Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino, nasa Laos para sa pagpupulong ng ASEAN at European Union

(GMT+08:00) 2012-11-05 17:43:59       CRI

UMALIS kahapon si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III upang dumalo sa pagpupulong ng mga pinuno ng Association of Southeast Asian Nations at Europa sa Vientiane, Laos People's Democratic Republic. Tinaguriang ASEAM Summit na nagsimula na kaninang umaga at tatagal ng hanggang bukas. Ang Laos ang ika-pitong bansa niyang nadalaw sa taong ito at ang budget ay nagkakahalaga ng P 8.9 milyon.

Sa kanyang talumpati sa harap ng higit sa 200 Filipino sa Vientiane, sinabi ni Pangulong Aquino na kakaunti ang kanyang paglalakbay sa labas ng bansa kaysa sa dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Idinagdag ni Pangulong Aquino na hindi niya batid kung bakit naiipon ang mga biyahe sa huling tatlong buwan ng taon.

Kinailangan niyang dumalo sa pagpupulong sapagkat hindi na siya nakadalo noong 2010 sa Belgium at baka raw alisin na ang Pilipinas sa talaan ng mga bansang kasapi sa kapulungan.

Lumipad si Pangulong Aquino sa Cambodia noong Abril para sa ASEAN Summit at sa United Kingdom para sa kalakalan at sa Estados Unidos upang makausap si Pangulong Barack Obama noong nakalipas na Hunyo.

Noong Setyembre nama'y nagtungo siya sa Vladivostok, Russia para sa Asia-Pacific Economic Conference. Dumalaw din siya sa New Zealand at Australia noong nakalipas na buwan.

Nagtungo siya sa Brunei upang makipagkasal sa anak ni Sultan Hassanal Bolkiah na walang ginasta ang pamahalaan.

Ayon sa media reports na nakarating sa Maynila, ang mga Filipino sa Laos ay mga enhinyero, English teachers, consultants para samga international agencies, mga kawani sa garments factories at mga office workers.

MGA MIYEMBRO NG PARAMILITARY TROOPS, GINAGAMIT NG MGA POLITIKO?

IPINASISIYASAT ni Congressman Rodolfo Biazon ng Muntinlupa City ang balitang ginagamit ng mga gobernador at alkalde ang mga kasapi sa Citizens Armed Force Geographical Unit o CAFGU bilang mga private army at bodyguards.

Hiniling ng mambabatas na isailalim sa pagsisiyasat ng Mababang Kapulungan ang mga gawaing ito ng mga CAFGU na pawang labag sa batas. Ikinababahala ng mambababatas sa ilang kasapi ng paramilitary troops ang sangkot sa mga pagpatay at iba pang mga illegal na gawain.

Nagagamit ang mga CAFGU Active Auxiliaries at SPECIAL CAFGU Auxiliaries bilang mga goons ng ilang mga gobernador at mga alkalde.

Nararapat lamang umanong alamin kung ang orihinal na layunin ng pagbuo ng CAFGU sa ilalim ng batas ay naipatutupad. Nais ng dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff at Senador ng Republika at ngayo'y mambabatas sa Mababang Kapulungan na maliwanag ang misyon, kabuuhan, pagsasanay, pagtustos, control at supervision ng mga CAFGU ay ayon pa rin sa batas.

Ang mga CAFGU ay nararapat lamang na tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at maharap ang mga gerilyang kabilang sa New People's Army. Kabilang din sa kanilang obligasyon ang pagsuporta sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines. Trabaho rin nila ang pagtulong at paglilikas sa mga nasalanta ng kalamidad.

Magugunitang nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino ang Executive Order 264 noong ika-26 ng Hulyo 1987 na bumubuo ng mga CAFGU sa maraming bahagi ng Pilipinas laban sa insurgency.

APAT NA KAWAL, TINAMBANGAN NG MGA REBELDE, PATAY

TINAMBANGAN ng mga pinaghihinalaang kasapi ng New People's Army ang apat na walang armas at off-duty na mga kawal, sakay ng tatlong motorsiklo pabalik sa kanilang kampo mula sa pamamalengke. Naganap ang insidente sa Barangay Mapula, Paquibato District sa Davao City kahapon ng ika-lima't kalahati (5:30 P.M.) ng hapon.

Ayon kay Lt. Col. Lyndon Paniza, tagapagsalita ng 10th Infantry Division, sampung mga gerilya ng New People's Army na armado ng armalite rifles ang nanambang sa mga kawal. Tatlo kaagad ang nasawi samantalang nasa isang maliit na lansangan kahapon ng hapon. Kinilala ang tatlong agad nasawi sa mga pangalang PFC Ahain Vir Dolero, PFC Marvin Lauronal at PFC Noel O. Sigan. Dinala na ang kanilang mga labi sa Villa Funeral Homes.

Hinila umano ng mga gerilya si Private Marcelo Himaya, ang isa pang kawal patungo sa isang palayan at doon pinagbabaril hanggang sa masawi. Natagpuan na ang kanyang labi kanina.

Higit na sa apat na dekada ang pakikidigma ng mga rebelde sa pamahalaan. Ayon sa datos, higit na sa 120,000 katao ang nasawi at patuloy na naging hadlang sa kaunlaran sa malalayong pook sa Pilipinas.

OBISPO: HINDI ANGKOP ANG PARUSANG KAMATAYAN

HINDI KAILANGAN ANG DEATH PENALTY SA PILIPINAS.  Ito ang binigyang-diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo (nasa larawan) sapagkat ang Justice system ng bansa ang nangangailangan ng ibayong reporma.  (Kuha ni Roy Lagarde)

NANINIWALA si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na hindi kailangan ang parusang kamatayan sa likod ng isang karumal-dumal na krimeng naganap sa Cavite.

Ayon sa obispo, hindi mapipigilan ng death penalty ang paggawa ng krimen ng mga kriminal. Hindi kailanman magiging solusyon ang parusang kamatayan, dagdag ng obispo. Hindi ito angkop sapagkat ang justice system ng bansa ay nangangailangan ng ibayong reporma.

Nakita na umano ang mga nahatulan ng kamatayan noo'y ang mga walang kakayahan at nagkakataon lamang sila ang nagiging sangkalan. Hindi naparurusahan ang mga may kasalanan.

Ang problema'y na sa justice system ng Pilipinas, dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Ang pagkasawi ni Cyrish Magalang, ang cum laude graduate ng University of Santo Tomas na pinagsasaksak ng may 50 ulit ang dahilan ng panawagang ibalik ang death penalty. Dalawang lalaki ang umamin ng kanilang responsibilidad at ngayo'y nasa kamay na ng pulisya. Ang magkapatid ay umaming nasa impluensya sila ng droga ng magawa ang krimen.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>