Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, mahalaga sa Estados Unidos

(GMT+08:00) 2012-11-07 18:18:02       CRI

Pilipinas, mahalaga sa Estados Unidos

KAHALAGAHAN NG HALALAN BINIGYANG PANSIN.  Mahalaga ang halalan sa Estados Unidos.  Ito ang sinabi ni U. S. Ambassador to the Philippines sa kanyang talumpati sa Election Watch sa SM North EDSA.  Nagkaroon ng mock elections at may 2,300 kataong lumahok.  Ani Ambassador Thomas, 76% ng mga lumahok sa mock elections ang bumuto kay Pangulong Obama.  (Melo Acuna)

PAGKAKAIBIGAN NG PILIPINAS AT AMERICA MAGPAPATULOY.  Niliwanag ni Ambassador Harry K. Thomas na mahalaga ang pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos na kahit sinong mahalal kikilalanin ang Pilipinas bilang isang "strategic ally."  (Melo Acuna)

NANANATILING malapit na kaibigan ng Estados Unidos ang Pilipinas kaya't nakatitiyak ang mga Pilipino na pahahalagahan ng mga Americano ang mainit na relasyong ito. Sa isang panayam kay American Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas kasabay ng pagdaraos ng "Election Watch 2012" sa SM North EDSA, sinabi niya na kahit sinong mahalal na pangulo ng Estados Unidos ay magpapatuloy ang kanilang pakikipagkaibigan sa mga bansa sa Asia, partikular sa Pilipinas.

"Napakarami naming interes sa Pilipinas lalo't pa't isang strategic ally ang bansang ito," dagdag pa ni Ambassador Thomas. Mayroon din umanong mga 30 Filipino-Americans na kumandidato para sa iba't ibang posisyon sa halalang idinaos kahapon.

Nagpapatuloy din umano ang impluensya ng mga Pilipino sa Estados Unidos at higit na tumitibay ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, sa kanyang talumpati sa pagkakapahayag ng pagwawagi ni Pangulong Barack Obama ng ikalawang termino, sinabi niya na napapanahon nang limutin ang mga maaaanghang na salita at kumilos na upang higit na umunlad ang bansang Estados Unidos.

Napapanahon ding batiin ang magkabilang panig, ang panig nina dating Gobernador Mitt Romney at Pangulong Barack Obama sapagkat kahit naging mahigpit ang pagtutunggali, maituturing na naging malaya, patas at kita ng madla ang proseso ng halalan.

Ikinagagalak ni Ambassador Thomas na makasama sa paglilingkod muli si Pangulong Obama tulad rin naman kung nahalal si Ginoong Romney sapagkat ito ang sinasabi at itinatadhana ng demokrasya. Obligasyon ng lahat na kilalanin ang hatol ng bayan. Noong mga nakalipas na panahon, walang nakaisip na magkakaroon ng African-American na tatakbo sa panguluhan tulad din naman ng isang Americanong kasapi ng Church of Jesus Christ of Latter Day Saints.

Ginunita pa ni Ambassador Thomas ang kanyang kabataan na kinailangang malayo siya sa mga puti sa panonood ng sine at hindi nakakapasok sa mga silid-aralan. Ito umano ay napawi na sapagkat hindi na hinuhusgahan ang tao ayon sa kulay ng kanyang balat kungdi sa kanilang kakayahan, tulad ng sinabi ni Dr. Martin Luther King. Sinabi ni Ambassador Thomas na isinilang siya noong 1956 sa South Carolina. Naglingkod din ang kanyang ama bilang American serviceman sa Pilipinas.

Pangulong Aquino, lumiham na kay Pangulong Obama

ISANG liham ng pagbati kay Pangulong Barack Obama ang ipinadala ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagkakahalal na muli sa panguluhan ng Estados Unidos.

