Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Reporma sa budget and management, makakatulong

(GMT+08:00) 2013-03-20 19:25:35       CRI

Reporma sa budget and management, makakatulong

REPORMA SA BUDGET AND MANAGEMENT MAHALAGA.  Ayon kay Irish Minister Brendan Howlin, mahalaga ang repormang ipinatutupad ng Pilipinas sapagkat mapakikinabangan ito ng bansa at ng mga mamamayan.  Sa kanyang talumpati, sinabi ni Minister Howlin na nararapat bigyang-pansin ang pananalapi sapagkat dito nakasalalay ang maayos na pagpapatakbo ng bansa.

SINABI ni Irish Minister for Public Expenditure and Reform Brendan Howlin na malaki ang magagawa ng mga repormang sinimulan ng Administrasyong Aquino higit sa dalawang taon na ang nakalilipas. Ayon kay Minister Howlin, nakausap na niya si Budget and Management Secretary Florencio Abad kahapon ay natalakay nila ang mga palatuntunan upang higit na maging maganda ang paraan ng paggasta ng salapi ng taongbayan. Sa mga repormang isinasagawa ngayon, ani Minister Howlin, tunay na makikinabang ang bansa at mga mamamayan sa mga palatuntunan.

Sa kanyang talumpati sa isang pagtitipon ng mga mangangalakal, mga expatriates at mga mamamahayag, sinabi ni Minister Howlin na nakabawi na ang maliit nilang bansang Ireland matapos ang hagupit ng krisis sa larangan ng pananalapi.

Niliwanag niyang sa European Union, ang bawat bansang kasapi sa Europa ay nahaharap sa iba't ibang hamon at ang mga suliranin at mga kasagutan ay depende na rin sa iba't ibang bansa. Ipinaliwanag niyang ang mga suliranin at solusyon ay "country specific."

Tatlong taon nang nasa growth side ang kanilang bansa at pababa na ang fiscal deficit samantalang unti-unti ng pumapasok ang mga kalakal na gagawa ng higit na mga hanapbuhay. Umaasa rin silang makababalik na sila sa mga pamilihan sa madaling panahon.

Pinagtutuunan nila ng pansin ang pangangalap ng property at indirect taxes sa halip na magtaas ng income at labour taxes.

Malaki ang pagkakaiba ng Ireland at Pilipinas sapagkat ang lahat ng mga pagawaing bayan sa Ireland ay desisyon ng ehekutibo at hindi ng mga kasapi sa parliamento. Magugunitang malaking salapi ang nasasayang sa katiwalian mula sa pork barrel ng mga mambabatas, sa House of Representatives o sa Senate of the Philippines man.

‪mga Pilipinong mula sa Syria, dumating na

TATLUMPU'T ISANG mga Pilipinang mula sa Syria ang dumating kaninang mag iika-apat ng hapon sa Maynila kanina. Sila ang pinakahuling koponan ng mga manggagawang tumakas mula sa kaguluhan sa Syria. Naayos ang kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng mga Embahada ng Pilipinas sa Damascus at sa Beirut.

Sakay sila ng Qatar Airways Flight QR 646 at lumapag sa paliparang pangdaigdig ng Ninoy Aquino Terminal 1. Sa kanilang pagdating umabot na sa 3,764 na manggagawang Pilipino ang nakabalik sa bansa.

Nakaalis sila sa Syria sa pamamagitan ng land transport patungo sa Rafic Hariri Airport mula sa kapitolyong lungsod ng Damascus. Inulit na naman ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang panawagan sa mga Pinoy na nasa Syria pa na gamitin na ang palatuntunan sa repatriation upang makaiwas sa lumalalang situasyon sa bansa. Maaari silang tumawag sa telephone numbers 963116132626.

Posible ring humingi ng tulong ang mga kamag-anak sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay impormasyon sa kanilang mahal sa buhay at sa contact details sa Syria. Maaari silang makipagbalitaan sa Office of the Undersecretary for Migrant Affairs Office 02-8344583 at 02-8343240. Puede rin sa 24-hour action center sa telephone numbers 02-8343333.

Weight consciousness advocacy, inilunsad

KASUNOD ng pagkakabunyag na ang sobrang bigat at katabaan ang ika-lima sa mga nangungunang dahilan ng kamatayan ng mga mamamayan sa buong daigdig, lumalabas na ang problemang ito ay nagaganap na rin sa Pilipinas.

Isang survey ng Food and Nutrition Research Institute noong 2011 ang kinakitaan ng 22.3% ng mga nasa sapat na edad na mga Pilipino ang overweight at 6% ang obese. Nangangahulugan ito ng mas mataas na posibilidad na magkaroon ng mga kumplikasyon at magkaroon ng hypertension, diabetes, sakit sa puso, stroke, cancer at iba pang karamdaman.

Higit pa umanong tataas ang bilang ng mga overweight at obese na Pilipino sa taong 2015.

Sa pangyayaring ito, inilunsad ng Roche ang kanilang weight loss consciousness advocacy program sa pamamagitan ng kanilang gamot ay membership sa Club New You. Inirekomenda ng mga dalubhasa ang pagbabawas ng timbang at pagkakaroon ng tamang weight management. Kailangan lamang ang pagkain ng masustansyang pagkain at pag-eehersisyo, ayon kay Lilet Potenciano ng Roche.

Papa Francisco, inanyayahang dumalaw sa Pilipinas

INANYAYAHAN ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay si Pope Francis I na dumalaw sa Pilipinas sa 51st International Eucharistic Congress na gagawin sa 2016.

Ipinarating ni Ginoong Binay ang paanyaya sa kanilang pag-uusap matapos ang pagtatalaga sa Santo Papa at sa Misang idinaos bilang panimula ng kanyang panunungkulan.

Ayon sa pangalawang pangulo, inanyayahan niya ang santo papa na dumalaw at dumalo sa 51st International Eucharistic Congress sa 2016 na idaraos sa Cebu City.

Magugunitang ibinalita ni Pope Benedict XVI sa 2012 Eucharistic Congress na ang susunod na pagtitipon ay gagawin sa Cebu na siyang kinikilalang kadluan ng pananampalataya. Idinadaos ang international Eucharistic congress sa bawat ika-apat na taon.

Ang unang pagkakataong naging punong-abala ang Pilipinas sa International Eucharistic Congress ay noong taong 1937. Ang tema noon ay re-evangelization.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>