Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, desidido sa pagbabago

(GMT+08:00) 2013-01-25 17:38:41       CRI

Pilipinas, desidido sa pagbabago

SINABI ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na walang dapat ipangamba ang daigdig sa mga pagbabagong nagaganap sa Pilipinas ngayon sapagkat umaasa ang mga mamamayan na magpapatuloy ang kampanya laban sa katiwalian.

Sa kanyang talumpati sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland, sinabi ni Pangulong Aquino na matitiyak na magiging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang mga palatuntunang maghahatid ng maayos na kalakaran.

Kabilang sa ipinagmalaki ni Pangulong Aquino ang progresong natatamo sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front upang umangat ang buhay ng mga mamayan sa mahihirap na lugar. Mahalaga rin ang consensus-building sa pamamagitan ng demokrasya na nagbibigay ng kaukulang poder sa mga mamamayan.

Nagbago na rin umano ang pananaw ng mga mamamayan tulad ng mga nag-aaral ng Nursing na mas maraming nanirahan sa ibang bansa ang umuuwi at nagbabalak ng sa Pilipinas na manirahan. Kabaliktaran na ito sa kinagawian na mag-aabroad upang maghanapbuhay.

Handa na ang bansa sa kaunlaran sapagkat mayroong sapat na sandigan. Desidido ang mga mamamayan na magkatotoo ang kanilang pangarap na kaunlaran, dagdag pa ni Pangulong Aquino. Ito ang unang pagkakataon na lumahok at nagsalita si Pangulong Aquino sa World Economic Forum.

Ambassador Ma: Pilipinas at Tsina may mga kasunduan

AMBASSADOR MA AT MGA MAMAMAHAYAG.  Mainit na tinanggap ni Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing (nakasalamin) ang mga mamamahayag na dumalaw sa kanyang tahanan kahapon.  Kasama sina Carla Lim ng ABC 5, Willard Cheng ng ABS-CBN Channel 2 at Ivan Mairina ng GMA Channel 7 and Melo Acuna ng CBCPNews at China Radio International.

 

MGA OPISYAL AT MAG-AARAL NG BULACAN STATE UNIVERSITY DUMALAW SA TAHANAN NG CHINESE AMBASSADOR.  Kasama ni Ambassador Ma Ke Qing ang Pangulo ng Bulacan State University Dr. Mariano C. De Jesus at iba pang mga opisyal at mga mag-aaral na lumahok sa patimpalak na Discover China 2013.

 

MGA NAGWAGI TUMANGGAP NG MGA ALA-ALA.  Iniaabot ni Ambassador Ma Keqing ang mga alaala sa mga nagwaging mag-aaral sa patimpalak na "Discover China 2013" kahapon sa kanyang tahanan.

 

MGA TAGA BULACAN, SUMAYAW.  Bukod sa pag-awit ng mga awiting Tsino, sumayaw ang mga mag-aaral mula sa Confucius Institute ng katutubong sayaw mula sa Tsina na ikinalugod ng mga taga Chinese Embassy.

 

PAKIKIPAGKAIBIGAN at pakikipagtulungan ang layunin ng Tsina sa mga kalapit bansa nito upang magkabahaginan ng kaunlaran. Ito ang mensahe ni Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing sa kanyang pagtanggap sa mga opisyal at mga mag-aaral ng Bulacan State University na dumalaw sa kanyang tahanan.

Sinabi ni Ambassador Ma na may pagtutulungan ang Pilipinas at Tsina sa larangan ng kultura, edukasyon, telekomunikasyon, pagmimina at pagsasaka. Higit umano sa 150 mga kumpanyang Tsino ang may commercial operation sa Pilipinas samantalang ang Metrobank, Oishi, San Miguel, SM Group, Ayala at iba pang mga kilalang kumpanyang Pilipino ang mayroong kalakal sa Tsina. Mayroon ding direct flights ang Philippine Air Lines at Cebu Pacific, dagdag pa ni Ambassador Ma.

Malaki umano ang posibilidad na kumuha ang mga kumpanyang ito ng mga kabataang may sapat na kaalaman sa Pilipinas at Tsina.