Ayon kay Presidential Spokesperson Kalihim Edwin Lacierda, ipinadala na sa White House ang liham. Ginunita ni Pangulong Aquino ang mensahe ng pag-asang binanggit ng kandidatong si Senador Obama na nakarating sa mga mamamayan ng America at sa daigdig.

Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang liham na sa pagkakahalal muli kay Pangulong Obama ay pinagtiwalaan siyang muli ng mga mamamayan, pamunuan ang bansa tungo sa kaunlaran at magpapatuloy sa pakikinig sa mga tinig at kaisipan ng mga mamamayan.

Ginunita ni Pangulong Aquino ang makabuluhan nilang pagpupulong sa pagkakaunawa sa mga layunin ng mga Americano at mga Pilipino na ang sandiga'y pangmalawakang kaunlaran at pinag-ibayong kasaganaan.

Sa panig ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas, mainit na tinanggap ng bansa ang matagumpay na halalan sa Estados Unidos. Sa isang pahayag na ipinalabas sa mga mamamahayag, sinabi ni Kalihim Albert F. Del Rosario na mayroong kahalintulad at malalim na pagpapahalaga sa demokrasya ang dalawang bansa, partikular sa kalayaan ng mga mamamayang pumili ng kanilang mga pinuno.

Natutuwa rin ang Kagawaran sa mataas na bilang ng mga Filipino-American na bumuto ay ang kanilang nagiging mahalagang papel sa mga halalan.

Umaasa ang Pilipinas na makakasama sa paglilingkod ang administrasyon ni Pangulong Obama sa pagpapalakas ng relasyon sa pag-itan ng dalawang bansa at sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon at sa daigdig.

Health Information Management Sector, patuloy na lumalago

MAHALAGA ang talent recruitment education upang makatugon ang Pilipinas sa pangangailangan ng health information management sector. Ayon kay Jeff Williams, pangulo ng Medicall Philippines at chairman ng Health Information Management Organization of the Philippines, maraming walang trabahong graduates ng nursing na angkop sa ganitong hanapbuhay.

Bagaman, kahit nakapasa na sa mga pagsubok at mga panayam, may mga magulang na hindi pumapayag na makapagtrabaho sa ganitong uri ng hanapbuhay ang kanilang mga anak. Sa panayam kay Ginoong Williams, sinabi niyang may mga magulang na nakatuon ang pansin sa pagtatrabaho sa mga ospital ng kanilang mga anak.

Nagkataon umanong limitado ang pangangailangan ng nurses sa iba't ibang bansa kaya nag-aalok sila ng tiyak na hanapbuhay sa mga kwalipikado at naghahanap ng trabahong nurses at iba pang may background sa larangan ng health care.

Ipinaliliwanag umano nila sa mga magulang na maganda rin ang pagkakataong idudulot ng trabahong ito sa mga kabataan. Malaki na rin ang napadagdag sa health information management sector sapagkat noong 2010, nagkaroon ng 14,000 at noong 2011 ay 24,000 at ngayong 2012 ay mayroon nang 42,000 na kawaning nakapasok sa kanilang sektor. Sa taong 2016, umaasa silang aabot na sa higit sa 100,000 katao ang magkakatrabaho sa kanilang mga call centers.

Nananatiling malaki ang potensyal ng industriyang ito, dagdag pa ni Ginoong Williams.

Pamahalaang Aquino, seryoso sa pagsusulong ng research and development

SERYOSO ang pamahalaang Aquino na isulong ang research and development sa mga palatuntunan nito. Tiniyak ito ni Science and Technology Deputy Executive Director for Information Communication Technology Development Alejandro P. Melchor III.

Sa isang panayam seryoso si Kalihim Mario Montejo na isulong ang bansa bilang isang destination of choice para sa research and development and knowledge process outsourcing.

Malaki ang pagkakataon na Pilipinas para sa ICT sapagkat kinikilala ng iba't ibang bansa sa daigdig kakayahan ng mga mamamayan at bansa sa emerging knowledge economy. Higit umano ito sa kakayahan ng mga Pilipinong magsalita ng wikang Ingles at sa kultura.

