Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Milyong mga Pilipino, dumagsa sa mga libingan ngayon

(GMT+08:00) 2012-11-01 17:45:11       CRI

MILYONG MGA PILIPINO, DUMAGSA SA MGA LIBINGAN NGAYON

NAGSIMULA na ang pagbuhos ng mga Pilipino sa mga libingan sa iba't ibang bahagi ng bansa. Tradisyon na ng mga Pilipino ang magbigay-galang sa mga yumao sa tuwing sasapit ang All Saints at All Souls' days.

Libu-libo na ang nakita sa mga sementeryo mula pa kaninang umaga. Ang mga naninirahan sa Metro Manila ay nakaalis na pauwi sa kanilang malalayong mga lalawigan subalit ang mga nagmula sa Gitna at Timog Luzon ay kaninang umaga lamang umuwi kaya't humaba at bumagal ang daloy ng mga sasakyan papasok sa mga expressway.

Ayon sa pulisya, may 200,000 katao na ang nagtungo sa Manila North Cemetery samantalang aabot pa lamang sa 15,000 ang naitala sa Manila South Cemetery.

Nasamsam na ng pulisya ang halos isang daang mga patalim, may 71 mga masusunog na bagay, mga stereo at mga baraha. Mahigpit na ipinagbabawal ang mga patalim at anumang magsisimula ng sunog na kagamitan sa loob ng mga libingan.

Sa panig ng Simbahang Katoliko, karaniwang ginagawa ang Misa sa mga sementeryo pagsapit ng dapithapon.

Halos lahat ng mga lansangan sa Metro Manila ay napakaluwag tulad ng larawang kuha sa Ayala Avenue sa Makati Central Business District kaninang katanghalian.

ISANG MEMORIAL, NAPALILIGIRAN NA NG MATATAAS NA GUSALI

MATATAGPUAN gitna ng Bonifacio Global City ang isang napakatahimik at maayos na lugar na dinadalaw ng may 170,000 katao bawat taon. Halos magkakapareho ang bilang ng mga pamilyang Americano at Pilipino na regular na dumadalaw sa Manila American Cemetery and Memorial na gumugunita sa mga nasawi noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagaman, may mga Tsino, Japones at mga Koreano na dumadalaw din sa memorial.

Ayon kay Assistant Superintendent Bert Caloud may 53,000 mga kawal na nasawi ang ginugunita sa isa sa apat na war memorials na kanilang pinangangasiwaan. Sa bilang na ito, higit sa 17,000 ang nailibing na kinabibilangan ng 4,000 na hindi na nakilala subalit natitiyak na mga kawal. Kabilang din ang may higit sa 36,000 mga missing in action. May 4,000 mga Pilipino ang naglingkod sa ilalim ng Philippine Scouts noong manakop ang mga Hapones. May 570 labi ng mga kawal na Pilipino ang nakalibing sa memorial.

Isa umanong karangalan para sa kanila na dumalaw ang mga naulila ng mga Philippine Scouts, ang pinakamagaling na contingent sa Bataan.

Ayon kay Ginoong Caloud, maraming mga kawal ang nasawi sa Bataan, sa naganap na Death March at sa mga piitan sa Camp O'Donnel na pinaglagyan ng mga kawal na Pilipino at mga Americano.

Kahit pa hindi ipinagdiriwang ng mga Americano ang Undas o Todos Los Santos, iginagalang ng mga nangangasiwa ng Manila American Cemetery and Memorial ang tradisyon ng mga Pilipino. Nagsimula nang dumalaw ang mga Pilipino sa kanilang mga yumao noon pang nakalipas na Biyernes noong nakaraang linggo. Batid na ng mga nangangasiwa kung saan at kung sino ang dinadalaw ng mga Pilipino sa loob ng memorial.

Unang binalak ng mga Americano na gumawa ng memorial sa kinatatayuan ng Balintawak Market sapagkat dating pinaglibingan din iyon ng mga Americano. Hindi lamang natuloy sapagkat maliit ang lugar kaya't pinili nila ang kinatatayuan ngayon ng Manila American Cemetery and Memorial. Ang pinaka-kapilya nito ay may taas na 140 talampakan mula sa baybay-dagat.

Nabawasan nga lamang ang solemnidad ng memorial ng maganap ang conversion ng Fort Bonifacion at ginawang Global City. Noong mga taong 2000, nagsimula nang magtayo ng matataas na gusali sa paligid ng libingan.

Ani Ginoong Caloud, kitang-kita ang luntiang damuhan ng mga pasahero sa eroplano tuwig tag-init sapagkat mayroon silang magandang sistema ng patubig. Sa gabi nama'y sila ang pinakamadilim na bahagi ng The Fort samantalang ang kapaligiran ay pawang maliliwanag.

Hindi lamang naman ang Manila American Cemetery and Memorial ang nakakaranas ng ganitong kalagayan sapagkat ang Arlington ay napaliligiran ng mga gusali sa Washington D.C. Benepisyo na lamang ang kanilang tinitingnan sa mga nagaganap ngayon sa Global City.

May mga memorial na pinagangasiwaan ang kanilang tanggapan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, sa Port Moresby sa Papua New Guinea at maging sa Saipan. Magkakaroon din ng dedication rites sa isang pook sa South Korea at sa Solomon Islands.

Ipinaliwanag ni Ginoong Caloud na pinagtangkaan nilang gumamit ng mga marmol mula sa Romblon kaya nga lamang ay hindi tumugon sa requirements ng Estados Unidos.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>