|
||||||||
|
||
Araw ng Paggawa, idinaos; Job Fairs dinumog
BPOS PA RIN ANG PABORITO NG JOB APPLICANTS. Sinabi ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz na karamihan ng mga aplikante sa kanilang job fairs sa buong bansa ay nakuha ng mga kumpanyang nasa business process outsourcing. Pangalawa naman ang nasa tourism and related industries. Humarap sa mga mamamahayag si Kalihim Baldoz kanina upang ibalita ang nagaganap sa iba't ibang larangan ng paggawa. (Kuha ni Melo Acuna)
IBA'T IBANG paraan ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Pilipinas ngayon. Sa larangan ng mga militanteng grupo, martsa ng mga manggagawa ang kanilang ginawa sa kainitan ng araw at pagsasahimpapawid ng kanilang hinaing sa kakulangan ng sahod mula sa pamahalaan at mga pribadong kumpanya.
Mayroong mga nag-martsa patungo sa Embahada ng Estados Unidos upang kondenahin ang pamamalakad ng Amerika sa Pilipinas. Hindi nakarating sa embahada ang ilang daang mga nagmartsa sapagkat hinarangan ng pulisya. Ilang hanay ng pulisya ang naitalaga sa T. M. Kalaw Avenue sa may tapat ng National Library upang pigilin ang mga nagmamartsa patungong Roxas Blvd. na kinalalagyan ng embahada.
Ang grupo na karamiha'y naka-pulang damit ay sumisigaw ng "imperyalismo, ibagsak." Binabanggit din nilang walang pagbabago sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino. Nagmula ang mga nagmartsa sa grupong Kilusang Mayo Uno, Kadamay at Bayan – National Capital Region.
Ayon kay Larry Jaca, tagapagsalita ng KMU sa Metro Manila, ang imperiyalistang Estados Unidos at ang pamamalakad nitong sinusunod ng Administrasyong Aquino ang siyang pasanin ng mga mamamayan.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Kalihim Rosalinda Dimapilis Baldoz na tagumpay ang isinagawang job fair sa iba't ibang bahagi ng bansa. Sa datos na natanggap kaninang tanghali, may 37,765 ang nagpatala para sa 153,274 na bakanteng trabaho. May 7,240 na ang nakapanayam samantalang 1,274 na ang nakuha ng mga employer. Mayroong 177 magsasanay sa TESDA upang magkatrabaho at mayroong 297 na nabigyan ng pagkakakitaan.
Sa idinaos na press briefing sa Mall of Asia, sinabi ni Kalihim Baldoz na pinakamaraming aplikante at trabaho sa larangan ng business process outsourcing. Hindi lamang sa call centers bagkos ay sa non-voice sector, dagdag pa ng kalihim.
Unti-unting tumataas na rin ang bilang ng mga nagkakatrabaho sa larangan ng tourism at related industry. Inihalimbawa niya ang pangangailangan ng Solaire, isa sa kabubukas na casino at entertainment hub sa Metro Manila. Pati mga kawaning nasa Macao, kabilang ang mga chef, ay umuuwi na sapagkat mataas ang pasahod at maihahambing sa kita sa ibang bansa.
Gumaganda na rin ang manufacturing sector sapagkat may mga kumpanyang Hapones na nagtatayo na ng kanilang mga pabrika sa Pilipinas.
Ipinaliwanag din ni Kalihim Baldoz na pinaghahandaan ng Pilipinas ang darating na 2015 sa pagkakaroon ng ASEAN Community, partikular sa mobility at flexibility. Ang Pilipinas ang namumuno sa ASEAN qualification benchmarking for professionals sa technical working group. Kailangang magkaroon ng halos magkakatulad na standards upang maging katanggap-tanggap sa lahat ng bansang ASEAN.
Malaking hamon sa mga manggagawa ang posibilidad na magpalipat-lipat ng trabaho. Ang matitiyak ay ang pagkakaroon ng trabaho kaysa sa job security.
Sa larangan ng pabahay, makakadagdag sa hanapbuhay
NANINIWALA si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa bawat 100 trabaho mula sa housing sector ay nagkakaroon ng karagdagang 18 trabaho sa ibang industrya.
Malaki umano ang maitutulong ng pabahay sa ekonomiya sa pamamagitan ng dagdag na hanapbuhay, dagdag pa ni Ginoong Binay sa kanyang talumpati sa Butuan City.
Sa row houses na naitatayo, nagkakaroon ng trabaho ang walo katao at sa bawat 100 trabaho sa pagtatayo ng mga tahanan, labing-walong hanapbuhay ang nabubuo sa iba't ibang industriya tulad ng paggawaan ng pako, yero, hollow blocks, semento at iba pang produkto.
Non-wage benefit, 'di sapat, sabi ng Ibon
ISANG think-tank group na kilala sa pangalang Ibon ang nagsabing hindi kailanman sasapat ang non-wage benefits sa kakulangan ng minimum wage lalo pa't ihahambing sa patuloy na tumataas na halaga ng pamumuhay.
Ito ang reaksyon ng Ibon sa pahayag ng Malacanang na hindi magkakaroon ng wage increase ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Nag-alok ang pamahalaan ng non-wage benefits.
Idinagdag ng Ibon na samantalang karapat-dapat tumanggap ng dagdag na benepisyo ang mga manggagawa tulad ng health care at housing packages, ang isang makabuluhang dagdag-sahod ang pagpapa-unlad sa kanilang kabuhayan at magdudulot din ng ginhawa sa kanilang kinasasadlakang kahirapan.
Cardinal Tagle nanawagang kilalanin ang dignidad ng manggagawa
KILALANIN ANG DIGNIDAD NG TAO. Ito ang panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Tagle sa mga mangangalakal sa misang inialay sa Araw ng Paggawa sa Quiapo Church. (File Photo ni Roy Lagarde)
NANAWAGAN si Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle sa mga mangangalakal na kilalanin at igalang ang dignidad ng tao bago isipin ang tubo. Ito ang buod ng kanyang homilia sa misang inialay sa Araw ng Paggawa sa Basilica Minore ng Itim na Nazareno sa Quiapo.
Nararapat bigyang halaga ang ambag ng mga manggagawa sapagkat maituturing na hulog ng langit ang mga kawani. Kung wala ang mga manggagawa, walang lipunan at walang bansa.
Hindi umano pakikialam ang ginagawa ng Simbahan sa pagtalakay sa isyu ng paggawa sapagkat ang unang manggagawa ay ang Panginoong Diyos.
Nanawagan din siya sa mga manggagawa at sa pamahalaan na idaan sa maayos na pag-uusap ang anumang mga 'di pagkakaunawaan.
Dumalo sa Misa ang mga pinuno ng Kilusang Mayo Uno, Courage at iba pang samahan ng mga manggagawa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |