Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, susuportahan ang Timor Leste na makasama sa ASEAN

(GMT+08:00) 2013-06-06 18:42:30       CRI

Pilipinas, susuportahan ang Timor Leste na makasama sa ASEAN

TINIYAK ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kay Prime Minister Kay Rala Xanana Gusmão ng Timor Leste ang suporta ng Pilipinas sa kanilang pagnanais na makasama sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Pangulong Aquino na umaasa siyang makakasama ang Timor Leste sa regional dialogue na makakatulong sa mga mamamayan ng iba't ibang bansa.

Sa nakalipas na 11 taon, nakasama na ng Pilipinas ang Timor Leste sa pagsusulong ng mga adhikaing mapa-unlad ang kapwa bansa. Pinasalamatan niya si Prime Minister Gusmao sa $ 750,000 ayuda sa mga biktima ng bagyong Pablo. Hindi umano malilimutan ng mga Pilipino ang kagandahang-loob ng mga taga-Timor Leste.

Magtutulungan ang Pilipinas at Timor Leste sa larangan ng edukasyon, tanggulang pambansa, pagpapa-unlad ng pagawaing bayan at kalakalan.

Lumagda sa kasunduan sa larangan ng Edukasyon ang Philippine Normal University at Pamahalaan ng Timor Leste upang mapag-ibayo ang pagsasanay ng mga guro sa isa sa pinakabagong bansa sa daigdig. Tatlumpu't dalawa sa nakapagtapos sa Pilipinas ang umuwi na sa Timor Leste at naglilingkod na sa mga mamamayan. May 20 pang magtatapos ngayong taon at pinaghandaan na ng Pilipinas ang mga darating pang mag-aaral.

Sa larangan ng tanggulang pambansa, magkakaroon ng mga konsultasyon at magpapalitan ng intelligence data na mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad. Ani Pangulong Aquino, ito'y napapaloob sa Joint Declaration on Military Cooperation na nilagdaan ng dalawang bansa noong 2012.

Na-triple ang kalakalan sa pag-itan ng dalawang bansa mula 2011 hanggang 2012. Dumating sa Maynila si Prime Minister Gusmão kahapon at mananatili hanggang ngayong araw na ito.

Ambassador Stephen Lillie ng United Kingdom, umaasang madaragdagan ang Foreign Direct Investments sa Pilipinas

BRITISH AMBASSADOR STEPHEN LILLIE, UMAASANG MADARAGDAGAN ANG FOREIGN DIRECT INVESTMENTS SA PILIPINAS.  Sa isang pananghalian kanina, sinabi ni Ambassador Lillie na kailangang kumilos ang pamahalaan ng Pilipinas upang higit na maakit ang mga mangangalakal na mangapital sa bansa.  Mas marami umanong FDIs sa mga  ibang bansa sa ASEAN

MALAKI ang pagkakataon ng Pilipinas na madagdagan ang Foreign Direct Investments at iba pang kalakal sa mga susunod na taon. Ito'y sa likod ng pagpasok ng mga produktong gawa sa United Kingdom tulad ng Bentley. Papasok na rin sa pamilihan ng Pilipinas ang Rolls Royce sa susunod na buwan.

Sa isang pananghalian sa kanyang tahanan na dinaluhan ng mga mamamahayag, sinabi ni Ambassador Lillie na hindi gasinong mataas ang FDIs sa Pilipinas kung ihahambing sa ibang mga bansa sa Timog-Silangang Asia (ASEAN). Malaki ang potensyal ng Pilipinas, ani Ambassador Lillie at kailangan ng bansang gumawa ng pinakamagandang balangkas at kapaligiran upang magtagumpay ang mga banyagang mangangalakal sa PIlipinas.

Ang kasalukuyang mga batas ay hindi gasinong maganda upang pumasok ang foreign direct investments sapagkat lubhang ipinagsasanggalang ang mga mangangalakal na Pilipino. Kailangang magkaroon ng mas maluwag na pamilihan, dagdag pa ni Ambassador Lillie.

