|
||||||||
|
||
melo/20130910.m4a
|
Pamahalaan, may sapat na kawal sa Zamboanga City
SAPAT ANG KAWAL SA ZAMBOANGA. Tiniyak ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na sapat ang mga kawal sa Zamboanga upang pigilan ang mga kaalyado ni MNLF founding chairman Nur Misuari na makapasok sa lungsod. Ito ang kanyang pahayag sa kanyang pagharap sa media kaninang umaga. (Ryan Lim/Malacanang)
MAS MAGANDANG MAGKAROON NG TIGIL-PUTUKAN. Ito ang pahayag ni dating Senador Aquilino Q. Pimentel, Jr. sa isang exclusive interview. Mas magandang mag-usap sa halip na maglabanan sapagkat mahihirapan ang mga sibilyan, ang mga bata at matatanda, dagdag pa ni Senador Pimentel. (Melo Acuna)
TINIYAK ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na walang dahilan upang magdeklara ng "State of Emergency" sa Lungsod ng Zamboanga na sinalakay ng ilang mga nakabangkang rebeldeng kabilang sa paksyon ni Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari.
Sapat ang mga kawal sapagkat nasagupa na nila ang mga MNLF na sakay ng ilang bangka at tumuloy sa ilang barangay ng lungsod. Nakapagpadala na umano ang pamahalaan ng mga kawal sa pamamagitan ng eroplano at pinakikilos na ang crisis management council. Nakakatanggap din siya ng pinakahuling balita mula kay Kalihim Manuel Araneta Roxas II.
Walang maikakaso laban kay Chairman Misuari sapagkat pawang mga tagapagsalita pa lamang ang nagsasalita at humaharap sa mga mamamahayag tungkol sa nabalitang pagdedeklara ng kalayaan. Tiyak na lalabnaw ang usapin kung ang mga ipagsusumbong ay ang mga tagapagsalita (at hindi si G. Misuari) sapagkat lalabas na "hearsay."
May napipintong pagpupulong sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia sa Jakarta sa pagtutulungan ng dalawang bansa. Idinagdag pa ni Pangulong Aquino na nakikipagtulungan naman ang Organization of Islamic Conference sa Pilipinas.
Nahahati na umano ang MNLF sa tatlong grupo at ang dalawa sa tatlo ang naglabas na ng kanilang pahayag na kumondena sa naganap sa Zamboanga. Tinutupad naman ng pamahalaan ang mga itinatadhana sa 1996 Peace Agreement.
Ani Pangulong Aquino, lumalabas na hindi kuntento si G. Misuari kung hindi siya ang magiging pinuno
Samantala, sinabi ni dating Senador Aquilino Q. Pimentel, Jr. na mas makabubuting lutasin ng pamahalaan ang sigalot sa payapang paraan ang sigalot sa Zamboanga.
Ani G. Pimentel, nakapasok ang mga MNLF sa anim na barangay sa lungsod at isang "provocation" ito. Kung gagamitan ng lakas ng pamahalaan ang mga ito, hindi ito makakatulong sa magkabilang panig. Sa halip, nararapat lamang magkaroon ng ceasefire at pag-usapan ang 'di pagkakaunawaan.
"Mapapasapanganib ang mga sibilyan, ang mga kabataan at ang mga matatanda," dagdag pa ni G. Pimentel.
Binalaan niya ang pamahalaan na huwag mamili ng kakausapin sapagkat mahalaga ang papel ng bawat isa sa Mindanao. Nararapat matugungnan ang mga hinaing mula sa iba't ibang grupo.
Idinagdag pa niya na malutas man ang problema sa Zamboanga, walang garantiya na hindi magkakagulo sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Mas maganda na magkaroon ng sistemang federal upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Bangsamoro at iba pang mga mamamayan.
Manggagawa at hanapbuhay, nadagdagan; Unemployement tumaas
TUMAAS ang bilang ng mga manggagawa ngayong taon kung ihahambing sa bilang noong nakalipas na 2012. Sa isang press briefing, sinabi ni Kalihim Arsenio Balisacan na batay sa pagtatala ng National Statistics Office, umabot sa 38.2 milyon ang manggagawa noong Hulyo 2013 at nagkaroon ng dagdag na 1.7% mula sa 37.6 milyon noong 2012.
Nangangahulugan lamang ito na nagkaroon ng 620,000 bagong hanapbuhay na kinakitaan ng 38.4% na dagdag sa 448,000 hanapbuhay noong 2012. Dahilan ito sa pagbawi ng sektor ng pagsasaka na nagkaroon ng 1.5% na dagdag sa hanapbuhay matapos ang apat na sunod na kwarter ng pagbaba ng bilang.
Ang sektor ng pagsasaka at forestry ay nagkaroon ng 116,000 dagdag na hanapbuhay samantalang ang pangisdaan ay nagkaroon ng 57,000 dagdag na manggagawa.
