Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bahala na ang hukuman sa kanya, sabi ng Arkediyosesis ng Maynila

(GMT+08:00) 2013-01-30 18:38:16       CRI

SIMPLE ang naging pahayag ng Arkediyosesis ng Maynila sa desisyon ng isang hukuman nagpapataw ng parusang pagkakabilanggo sa isang tour guide na pumasok at nambulabog sa isang palatuntunan sa loob ng Katedral ng Maynila noong 2010.

Niliwanag ng Arkediyosesis ng Maynila na hindi na sila ang naghabla laban kay Carlos Celdran sa paglabag sa isang artikulo sa Revised Penal Code.

Magugunitang pumasok sa Katedral si Celdran at maydalang isang karatulang may nakasulat na "Damaso" ay ipinagtuturo ang mga pari at pastor na nasa palatuntunan. Naroon din ang Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Edward Joseph Adams.

Ayon sa pahayag ni Peachy Yamsuan ng Office of the Director for Communications ng Maynila, kahit pa nabagabag si Arsobispo Gaudencio B. Cardinal Rosales sa pangyayari, nag-utos siyang huwag nang ituloy pa ang usapin.

Ang usaping kriminal laban kay Celdran ay itinuloy na lamang ng pamahalaan sa pamamagitan ng taga-usig na nagtampok ng apat na saksi. Wala sa mga saksing ito ang mula sa Arkediyosesis ng Maynila. Tatlo ang nagmula sa Episcopal Commission on Biblical Apostolate ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na siyang punong-abala sa palatuntunan sa Katedral ng Maynila na binulabog ni Celdran. Isa sa mga saksi ang isang regular na nagsisimba sa Katedral na naroon ng maganap ang pagwawala ni Celdran.

Matagal nang pinatawad ni Cardinal Rosales si Celdran. Kung saan makakarating ang ini-apelang desisyon ay wala na sa kamay ng Arkediyosesis ng Maynila o ng Simbahang Katolika bagkos ay nasa hukuman na.

Sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na nararapat lamang patawarin ng liderato ng Simbahang Katolika ang sinasabing aktibistang si Carlos Celdran. Bagaman, sinabi niya sa panayam pagkatapos ng isang palatuntunan kahapon na hindi siya sang-ayon sa ginawa ni Celdran sa loob Katedral ng Maynila.

Ipinakukulong si Celdran na Manila Metropolitan Trial Court ng dalawang buwan at 21 araw hanggang isang taon, isang buwan at 11 araw.

FRANCIA, PINAKIUSAPAN NG MALI NA TULUNGAN SILA

KINAILANGANG kumilos ang Francia sa Mali noong ika-11 ng Enero sapagkat napakasama ng situasyon sa bansa. Naganap ito sapagkat may mga guerilyang may koneksyon sa Al-Qaeda na nagparamdam at naging dahilan ng kaguluhan. Ayon kay Ambassador Gilles Garachon ng Pransya, suportado sila ng United Nations at Organization of African States sa kanilang isigawang operasyon sa Mali. Niliwanag niyang ang bansa ng Mali ang humiling na tulungan silang pigilan ang mga guerilya.

Sa isang panayam kay Ambassador Garachon, sa isang okasyon ng European Union, sinabi niyang nakontrol nila (ng mga Pranses) ang malaking bahagi ng bansa sa nakalipas na ilang araw. Nabawi na nila ang Timbuktu, ang Gao at ang malaking bahagi ng bansa.

Ani Ambassador Garachon, kailangang mabuo ang African force upang mapalitan ang mga kawal na Pranses sapagkat wala silang intensyong manatili ng matagal sa Mali.

Kung hindi umano sila nakialam sa marahil na nakuha na ng mga guerilyang may koneksyon sa Al-Qaeda ang buong bansa. Umatras na ang mga guerilya patungo sa hilagang bahagi ng bansa, sa may Gao at Timbuktu.

Wala umano siyang impormasyon kung mayroong mga Pilipinong napahamak sa Mali. Ang kanyang balita ay may mga kawal na nasawi sa mga sagupaang naganap.

KALIHIM ALCALA, NANAWAGAN SA MGA TRADE ATTACHE ISULONG ANG FARM EXPORTS

NANAWAGAN si Kalihim Prospero J. Alcala sa mga agriculture attaché na nakatalaga sa iba't ibang bansa na kumilos upang madagdagan ang exports ng bansa sa larangan ng pagsasaka at fishery products.

Nakapulong ni Kalihim Alcala ang mga agriculture attaché sa kanyang tanggapan. Sinabi niya na kailangang tumulong ng mga attaché na pasiglahin ang trade transactions. Kailangan ding malaman ng mga attaché ang mga produktong mula sa Pilipinas at maghanap ng mga paraan upang higit na matulungan ang mga magsasaka, mga mangingisda at mga agri-fisheries stakeholders. Ito ang buod ng kanyang mensahe sa Foreign Agriculture Service Corps.

Pinuna umano ni Pangulong Aquino na maraming pangyayari na pabor ang balance of trade sa ibang bansa. Idinagdag ni Kalihim Alcala na ito ang nararapat bigyang pansin ngayong 2013.

May 12 agriculture attaché na nakatalaga saw along bansa tulad ng Estados Unidos, China, United Arad Emirates, Belgium, Thailand, Italya, Japan at Switzerland.

PANDAIGDIGANG PULONG TUNGKOL SA CORRUPTION, SISIMULAN BUKAS

HIGIT sa 500 mambabatas mula sa 78 bansa ang nakatakdang dumalo sa tatlong araw na pagpupulong hinggil sa corruption. Pinangalanang "5th International GOPAC Conference" sa Philippine International Convention Center ang pagtitipon.

Ganap na ika-sampu ng umaga bukas, nakatakdang magsalita si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.

Kabilang din sa mga nakatakdang magsalita sina Ombudsman Conchita Carpio Morales ng Pilipinas sa paksang Role of Audit in the Fight Against Corruption at Member of Parliament Roy Cullen ng Canada sa paksang Anti-Money Laundering v. Bank Secrecy.

Magtatagal hanggang sa Sabado, ikalawang araw ng Pebrero ang pagpupulong, ayon kay Senador Edgardo J. Angara, punong-abala sa pagtitipon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>