Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino: siyasatin ang mga nagtungo sa Sabah

(GMT+08:00) 2013-02-26 18:25:47       CRI

Pangulong Aquino: siyasatin ang mga nagtungo sa Sabah

MAGKAKAROON ng pagsisiyasat ang mga autoridad ng Pilipinas sa mga Pilipinong nagtungo sa Sabah, Malaysia samantalang iginigiit na kanilang lupain ang bahagi ng North Borneo.

Sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na masalimuot ang mga isyung bumabalot sa paghahabol ng isang pamilya sa Sabah. Aniya, higit na sa limampung taon ang isyung ito na may kinalaman sa basehan ng paghahabol, pagkilala sa tunay na tagapagmana at pagsasalin ng nilalaman ng mga dokumentong mula pa sa nakalipas na daang-taon.

Nakikipag-ugnayan na ang mga kawal ng Pilipinas sa mga kawal ng Malaysia upang payapang malutas ang sigalot. Inatasan na rin ang ibang mga ahensya ng pamahalaan na maghanda para sa anumang posibleng maganap na makaaapekto sa mga mamamyan. Inihalimbawa niya ang pagtutulungan ng Philippine at Malaysian navies upang maiwasan ang pagpasok ng iba pang mga tao sa Lahad Datu. Nakailang ulit nang nagkaroon ng extension ang deadline na ibinigay ng Malaysia.

Nagpadala na rin si Pangulong Aquino ng mga sugo sa pamilya ng mga Kiram upang himuking pabalikin na ang kanilang mga kamag-anak na nasa Malaysia. Mayroon na ring barkong ipinadala ang pamahalaang Pilipino upang tumulong sa mga naglakbay patungo sa Sabah.

Interes ng madla ang payapang paglutas sa situwasyon. Kahit pa lehitimo ang layunin ng mga Kiram, ang pagkakaroon ng mga armado ang siyang magdudulot ng kakaibang kulay.

May liham umanong ipinadala sa Malacanang na idinaan sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process subalit nawala ito. Mayroon pa ring nalalabing daan upang malutas ng maayos ang sigalot. Kailangang maupo at pag-usapan ang mga siyung bumabalot sa situasyon, dagdag pa niya.

Obligasyon ng mga Kiram na isulong ang interes ng higit na nakararami. Kailangang gamitin ang impluwensiya upang sumunod ang mga kasamahan nila. Daang libong mga Pilipino ang mapapasapanganib. Kahit na ang kalakal sa pag-itan ng Sulu, Basilan at Tawi-Tawi at Sabah ay nagambala na rin. Hinamon ni Pangulong Aquino ang Kiram kung sila ang tunay na mga pinuno ng mga Muslim sa bahaging iyon ng Mindanao, nararapat lamang na sumabay sila sa layunin ng pamahalaan upang payapang makauwi ang mga nagtungo sa Sabah.

Nag-utos na rin si Pangulong Aquino na siyasatin ang mga batas na nilabag ng mga Kiram partikular ang pagtalikod ng pamahalaan sa pakikipagdigmaan bilang kalakaran ng pamahalaan at Revised Penal Code na nagpaparusa sa mga nanggagatong upang magkaroon ng kaguluhan.

Obligasyon umano niyang isulong ang nakabubuti para sa bansa at kung magkakaroon ng anumang balakid, gagawin ang lahat upang maipagtanggol ang interes ng nakararami.

Mga palatuntunan, kailangang pag-ibayuhin

KAILANGAN ANG PAGKAKAISA. Ito ang panawagan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos (na sa podium) sa mga dumalo sa ikalawang anibersaryo ng Arangkada Pilipinas. Ipinaliwanag niya na ang susi sa tagumpay ay UST - Unity, Solidarity at Teamwork. Ginawaran si Pangulong Ramos ng achievement award ng Joint Foreign Chambers of Commerce sa ginawang pagtitipon sa Makati Shangri-Law Hotel kanina. (Melo Acuna)

MARAMING nararapat gawin ang mga namumuno sa Pilipinas upang higit na sumulong ang bansa. Ito ang karamihan ng pananaw ng mga nagsalita sa ikalawang anibersaryo ng Arangkada Pilipinas na itinaguyod ng Joint Foreign Chambers of Commerce sa Makati Shangri-La Hotel.

