Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Dating Pangulong Ramos, bumati kay Pangulong Xi Jinping

(GMT+08:00) 2013-03-18 18:00:53       CRI
NANINIWALA si dating Pangulong Fidel V. Ramos na higit na makabubuti sa Pilipinas ang pamumuno ni Pangulong Xi Jinping.

DATING PANGULONG RAMOS, UMAASANG HIGIT NA MAKIKINABANG ANG MGA TSINO AT PILIPINO SA LIDERATO NI PANGULONG XI JINPING.  Ito ang ipinaliwanag ni Ginoong Ramos sa isang panayam sa Campo Emilio Aguinaldo sa Lungsod Quezon.  Naniniwala siyang makatutulong sa liderato ng bagong pangulo sina dating Pangulong Hu Jintao at Jiang Zemin. (Kuha ni Melo Acuna)

Sa isang exclusive interview, sinabi ni Ginoong Ramos na nakadaupang-palad na niya si Pangulong Xi at ang mga dating namuno sa Tsina tulad nina Pangulong Hu Jintao at Jiang Zemin sa mga nakalipas na economic meetings sa loob at labas ng Tsina.

Ipinaliwanag ni Ginoong Ramos na bagama't mas madalas makikita ng daigdig si Pangulong Xi, sa pagkaka-alam niya ay mayroong mga pribadong konsultasyong nagaganap sa mga dating nanungkulan, at sa ngayo'y sina dating Pangulong Hu at Jiang.

Isang "collective leadership" ang nagaganap sa Tsina kaya't malayo na ang narating nito sa larangan ng kalakalan at diplomasya.

Idinagdag pa ni Pangulong Ramos na sa kabataan ni Pangulong Xi, may mga pagbabagong maaasahan na magiging kapaki-pakinabang sa Tsina, sa Pilipinas at sa buong daigdig.

Krisis sa syprus, baka makaapekto sa Pilipinas

MAY posibilidad na makarating sa Pilipinas ang epekto ng naganap na krisis sa Cyprus na humihingi ng bailout sa European Union at Internationala Monetary Fund na $ 10 bilyon upang maka-ahon sa kinasasadlakang problema. Ayon kay Finance Secretary Cesar Purisima, sapagkat ang European Union ang pinakamalaking pamilihan sa daigdig, may posibilidad na madama ang epekto ng problema sa Cyprus sa Pilipinas.

Sa katanungang kung magkakaroon ba ng dagdag na salapi na papasok sa Pilipinas mula sa Europa, partikular sa mga mangangalakal, sinabi ni Kalihim Purisima na hindi ito mababalewala sapagkat natural na sa negosyanteng maghanap ng paglalagakan ng kanilang salapi at investments.

Subalit may malaking balakid sa hinihiling na ayuda sapagkat kailangan nilang buwisan ang mga deposito ng mga mamamayang Cypriot at mga banyagang naglagak ng salapi sa kanilang mga bangko. Kaninang umaga pa lamang ay napuna na ang pagbaba ng kalakalan sa mga stock market sa buong Asia dahilan sa naganganap sa Cyprus.

Kalihim Purisima at Commissioner Hernares, nanawagan sa mga self-employed

DAPAT LUMAWAK ANG TAX BASE NG PILIPINAS. Maliwanag ang mensahe ni Kalihim Cesar Purisima ng Department of Finance sa isang press briefing kaninang umaga.  Kasama niya si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Jacinto-Henares.  (Kuha ni Melo Acuna)

MAGKASAMANG nanawagan sina Kalihim Cesar Purisima ng Kagawaran ng Pananalapi at Bureau of Internatl Revenue Commissioner Kim Jacinto-Henares sa mga self-employed, small business owners at mga propesyunal na magbayad naman ng tamang buwis. Ayon sa datos ng BIR, kahit pa nagkaroon ng P 1 bilyong umento sa tax payments mula sa self-employed at propesyunal mula noong 2010 hanggang 2012 nakapag-ambag lamang ang sektor ng 6.8% ng total individual income taxes na napakababa sa 81.5% share ng mga taxes na kinaltas na sa mga manggagawa bago pa man natanggap ang kanilang mga sahod.

Napuna rin nina Kalihim Purisima na sa ilang revenue region, ang mga bumubuo ng top ten lawyers ay nagbayad lamang ng buwis na mas mababa sa P 20,000. Lumalabas na ang mga abogadong ito ay mas maliit pa sa minimum wage ang kinikita samantalang ang bagong tanggap ng guro ay nakapagbabayad ng mas malaki sa mga abogado.

Sinabi naman ni Commissioner Henares nais nilang pamawakin ang tax base mula sa 400,000 patungo sa 1.8 milyon. Mayroon umanong 402,934 self-employed, business and professional tax payers na kumikita ng average na P 33,441. Nais ng DOF at BIR na madagdagan ang buwis na ibinabayad sa P 200,000 na magiging dahilan upang lumago ng 2% ang tax effort ng bansa sa 2016.

Pangalawang Pangulong Binay, umalis patugong Roma

MAGIGING kinatawan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na magdadala ng liham ng pagbato kay Pope Francis I si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay.

Ayon sa pangalawang pangulo, siya ang magiging kinatawan ng bansa sa inaugural mass at installation ni Pope Francis I. Idinagdag pa ni Pangalawang Pangulong Binay na isang malaking karangalan na saksihan ang pagtatalaga sa bagong Santo Papa at maging kinatawan ng bansa.

Umaasa rin siyang makakadaupang-palad muli ang mga kasapi ng Filipino community sa Italia kasabay ng panalanging magkaroon ng higit na talino at pagiging mapagkumbaba. Pinuri ni Ginoong Binay ang pagiging tapat sa mga suliranin ng mahihirap.

Darating din ang ang ibang mga pinuno ng bansa para sa naturang okasyon.

Misyonerong Jesuita nanawagang tulungan ang mga katutubo

BUKOD sa pansing ibinibigay ng Pamahalaan ng Pilipinas sa mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front sa Gitnang Mindanao, nanawagan si Fr. Albert Alejo, SJ, ng Ateneo de Zamboanga na bigyang pansin ang mga katutubo sapagkat patuloy pa rin ang kanilang paghihirap at pagharap sa mga pagpaslang na nagaganap sa kanilang nasasakupan.

Sa isang panayam sa CBCP Online Radio, sinabi ni Fr. Alejo na nakalulungkot na hindi nabibigyan ng atensyon ng liderato ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang mga lumad.

Masakit umanong katotohanang wala na lamang magawa ang mga katutubo sapagkat wala silang sandatang tangan na maaaring maging dahilan upang madalian silang kausapin ng pamahalaan. Karaniwang suliranin ng mga katutubo ang kawalan ng mga paaralan para sa kanilang mga supling at pagamutan sa oras na sila'y magkaroon ng karamdaman.

Ani Fr. Alejo, masakit na katotohanang napapabayaan ng pamahalaan ang mga katutubo. Nararapat alalahanin ng pamahalaan na baka dumating ang panahon at magka-armas na rin ang mga katutubo ay labis na mahihirapan ang mga kawal sa pagpigil sa kanilang ng gagawin.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>