Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Sampu ang nasawi, apat ang sugatan sa sagupaan sa Sabah

(GMT+08:00) 2013-03-01 18:36:58       CRI

Sampu ang nasawi, apat ang sugatan sa sagupaan sa Sabah

SAMPU katao ang nabalitang nasawi samantalang apat na iba pa ang sugatan ng paputukan ng mga sniper ng Malaysia ang mga Pilipinong nagkuta sa Lahad Datu sa Sabah kaninang umaga, ayon sa mga balitang nakarating sa iba't ibang media outlets. Ang impormasyon ay sinasabing mula sa kampo ni Sultan Jamalul Kiram III.

Walang kumpirmasyong ibinigay ang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa pamamagitan ni Asst. Secretary Raul S. Hernandez sa isang media briefing mga ikatlo ng hapon kanina. Ibinalita ni Ginoong Hernandez na isang note verbale ang ibinigay ni Kalihim Albert F. Del Rosario sa Malaysian Ambassador sa Pilipinas, si Ambassador Mohammad Zambri bin Mohammad Kassim.

Sinabi ni Ginoong Hernandez na tapos na ang stand-off ayon sa balita ng Malaysian ambassador ng makausap ni Kalihim del Rosario kanina. Magugunitang nagkuta ang may 180 tauhan ni Sultan Jamalul Kiram sa Lahad Datu mula noong nakalipas na Martes, ika-12 ng Pebrero.

Ayon kay Ginoong Hernandez, ibinalita ng Malaysian ambassador na sampu sa mga tauhan ng Sultan ang sumuko. Tatlo katao rin ang nabalitang nasawi, dalawang pulis ng Malaysia at ang may-ari ng tahanang tinuluyan ng kapatid ng Sultan na si Raja Muda.

Inaalam pa ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang detalyes ng impormasyong sampu sa mga tauhan ng sultan ang nasawi sa sagupaan.

Hinihiling din ng Pilipinas sa pamahalaan ng Malaysia na pahintulutang makadaong ang isang barko ng Hukbong Dagat ng Pilipinas upang madaluhan at matulungan ang mga nasugatan. Nais din ng Pilipinas na makausap ang mga bilanggong Pilipino sa Lahad Datu. May balitang nakarating sa Kagawaran ng Ugnyanang Panglabas na may mga Pilipinong nakatakas at sumakay ng kanilang mga bangkang de motor.

Subalit sa pahayag ni U. P. Professor Clarita Carlos, dating Pangulo ng National Defense College of the Philippines, hindi na sana humantong sa ganito ang situasyon sa Sabah kung naalala ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na may pangako ang pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Diosdado Macapagal noong 1962 na tutulungan ang mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu sa paghahabol sa Sabah. Hindi umano si Pangulong Macapagal ang nangako sa mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu sapagkat ginawa niya ito sa ngalan ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas. Nararapat lamang pangatawagan ang pangakong ito.

Ayon kay Professor Carlos, may sandigang legal at naaayon sa Kasaysayan ang paghahabol ng mga taga Sultanate of Sulu sa Sabah. Ibinigay umano ng Sultan ng Borneo ang Sabah sa Sultan ng Sulu dahilan sa napakalaking tulong na ipinaabot sa mga taga-Borneo noon. Hindi rin nakatulong ang pahayag ni Ginoong Aquino na wala ng pag-asa ang usapin .

Sinabi na rin umano ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa pamamagitan ni Ginoong Lauro Baja na nasa historical records ang katatagan ng paghahabol ng Sultanate of Sulu. Isang malaking isyu sa Sabah ay kung hindi pag-aari ng Sultanate ng Sulu ang lupain, bakit kailangang magbayad ng upa ang Malaysian government sa halagang P 77,000. bawat taon?

Iba ang layunin ng mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu sapagkat wala sa kanilang isipang sakupin ang Borneo at layunin lamang nilang isulong ang kanilang paghahabol sa mayamang lupaing kinatagpuan ng natural gas at petrolyo kamakailan. Malaking bagay ito sa energy security ng Pilipinas.

Nais ding malaman ni Professor Carlos kung bakit higit na pumapanig ang pamahalaan ni Pangulong Aquino sa Malaysia samantalang hindi man lang natutulungan ang mga Pilipinong may lehitimong isyu.

Idinagdag pa ni Professor Carlos na nais ng Pilipinas noong dalhin ang usapin sa International Court of Justice subalit tumanggi ang Malaysia. Sa pagtangging ito, baka umano nadarama ng Malaysia na matatalo sila ng Pilipinas.

Nangangailangan umano si Pangulong Aquino na mag-aral ng legal at historical claim ng mga mula sa Sultanate of Sulu. Kailangan umanong magbasa siya, dagdag pa ni Professor Carlos.

Ang Sultanate of Sulu ang sinasabing nangunguna sa larangan ng pamamahala. Kahit ang Espana ay kumikilala sa ibayong galing ng mga taga Sultanate of Sulu. Nakapaglayag na rin ang Sultan ng Sulu sa Tsina at naging kaibigan ang mga pinuno ng silangang bahagi ng mayamang bansa.

Sa panig ni Assistant Secretary Hernandez, humuhiling ang kanyang Kagawaran ng full report sa pamahalaan ng Malaysia tungkol sa insidente,

Diocese of Bacolod, dumulog sa Korte Suprema

IPINARATING ni Bacolod Bishop Vicente M. Navarra sa Korte Suprema ang kahilingang pigilan ang Commission on Elections na nagpapaalis sa kanya ng isang trapal na naglalaman ng Team Buhay at Team Patay na nagtatala ng mga kandidatong kontra at pabor sa reproductive health law.

Ipinarating ni Atty. Ralph Sarmiento, abogado ng obispo ang petition for certiorari and prohibition with application for injunction and TRO laban sa Commission on Elections.

Nakarating ang usapin sa Korte Suprema kaninang mag-aalas-otso y media ng umaga at may docket na SC-GR No. 205728.

Tinuligsa ng obispo ang kautusan ng Comelec na nagpapaalis ng trapal sa Katedral ng Bacolod. Ito umano ay paglabag sa Freedom of Expression and sa principle of separation of Church and State. Ang mga kautusan ng Comelec ay taliwas sa Saligang Batas ng Pilipinas at walang katuturan.

Humiling ang petitioners na pagbawalan ang Comelec at mga opisyal nito sa pag-uutos at paglalabas ng mga questionable orders.

Pitong mga kandidato ang tinaguriang kasapi ng Team Patay na sina Juan Edgardo Angara, Francis Escudero, Loren Legarda, Alan Peter Cayetano, Risa Hontiveros-Baraquel, Teddy Casino at Jack Enrile. Kasama rin ang mga Party List groups na Bayan Muna, Akbayan at Anakpawis.

Tinagurian namang kabilang sa Team Buhay sinabi Joseph Victor Ejercito Estrada, Antonio Trillanes, Gtegorio Honasan, Mitos Magsaysay, Koko Pimentel at Cynthia Villar sa kanilang pagtutol sa Reproductive Health Bill.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>