Ayon kay dating Finance Secretary Roberto de Ocampo, kahit pa nagkaroon ng 6.6% growth sa Gross Domestic Product, mayroon pang 7.2% na unemployment rate. Kahit pa umano gumanda ang larawan ng ekonomiya ng Pilipinas, naiiwanan pa rin ng Foreign Direct Investments ng mga kalapit-bansa. Sumusunod ang Pilipinas sa Thailand at Cambodia kung percentage ng FDIs ang pag-uusapan.

Idinagdag ni dating Finance Secretary De Ocampo na masaya na ang Pilipinas sa pagkakaroon ng $ 1.2 bilyong FDI noong 2012 subalit ang Indonesia ay mayroong $ 18 bilyon.

Naiiwanan pa rin ang Pilipinas sa mga pagawaing bayan bagama't unti-unti ng umuusad ang Department of Public Works and Highways. Kahit pa umano maganda ang takbo ng stock market, wala itong kabuluhan sapagkat "hot money" ito at baka dumating ang panahong ito ay "too hot to handle."

Sabi niya "a bubble is not seen a bubble until it bursts."

Tatlong bagay ang nararapat gawin at ang mga ito ay nararapat magbigay ng mas maraming hanapbuhay sapagkat ang anumang ganda ng financial economy ay mananatiling mabuway kung walang matibay na sektor ng pagsasaka, pagpapagawa ng mga pagawaing-bayan at pagsusulong sa manufacturing sector.

Ikinatuwa niya na ang pamahalaang Aquino ay nakikinig sa mga mungkahi kaya't kailang isa-ayos ang Ninoy Aquino International Airport, pasiglahin ang Private-Public Partnership, sugpuin ang smuggling, isaayos ang palatuntunan sa kompetisyon at magkaroon ng pagbabago sa ilang probisyon ng Saligang Batas.

Cardinal Tagle, paalis na patungong Roma

CARDINAL TAGLE, PAALIS NA NG PILIPINAS. Patungo na sa Roma si Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle upang makiisa sa mga cardinal sa darating na ika-28 ng Pebrero sa pamamaalam ni Pope Benedict XVI na nagbitiw sa kanyang tungkulin. Susunod na ang conclave na maghahalal ng kapalit ng nagbitiw na santo papa. (Kuha ni Roy Lagarde)

DADALO si Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Tagle sa gagawing pamama-alam ni Pope Benedict XVI sa darating na Huwebes, ika-28 ng Pebrero. Nakatakdang sumakay ng Cathay Pacific flight CX 902 patungong Hong Kong bago magtungo sa Roma.

Si Cardinal Tagle na ngayo'y 55 na taong gulang, ang ikalawa sa pinakabatang kardinal na lalahok sa botohan sa Vatican City ngayong susunod na ilang linggo. Isa sa Cardinal Tagle sa madalas banggiting may posibilidad na mahalal na Santo Papa bilang kapalit ni Pope Benedict XVI.

Ang pinakabata sa talaan ay si Baselios Cleemis Isaac Cardinal Thottunkal mula sa bansang India.

May dalawa pang cardinal mula sa Pilipinas, sina Arsobispo Gaudencio B. Cardinal Rosales mula sa Maynila at Arsobispo Ricardo J. Cardinal Vidal na mula sa Cebu. Si Cardinal Rosales 80 taong gulang na samantalang si Cardinal Vidal ay 82 taong gulang na. Ayon sa batas ng Vaticano, ang sinumang cardinal na higit na sa 80 taong gulang ay hindi na makakaboto at hindi na mahahalal sa tungkulin.

Si Pope Benedict XVI ang kauna-unahang santo papa na nagbitiw sa loob ng 598 taon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>