Dumalaw ang mga taga-Bulacan State University upang igawad ni Ambassador Ma ang mga premyo sa mga nagwagi sa essay writing contest na may paksang "Discover China 2013" ng mga nag-aaral ng Mandarin sa Confucius Institute na itinatag mga dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ambassador Ma na natutuwa siyang marinig ang mga lahok na naglalaman ng pananaw ng mga kabataan tungkol sa kanyang bansa, ang People's Republic of China. Nagkaroon din ng bangkete para sa mga panauhin sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

Ambassador Thomas, humingi ng paumansin sa Pilipinas

IPINAABOT ni American Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas ang kanyang paghingi ng paumanhin sa Pamahalaan ng Pilipinas at mga mamamayan sa pagkakasadsad ng kanilang barko sa Tubbataha Reef. Magugunitang sumadsad ang minesweeper na USS Guardian sa batuhan na kinikilalang World Heritage site.

Sa kanyang pormal na pahayag na inilabas kaninang umaga, sinabi ni Ambassador Thomas na ikinalulungkot niya ang pangyayari at kinikilala ang lehitimong pagkabahala sa pinsala sa mahalagang bahagi ng kalikasan.

Kasama ang kanyang mga kawal, ipinangako ni Ginoong Thomas na nakikipagtulungan sila sa mga Pilipino upang maalis ang barko sa pinakamadaling panahon. Idinagdag pa niya na makikipagtulungan sila sa mga Pilipino upang mabatid ang naging pinsala at gagawa ng hakbang upang matugunan ang mga isyung may kinalaman sa kapaligiran na nagmula sa sakuna.

Nagpasalamat siya sa Philippine Coast Guard at sa Hukbong Dagat ng Pilipinas sa pakikipagtulungan sa kanilang mga tauhan. Ipagpapatuloy ang pagkilos upang matapos na ang suliraning idinulot ng pangyayari. Sa isinasagawang pagsisiyasat, idinagdag ni Ambassador Thomas ang pakikipagtulungan nang mabatid kung ano talaga ang naganap upang maiwasang maulit ito.

Senado, suportado ang pagdulog ng ehekutibo sa Arbitral Proceedings

IPINALABAS ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang Resolusyon Bilang 931 na nagmula sa Senado ng Pilipinas na sumusuporta sa desisyon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na dumulog sa arbitral proceedings upang malutas ang sigalot na namamagitan sa Pilipinas at Tsina.

Ayon sa resolusyon, kapwa lumagda ang Pilipinas at Tsina sa United Nations Convention on the Law of the Sea na nagsasaad ng mga kaukulang nasasakop ng mga bansang nasa tabing-dagat tulad ng territorial sea, contiguous zone, 200-mile exclusive economic zone at continental shelf.

Sinabi rin ng resolusyon na ang paninindigan ng Tsina sa West Philippine Sea ayon sa 9-dash line ay taliwas sa isinasaad ng UNCLOS. Ginawa na rin umano ng Pilipinas ang lahat ng paraan para sa payapang paglutas sa 'di pagkakaunawaan tulad ng politika, diplomasya at legal sa ilalim ng dispute settlement mechanism ng UNCLOS.

Patuloy umanong tumatanggi ang Tsina kaya't ang arbitration na lamang ang nalalabing paraan upang payapang malutas ang sigalot, dagdag pa ng resolusyon.

Nilagdaan nina Senate President Juan Ponce-Enrile at Senator Vicente C. Sotto III ang resolusyon.

Philippine Bible Society, namigay ng Biblia sa LRT

NAMIGAY ng mga Biblia ang isang grupo sa major terminals ng Light Rail Transit sa pakikipagtulungan sa mga opisyal ng LRT sa pagdiriwang ng National Bible Week na nagsimula noong ika-21 hanggang sa ika-27 ng Enero.

Ang Interfaith group ay sabay-sabay na namigay ng biblia sa apat na major terminals ng LRT Line 1 at 2 kabilang ang Central, Baclaran, Cubao at Santolan.

May 3,000 mga New Testament bibles at Our Daily Bread devotional books ang ipinamigay. Ang LRT ay mayroong karaniwang 800,000 pasahero araw-araw.

Ayon kay Dr. Nora Lucero ng Philippine Bible Society, isang paraan ang pamimigay ng mga bibliya upang maibsan ang mga ikinababahala ng mga mamamayan.

 

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>