Competitive ang Pilipinas at binanggit na niya may limang taon na ang nakalilipas na simula pa lamang ang BPO industry at magiging launching pad lamang ito upang higit na sumigla ang kalakal sa bansa.

Pangmatagalang programa sa transportasyon kailangan; Guangzhou transport system, pinuri

MAGANDA ANG TRANSPORT SYSTEM SA GUANGZHOU.  Sinabi ni Jamie Leather, dalubhasa sa transportasyon ng Asian Development Bank na kapuri-puri ang paraan ng Guangzhou na mapanatili ang masigla, maayos at malinis ng kapaligiran sa pamamagitan ng rapid bus system.  Nakilala ang programa sa buong daigdig sapagkat isa itong sustainable project, sabi pa ni Ginoong Leather.  (Melo Acuna)

BAGAMA'T hindi malulutas kaagad ang mga suliranin sa transportasyon sa iisang iglap, mahalagang simulan na ito upang makita ng madla ang ginagawang solusyon.

Ito ang pahayag ni Jamie Leather, Principal Transport Specialist ng Southeast Asia Department ng Asian Development Bank sa isang panayam.

Kahit umano magkaroon ng mass transit sa Epifanio de los Santos Avenue sa Metro Manila ay hindi kaagad mapapawi ang mga problemang dulot nito. Makakabawas subalit hindi ito ang tinaguriang silver bullet. Kailangan ang pagtutulungan ng pamahalaang pambansa at panglunsod upang mabawasan ang mga suliranin.

Binanggit niya ang tagumpay na natamo ng Guanzhou sa Tsina sa pagkakaroon ng bus rapid system na unang sinimulan sa Timog America. Ayon kay Ginoong Leather, ang rapid system ay mas mabilis, mas maasahan at de kalidad na mga bus na gugustuhing sakyan ng mga pasahero. mga bus ang ipinakikita ng mga Tsino sa Guangzhou.

Hindi umano technical aspects ang nararapat tingnan sapagkat ang pinakamahalaga ay ang mga pasahero na gagamit sa mga sasakyang ito.

Paco Catholic School, magdiriwang ng centennial

PASASALAMATAN ng komunidad ng Paco Catholic School ang mga misyonerong mula sa Congregatio Immaculati Cordis Mariae o Congregation of the Immaculate Heart of Mary na pawang nagmula sa Belgium, ang mga Belgian Mothers na ngayo'y ICM Sisters at ang unang Filipino diocesan priest-administrators na humalili sa kanila.

Si Manila Archbishop Cardinal-Designate Luis Antonio G. Tagle ang mamumuno sa centennial Mass bukas, ika-8 ng Nobyembre sa ganap na ika-lima ng hapon, sa San Fernando de Dilao Parish, ang unang kinatayuan ng paaralan. Ang Misa ang pinakamahalagang bahagi ng pagdiriwang na kinatampukan ng isang linggong mga palatuntunan kasama ang mga mag-aaral, mga guro, administrador, mga kawani, magulang at mga nagtapos sa paaralan.

Si Fr. Raymond Esquenet, ang unang CICM parish priest sa Paco Parish ang nagtatag ng isang maliit na paaralan para sa may 50 kabataan sa isang maliit na kapilya sa Penafrancia na naging pundasyon ng Paco Catholic School. Si Fr. Godfried Aldenhijsen na kilala sa pangalang Padre Godo ang pumalit sa kanya noong Sytember 1912. Siya ang nagpatuloy ng paglilingkod sa mga mag-aaral. Ang paaralan ang pinakamalaking parochial school sa Silangang Asia.

Umabot sa 7,000 ang mga mag-aaral noong 1964. Inilipat ang management ng paaralan sa Arkediyosesis ng Maynila noong 1984 at hinirang na kauna-unahang Filipino director si Manila Auxiliary Bishop Teodoro C. Bacani, Jr.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>