|
||||||||
|
||
Pagpaslang sa mga mamamahayag tuloy pa rin ayon sa NUJP
WALANG PAGBABAGO. Napapaslang pa rin ang mga mamamahayag, sabi ni Rowena "Weng" Paraan, Secretary General ng National Union of Journalists of the Philippines. Kanyang itinuturo ang pagkakaroon ng mga loose firearms, private armed groups at kawalan ng tiwala ng mga mamamayan sa pulisya at pag-uusig.
WALANG ipinagbago ang kalagayan ng mga mamamahayag sa loob at labas ng Metro Manila sapagkat nagpapatuloy pa rin ang mga pagpaslang. Limang mga mamamahayag ang napaslang noong nakalipas na taon ayon kay Rowena Paraan, secretary general na National Union of Journalists of the Philippines.
Sa isang panayam, sinabi niyang naging abala ang kanilang samahan sa dami ng isyu na kanilang kinaharap.
"Walang anumang ipinagbago ang taong 2012 sa mga nakalipas na panahon sapagkat 14 na ang napaslang sa ilalim ng panahon ni Pangulong (Benigno Simeon C.) Aquino III," dagdag pa ni Bb. Paraan. Idinagdag niyang lahat ng mga napatay ay mga brodkaster na mula sa mga lalawigan at kung mayroon mang na sa larangan ng pahayagan ay sapagkat broadcaster na sila, manunulat pa.
Nagaganap ang mga pagpaslang sa mga pook na lumalabas na mahihina ang mga autoridad na pinaghaharian ng mga warlord. Ang nakalulungkot pa, dagdaga pa niya ay ang mga may kagagawan ay hindi naman naparurusahan.
Ano nga ba ang mga dahilan sa likod ng mga pagpaslang? Ipinaliwanag ni Bb. Paraan na ang mga pinaslang ay may record ng kanilang advocacy tulad ng isang radio announcer na bumabanat sa illegal drugs, mga pasugal at mga isyu na may epekto sa kanilang komunidad tulad ng isyu sa lupa at pabahay. May mga pagkakataon na ang mga taong may advocacy ang kinukuha ng mga himpilan ng radyo upang magsagawa ng broadcast.
Isang masakit na katotohanan na mas maraming media practitioners ang may ibang hanapbuhay sapagkat hindi sumasapat ang kanilang kita para sa kanilang pamilya, lalo na ang mga may isa o dalawang oras na trabaho sa bawat araw o minsan sa isang linggo.
"Karamihan sa mga mamamahayag ang may ibang pinagkukunan tulad ng pagtuturo sa paaralan, pagtatrabaho sa ibang tanggapan, tulad rin ng mga correspondents at mga news stringers," dagdag pa ni Bb. Paraan.
Nananatiling pinaka nasa mapanganib na kalagayan ang mga mamamahayag at brodkaster na nasa mga lalawigan.
Ang mga pagpaslang ngayon at tulad pa rin noong mga nakalipas na panahon, masugid na sinusubaybayan ang mga magiging biktima, pinag-aaralan ang bawat galaw at saka isinasagawa ang paspaslang. Nangangamba si Bb. Paraan na mas maraming mamamahayag ang mapapaslang ngayong taon sapagkat idaraos ang halalan sa Mayo 2013. Magkakasingilan ng mga atraso ang mga magkakalaban hanggang sa susunod na taon, dagdag pa niya.
Wala naman umanoang pagbabago sa istilo nina Pangulong (Gloria Macapagal) Arroyo at Aquino, dagdag pa niya sapagkat pawang mga pahayag tungkol sa negative reports o mga 'di kaaya-ayang ulat tungkol sa pagbabalita ang nababanggit ng dalawang magkasunod na pangulo ng bansa.
Ayon kay Bb. Paraan, mas masakit na wala pang malalaking kaso na nalulutas sapagkat kulang ang isinasagawang imbestigasyon, kulang ang datos at lakas ng loob ng tagausig at kawalan ng political will. May mga usaping kaya 'di malutas ay problemado na sa imbestigasyon. Binanggit din niya ang kakulangan ng mga saksi at kawalan ng tiwala ng mga mamamayan sa pulisya at sa pag-uusig.
Tatlong dahilan ang nakikita ng NUJP kung bakit hirapang maparusahan ang mga salarin sa likod ng media killings. Ang mga ito'y kawalan ng political will, kawalan ng kakayahan at simpleng kapalpakan lamang.
MILF may napili ng mga lalahok sa Transition Commission
HANDA na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa oras na simulan ang pagbuo ng Transition Commission sapagkat humirang na sila ng kanilang mga kasamahan.
Ayon sa kanilang editoryal na lumabas sa Luwaran News, umaasa silang hihirang na rin ang pamahalaan ng kanilang mga kinatawan. Nararapat lamang umanong kumilos lalo't higit sa pagbuo ng Basic Law na magiging batas sa Bangsamoro Region. Magaganap ito matapos magpasa ang Congreso ng maayos na batas na sasang-ayunan naman ng mga mamamayan sa pamamagitan ng isang plebesito.
Para umano sa mababagal kumilos, napakadali ng dalawang taon upang matapos ang gawain subalit sa mga mamamayang nagmula sa iisang lipi na mag iisang layunin at mithiin, ang dalawang taon ay napakatagal na. Magagawa umano ng mga kasapi sa transition commission ang kanilang "assignment" ng wala pang isang taon.
