oras. Malaki umano ang posiblidad na maging dahilan ito ng pagbaha sa mga mabababang pook.

Bagong hirang na kardinal, nagpasalamat

IKA-PITONG CARDINAL MULA SA PILIPINAS. Hinirang na Cardinal si Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Tagle ni Pope Benedict XVI kahapon. Magaganap ang seremonya sa darating na ika-24 ng Nobyembre sa Conclave sa Vatican City. Si Cardinal Tagle ay 55 taong gulang kaya't siya ang pinakabata sa mga cardinal sa buong daigdig.

PASASALAMAT sa Diyos at kay Pope Benedict XVI ang nabanggit ni Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Tagle, ngayo'y 55 taong gulang, ang pinakabatang cardinal sa buong Simbahan sa kanyang pagkakahirang kahapon kasama ng limang iba pang mga arsobispo mula sa iba pang bahagi ng daigdig.

Ang matawagang makasama sa paglilingkod ng Santo Papa ay isang malaking hamon. Ipinagpasalamat niya ang pagmamahal ng Santo papa sa kanya at sa Arkediyosesis ng Maynila at sa buong simbahan sa Pilipinas. Nais umanong marinig ng Santo Papa ang tinig at makabalita mula sa mga karanasan ng mga Pilipino sa pananampalataya at pagmimisyon.

Bagaman, nababahala siya sa dami ng nararapat gawin at mangangailangan ng pagpapalawak ng pananaw at kaisipan, mapag-aralan ang mga nagaganap sa lipunan at sa Simbahan. Kailangan din umanong mapag-ibayo ang misyon ng Arkediyosesis ng Maynila at sa Simbahan sa buong Pilipinas.

Napapanahon din ang paghirang sa kanya sa pagkilala kay San Pedro Calungsod sa Year of Faith at sa pagdaraos ng Synod of Bishops on the New Evangelization. Ang mga pangyayaring ito ay nararapat lamang ipagpasalamat sa Diyos na mahabagin, dagdag pa ni Cardinal Tagle.

Samantala, hinintay nina Arsobispo Jose S. Palma ng Cebu, Arsobispo Romulo Valles ng Davao at Arsobispo Socrates B. Villegas ng Lingayen-Dagupan ang bagong hirang na kardinal matapos lumabas ang pahayag ni Pope Benedict XVI sa bulwagan ng Synod Hall.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Arsobispo Villegas na humagulhol ang bagong hirang na kardinal. Idinagdag niya na ang mga luhang ito'y nagbabadya ng kaligayan at takot. Ipinaliwanag ni Kardinal Tagle na sa bawat grasya'y may kaakibat na responsibilidad. Ipinapanalangin ng mga obispo at arsobispo ang pinakahuling kasapi ng College of Cardinals at nanawagan din si Arsobispo Villegas sa tanang mga Pilipino na ipagdasal si Cardinal Tagle.

Sa panig naman nina Obispo Bernardino C. Cortez at Broderick S. Pabillo, ipinagpasalamat nila ang pagkakahirang sa kanilang arsobispo bilang cardinal.

Para kay Lipa Archbishop Ramon C. Arguelles, isang malaking karangalan para sa Pilipinas na mahirang si Arsobispo Luis Antonio G. Tagle bilang kardinal kasabay ng kanyang taos-pusong pagbati sa mga Katoliko sa Pilipinas.

Obispo ng South Cotabato, nanawagan sa mga autoridad

KINONDENA ni Marbel Bishop Dinualdo D. Gutierrez ang pagpaslang sa isang 27 taong-gulang na nagdadalang-tao at sa kanyang dalawang anak na nag-eedad ng 13 at walong taong gulang.

Sa isang pahayag na ipinadala sa CBCP Media Office, sinabi ni Bishop Gutierrez na napaslang sina Juvy Malid Capion at dalawang anak na sina Juvy-Jordan at John sa kamay ng mga kawal sa ilalim ng isang 1Lt. Dante Jimenez, commanding officer ng Bravo Company noong ika-18 ng Oktubre, 2012 sa Sitio Fayahlob, Datal Aliong, Kiblawan, Davao del Sur. Naganap ang pagpatay mga ika-6:30 ng umaga. Ang ikatlong anak ni Juvy na nakilala sa pangalang Vicky ay nakatakas subalit nasugatan. Isang 11-taong gulang na batang babae ang nakatakas subalit natulala sa naganap na insidente.

Ayon sa obispo, si Daguil Capion, ang haligi ng pamilya, ay isang B'laan na mahigpit na kumokontra sa Tampakan Copper and Gold Project ng Xstrata/Sagittarius Mines. Ayon sa militar, isang sagupaan ang naganap sa pag-itan ng mga kawal at mga armadong kasama ni Daguil Capion at ng mga komunidad na hingi sang-ayon sa multi-bilyong dolyar na proyekto.

Ayon sa obispo, sinabi ng mga nakarinig na walang palitan ng putok. Ang dugo'y kumalat sa dingding na tahanan, may mga tama ng bala sa kisame ng kubong tinitirhan ng mga biktima.

Kinondena ng obispo ang pangyayaring ito at kailangan umanong pumasok ang Commission on Human Rights, National Commission on Indigenous Peoples, Department of National Defense at Department of Interior and Local Government upang magkaroon ng masusi at madaliang pagsisiyasat sa insidenteng ito.

Bago umano dumating ang Western Mining Corporation noong 1995, payapa ang Tampakan at mga kalapit pook. Nang dumating ang Sagittarius/Xtrata/Indophils, ang humalili sa Western Mining, nagsimula na ang gulo. Mayroon ng mga sagupaan sa pag-itan ng mga B'laan ng mga barangay sa kabundukan. Inilipat ng Sagittarius Mines ang mga B'laan mula sa Barangay Bong Mal patungo sa Barangay Atmorok. Matagal na ang hindi pagkakasundo ng mga komunidad na ito, dagdag pa ni Bishop Gutierrez.

Nais paalisin ng mga B'laan ang mga militar sa kanilang nasasakupan at nais din nilang iagalang ng Sagittarius Mines ang kanilang ancestral land, human rights, customary laws at mga tradisyong mahahalaga sa kanila. Nais din nilang itigil na ng Sagittarius Mines ang kanilang proyekto.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>