Lumago naman ng 17% ang kalakal sa pag-itan ng United Kingdom at Pilipinas.

Isang dahilan din ang Kasaysayan tulad ng naging relasyon ng United Kingdom sa Malaysia, Singapore at Hong Kong. Mas madali umanong maglakbay mula sa United Kingdom patungo sa mga bansang ito at kahit sa Indonesia.

Mayroon ding reputasyon ang Pilipinas na hindi magandang paglagakan ng capital sapagkat ang imaheng batid ng nakararami, hindi lamang ng mga Ingles ay ang imahen noong dekada Sitenta at Otsenta.

Ani Ambassador Lillie, nararapat gamitin ng Pilipinas ang dalawng sunod na ratings updgrade kamakailan. Sa mga upgrade na ito, lalabas na mayroong magagandang nagaganap sa Pilipinas at unti-unting mapupuna ng mga mangangalakal ang mga pangyayaring ito sa bansa.

Isang magandang pagkakataon ang direct flights mula sa United Kingdom patungong Maynila na daraan sa isang makabagong paliparan.

Nangunguna ang mga Ingles kung mga turistang mula sa Europa na dumadalaw sa Pilipinas ang pag-uusapan. Hindi lamang niya mabanggit ang datos sapagkat kakaiba umano ang paraan ng pagbibilang ng Bureau of Immigration and Deportation. Sa katanungan kung kasama sa bilang ang Pilipinong naninirahan sa United Kingdom sa tourist arrivals, ayon kay Ambassador Lillie, baka sakaling kasama na siya sa binibilang.

Nakatakdang magtapos ng kanyang paglilingkod sa Pilipinas si Ambassador Lillie sa susunod na ilang linggo at papalitan ni Ambassador Asif Answar Ahmad, na naglingkod na rin bilang Ambassador sa Thailand hanggang noong 2012.

Dalawang arsobispo, nagbabala sa mga posibleng pagbabago

SA pagbibitiw ni Senador Juan Ponce Enrile sa kanyang posisyon bilang pangulo ng senado, isang retiradong arsobispo ang nagsabing malaki ang posibilidad na magkaroon ng pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas.

SALIGANG BATAS, MALAMANG NA MASUSUGAN.  Sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar V. Cruz na sa pagpapalit ng liderato sa Senado ng Pilipinas, malamang na mabuksan at masusugan ang Saligang Batas.  

Sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar V. Cruz na ang pagsusog sa Saligang Batas ay nararapat bantayan ng publiko.

Anang arsobispo, nararapat bantayan ang anumang magaganap sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Noong nakalipas na buwan, binanggit na ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na may posibilidad na mabuksan ang Saligang Batas sa mga pagsusog sapagkat karamihan ng mga nahalal na mambabatas ay pawang alyado ng pamahalaan. Kahit pa sinabi ni Pangulong Aquino na hindi siya interesadong buksan at susugan ang Saligang Batas, naniniwala ang arsobispo na ito ang dahilan kaya't gustong ma-kontrol ng administrasyon ang lehislatura. Pinaniniwalaang si Senador Franklin M. Drilon ang makakahalili ni Senador Enrile.

Samantala, isang dating obispo ng military ordinariate, si Arsobispo Ramon C. Arguelles ng Lipa ay nagsabing nababahala siyang babalik ang mga base militar ng America sa Pilipinas.

BANTAYAN ANG POSIBILIDAD NA BUMALIK ANG BASE MILITAR NG AMERIKA.  Sinabi ni Arsobispo Ramon C. Arguelles na may posibilidad na bumalik ang mga base militar ng Estados Unidos sa pagkakaroon ng maka-Amerikanong palatuntunan ng Pilipinas.  Si Arsobispo Arguelles ay dating military ordinary

Bantayan ninyo ang mga maka-Amerikanong pamamalakad at alituntunin ng pamahalaan na makabalik ang base-militar sa Pilipinas sapagkat kayang-kaya itong ipasa ng Senado ng bansa, dagdag pa ni Arsobispo Arguelles.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>