Wala umanong nakikitang hadlang ang MILF sa pagbuo ng Basic Law. Ang mahalaga umano ay mga Bangsamoro ang bubuo ng lupon. Layunin na matapos ang mga detalyes ng apat na annexes o detalyes na itinatadhana sa Bangsamoro Framework.
Maliwanag ang nilalaman ng Executive Order 120 kaya't anomang gawing pagtaliwas sa kautusan ay makikita ng magkabilang-panig. Pawang lehitimo ang kanilang mga layunin kaya't higit na magiging mapagbantay ang mga Bangsamoro sa mga magaganap. Ang mga kinatawan ng MILF sa Transition Commission ay obligadong magsulong ng interes ng mga Bangsamoro. Ang mahinang Basic Law ay hindi kakatawan sa layunin at mithiin ng mga Bangsamoro at magiging dahilan ng mas malaking suliranin sa Mindanao, ayon pa sa kanilang editoryal.
Nababanggit na umano ang mga pangalan ng mga kakatawan sa Pamahalaang Pilipino tulad nina Congressman Simeon Datumanong, dating Congressman Didagen Dilangalen, Atty. Suharto Ambolodto, Bai Yasmin Busran-Lao, North Upi Mayor Ramon Piang, Undersecretary Nabil Tan, Sulu Governor Sakur Tan at Atty. Johaira Wahab. Ayon sa MILF, ang lahat ng binanggit ay katanggap-tanggap sa kanila at maluwag nilang makakasama sa pagbuo ng batas.
Umaasa rin ang MILF na makakatulong nila ang lupon ng walang anomang pag-aagam-agam.
UNTED Nations, nagpadala ng salapi sa mga binagyo
SAMPUNG milyong dolyar ang inilaan mula sa United Nations Central Emergency Response Fund para sa libu-libong pamilyang binagyo noong nakalipas na Disyembre.
Tumawid si Pablo sa katimugang Pilipinas noong ika-4 at ika-5 ng Disyembre at nadama ng may anim na milyong katao. Puminsala rin ang bagyo ng higit sa 200,000 mga tahanan. Umabot sa halos isang milyong katao ang nawalan ng matitirhan. Higit sa isang libo ang namatay at daan-daang iba pa ang nawawala.
Ayon kay Luiza Carvalho, UN Resident and Humanitarian Coordinator na siya'y nagulat sa tindi ng pinsalang idinulot ni Pablo. Ang mga lungsod at barangay ay nawasak. Mangilan-ngilang tahanan ang may bubong samantalang mga taniman ng saging at iba pang cash crops ang nawala.
HIgit na naging mapaminsala si Pablo sa dati nang mahihirap na mga mamamayan ng Compostela Valley at Davao Oriental. Problemado na ang mga naninirahan dahilan sa kakulangan ng pagkain, limitadong mga pagawaing bayan at public services.
Ang mga nakaligtas ay mahaharap sa mga matitinding problema tulad ng kalusugan, pagkain at sustansya, tubig at panglinis. Manaka-naka pa rin ang pag-ulad dala ng amihan.
Humihiling ang international community ng $ 64 milyon upang matugunan ang pangangailangan ng Davao at Caraga. Mayroon nang $ 38 milyon ang naiambag o naipangako na ng mga may mabubuting kalooban sa silangang Mindanao.
Gunless society advocate, nakungkot sa pagkamatay dahilan sa ligaw ng bala
MAHALAGA ANG BUHAY. Ito ang mensahe ni Ginoong Nany Pacheco, prime mover ng Gunless Society matapos lumabas ang balita na mayroon pa ring mga nasawi dahilan sa ligaw na bala. Ikinalungkot niya ang balita kasabay ng kanyang panawagan sa pamahalaan na kumilos upang maiwasan na ang pagkakasugat at pagkasawi ng mga walang kamuwang-muwang na kabataan.
LUBHANG ikinalungkot ni Nandy Pacheco, prime mover ng "Gunless Society" ang pagkasawi ng mga walang kamuwang-muwang na kabataan dahilan lamang sa mga ligaw na bala. Nagkaroon din 34 na iba pang insidente ng mga ligaw na bala. Ayon sa pamahalaan, higit na mas mababa ngayon ang bilang ng mga nabiktima ng ligaw na bala.
Niliwanag ni Ginoong Pacheco na mahalaga ang buhay kaya't kung hindi mapipigil ng pamahalaan ang paglaganap ng mga baril, mas maraming mapapahamak. Ipinagtanong pa ni Ginoong Pacheco kung isinusulong ng pamahalaan ang "culture of death" sapagkat madaliang nagkakaroon ng sandata ang sinuman sa pamamagitan ng mga "exposition" sa mga malalaking tindahan at shopping malls ng mga pinakabago at pinakamalalakas na kalibre ng baril.
Bagama't pinuri niya ang hakbang na ginawa ng mga punong lungsod ng Davao at Baguio na nagbawal sa lahat ng uri ng paputok, mas magiging mabilis ang pagpapatupad ng pagbabawal kung ang kongreso at pangulo ang magpapasa ng batas.
Nararapat lamang umanong maging halimbawa ang liderato sa pagpigil ng mga paputok at walang pakundangang paggamit ng baril sa bawat bisperas ng Bagong Taon, dagdag pa ni Ginoong Pacheco.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |