Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Higit na maganda ang 2013, sabi ng mga mangangalakal

(GMT+08:00) 2013-01-16 17:33:10       CRI

Higit na maganda ang 2013, sabi ng mga mangangalakal

MATIBAY ang economic fundamentals ng Pilipinas, maayos ang corporate balance sheets at maluwag ang pagpasok ng foreign direct investments ngayong 2013. Mapapanatili ang growth momentum ng mga consumer at kinakikitaan ng pagbawi ng service at construction sectors. Nababanaag na rin ang pagkabuhay na muli ng manufacturing sector samantalang ang paggastos sa nalalapit na halalalan sa buwan ng Mayo, sa idaraos na midterm elections, ang makakatulong sa ekonomiya.

Sa pagbabalik ng manufacturing at construction at patuloy na pag-unlad ng Business Process Outsourcing at turismo ang magiging dahilan ng mas maraming hanapbuhay.

Ayon kay Ginoong Roberto Juanchito Dispo, pangulo ng First Metro Investment Corporation, ang magagandang kalakalaran sa kalakal ay ang mababang interest rates, sapat na salapi, kontroladong inflation at magandang economic growth, ang inaasahang maipagpapatuloy sa bagong taon, Samantala, ang mga bagong regulasyon ng Bureau of Internal Revenue ang nagiging dahilan ng pagbuhos ng corporate refinancing mula sa corporate note structure na magiging dahilan ng bond facilities na pabor naman sa pangkalahatang kalakal.

Sa kabilang dako, may nakikitang panganib si Ginoong Dispo tulad ng masamang epekto ng paglakas ng piso na tatamaan ang manufacturing sector, ang mga BPOs at Call Center, exports at OFWs.

Ang pagkabalam ng paglalabas ng salapi para sa mga pagawaing-bayan ang hahadlang sa kaunlaran. Kabilang pa rin sa problema ang mataas na presyo ng kuryente na hahadlang sa pagpasok ng mga bagong kalakal mula sa ibang bansa. Matamlay umano ang senyales tungkol sa property assets at nadarama na ngayon at maaaring lumala pa dahilan sa regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Problema din ang ruling ng Korte Suprema sa foreign ownership. Ang nalalapit na halalan ay magdudulot din ng tinaguriang political risks at pansamantalang kawalan ng katiyakan.

Nakikita ni Ginoong Dispo na ang external risks ay kinabibilangan ng US fiscal cliff, Euro-Zone debt Crisis at pandaigdigang economic slowdown na maaaring magdulot ng panganib sa ating kalakal.

Sa panig ng First Metro, idinagdag ni Ginoong Dispo na maganda ang 2012 para sa kanilang bahay-kalakal. Ang kanilang Investment Banking Group ay pinarangalan bilang Best Bond House sa apat na sunod-sunod na taon matapos magkaroon ng maituturing na landmark deals tulad ng GT Capital na nagkahalaga ng US $ 500M IPO, ang P 188 bilyong Retail Treasury Bonds at US $ 500 milyong On Shore Dollar Bonds.

Sa panig ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., sinabi ni Pangulong Tan Ching na isang positibong pangyayari ang pagkakaroon ng magandang growth rate na naitakda sa 7.1% noong ikatlong sangkapat (quarter) ng 2012.

Ang pangyayaring ito'y maganda sapagkat may problema ang ekonomiya ng Europa at Estados Unidos. Kahit umano ang Tsina ay nagkaroon din ng economic slowdown.

Kabilang sa nagpaganda ng larawan ng ekonomiya sa Pilipinas ang mahalagang kontribusyon ng mga manggagawang Pilipinong na sa ibang bansa na nakapagpadala ng $ 21 bilyon noong 2011 at ang ambag ng mga business process outsourcing na umabot naman sa $ 11 bilyon. Mas maraming turista ang dumalaw sa Pilipinas noong nakalipas na taon at matibay ang economic fundamentals ng bansa.

Kitang-kita ang higity na pagganda ng business climate sapagkat tuloy ang pagtaas at pagtatayo ng mga gusali, dagdag pa ni Ginoong Tan Ching.

May paliwanag din siya sa balitang mas maraming Tsinoy na nangangalakal sa Tsina kaysa sa Pilipinas. Ito ay nagaganap dahilan sa pagtupad ng Tsina sa kalakarang sinimulan ni Deng Xiao Ping na tinaguriang "open-door" policy na tumutulong sa mga mangangalakal na magtayo at magpatakbo ng kanilang negosyo. Ang pamahalaan mismo ang nagbibigay ng lupain sa mga malalaking mangangalakal. May political will umano ang Tsina kaya't dumarami ang negosyanteng naglalagak ng salapi doon.

Samantala, tumataas na rin ang pasahod sa Tsina sa pagtaas ng standard of living. Ito sana ang makita ng Pilipinas upang dito mangalakal ang mga negosyanteng na sa Tsina, dagdag pa ni Ginoong Tan.

Mga maysakit na cancer, pinayuhang maghinay-hinay sa food supplements

NAGBABALA ang pangulo ng Philippine Society of Medical Oncology, Dr. Felycette Gay Lapus, sa mga pasyenteng may cancer na huwag magpadalus-dalos sa pagbili at paggamit ng mga herbal medicines na ipinagbibili sa mga pamilihan sa Pilipinas.

Sa panayam sa pagtitipon ng mga dalubhasa bilang paghahanda sa Cancer Consciousness Week sa darating na ikatlong linggo ng Enero, sinabi ni Dr. Lapus na mas makabubuting sabihin sa mga manggagamot ang kanilang food supplements na ginagamit upang mabatid kung mayroon ngang kabutihang maidudulot ang mga ito.

Niliwanag pa ni Dr. Lapus na walang anumang halamang gamot na magpapagaling sa lahat ng uri ng karamdaman. Ito ay sa kabila ng napakaraming mga herbal supplements na nasa pagkain at mga gamot.

Patuloy umanong tumataas ang bilang ng mga may cancer sa Pilipinas at maaaring dahilan ito sa genetic predisposition, uri ng pamumuhay ng isang tao tulad ng paggamit ng sigarilyo at pag-inom ng alak, at pagkakaroon ng iba't ibang karamdaman tulad ng diabetes.

Ayon kay Dr. Lapus, karamihan ng alternative medicines ay walang mga pagsubok at pag-aaral na ginawa at pawang mga pahayag lamang ng mga taong nagsasabing sila'y pinagaling ng partikular na halamang gamot.

Itinanong ko rin kay Dr. Lapus kung ano ang kanilang pananaw sa Traditional Chinese Medicine na kinagawian na sa nakalipas na ilang libong taon. Ipinaliwanag niya na mahalagang sabihin ng mga pasyente ang kanilang alternative medicine upang makasabay sa paggamot sa kanyang karamdamaman sapagkat malaki ang posibilidad na maging complimentary ang mga gamot na ito sa mga gamot mula sa Kanlurang bahagi ng daigdig.

Mga biktima ni PABLO, nangangailangan ng chain saw

SA isang hindi inaasahang pagkakataon, nangangailangan ang mga nakaligtas sa bagyong Pablo ng mga chainsaw upang magamit ang mga nabuwal na puno ng niyog sa pagtatayo ng kanilang mga tahanan. Ipinagbabawal na ng pamahalaan ang paggamit ng chainsaw sapagkat ito ang ginagamit ng mga illegal logger sa pagputol ng kahoy mula sa kagubatan.

Sa balitang mula sa Baganga, Davao Oriental na lumabas sa CBCP News, sinabi ng mga naninirahan sa bayang ito na nakikiusap sila sa mga ahensya ng pamahalaan at mga pribadong institusyon na payagan sila at bigyan ng chainsaw sa pagtatayo ng kanilang mga tahanan.

Higit sa isang daang libong ektarya ng niyugan ang napinsala ni Pablo. Aabot sa 10 milyong mga puno ng niyog ang matatagpuan sa lupaing ito.

Iilan lamang sa mga tagaroon ang may chainsaw na ipinaaarkila sa mga nangangailangan.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>