Nakita rin ang pagtaas ng bilang sa services na nagkaroon ng 1.9% at construction na mayroong 4.3% na dagdag. Sa sektor ng services, umabot ang hanapbuhay sa 383,000 samantalang ang construction ay mayroong 101,000 hanapbuhay.
Ang pinakamalaking bilang ng hanapbuhay ay sa larangan ng wholesale and retail trade subsector na mayroong 506,000 trabaho samantalang nagkaroon ng 154,000 hanapbuhay sa transportation and storage na may 154,000. Ang administrative at support services ay nagkaroon naman ng 124,000 hanapbuhay.
Kahit pa napuna ang mga pagtaas ng bilang, bumaba ang employment rate mula sa 93.0% at natamo ang 92.7% dahilan ng pagbaba ng hanapbuhay sa accommodation at food service activities subsector na nabawasan ng 238,000 hanapbuhay.
Nawalan din ng 28,000 hanapbuhay sa manufacturing, 14,000 ang nawala sa mining at quarrying Atwater supply, sewerage samantalang bumaba ang bilang na nasa waste management at remediation activities ng may 6,000 hanapbuhay. Lumako pa rin ang labor force ng 1.9% sa loob ng isang taon.
Sa likod ng mga pangyayaring ito, ang unemployment rate ay tumaas mula sa 7.0% noong Hulyo 2012 at nakarating sa 7.3% sa buwan ng Hulyo 2013. Nabatid na ang mga walang hanapbuhay ay mga kabataang walang kakayahan at karansan na mahahalagang requirements ng mga kumpanyaat maging sa pagiging mangangalakal.
Ang mga nakatapos ng high school ang pinakamaraming walang hanapbuhay (32.8%) at mga nagtapos ng kolehiyo (21.8%) samantalang ang hindi tapos ng kolehiyo ay umabot sa 13.6%.
Pamahalaan, nababahala sa kapaligiran at kabutihan ng mga mamamayan
BEST PRACTICES SA PAGMIMINA ANG KAILANGAN. Sinabi ni Senate President Franklin M. Drilon na suportado ng pamahalaan ang industriya ng pagmimina subalit kailangan ang best practices upang mapangalagaan ang kalikasan at kabutihan ng mga mamamayan. Hindi angkop na mas mabigat ang epekto ng pagmimina sa kalikasan at mga mamamayan kaysa kikitain nito sa paglipas ng mga taon. Sinimulan kanina ang Mining Philippines International Conference and Exhibition sa Hotel Sofitel. (Joseph Vidal/PRIB)
TAPAT ang pamahalaan sa proteksyon ng kapaligiran at kabutihan ng mga mamamayan. Ito ang binanggit ni Senate President Franklin M. Drilon sa panimulang palatuntunan ng Mining Philippines International Conference and Exhibition sa Hotel Sofitel kaninang umaga.
Ani Senador Drilon, mayroong siyam na milyong ektarya na mayroong high level potential at pang-lima na ang Plipinas sa buong daigdig kung ang overall mineral reserves ang pag-uusapan.
Pangalawa umano ang Pilipinas sa ginto at pangatlo sa tanso at tinatayang mayroong $ 840 bilyon ang tinaguriang untapped mineral wealth. Napuna rin ni Senador Drilon na sa likod ng potensyal na ito, ang bahagi ng industriya ng pagmimina ay nakaambag ng 0.7% sa GDP.
Idinagdag ng senador na hindi na baguhan ang Pilipinas sa mga sakuna sa mga minahan na naging dahilan na pagkapinsala ng kapaligiran at naging dahilan ng paghihirap ng mga mamamayan. Naging dahilan ito ng pagkapinsala ng mga ilog, mga bakawan, mga batuhan, sakahan at marami pang iba. Karamiha'y hindi na maibabalik pa sa original na kalagayan.
Nanawagan siya sa mga magmimina na gamitin ang pinakamagagandang gawain sa industriya at magbahaginan ang karanasan ang mga kalahok sa pagtitipon.
Hindi umano maisusugal ang kinabukasan ng mga kabataan at mga susunod na saling-lahi. Nakita na rin ng mga Pilipino ang pinsalang naganap sa iba't ibang bahagi ng daigdig na kinatagpuan ng mas matinding pinsala sa kalikasan at lipunan kaysa sa maituturing na economic benefits.
Samantalang sinusuportahan ng pamahalaan ang industriya ng mina, kailangang matiyak na higit na makikinabang ang karamihan kaysa sa pinsalang idudulot nito sa lipunan at kalikasan.
Amerikano, dakip sa Maynila sa kasong pagpatay
NADAKIP ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang 71-taong gulang na Amerikanong pinaghahanap sa pagpaslang sa isang babae sa Estados Unidos 21 taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Atty. Siegfred Mison, si Santiago Pedroso ay nasa piitan ng Bureau of Immigration sa Bicutan, Taguig matapos madakip kahapon sa harapan ng Embahada ng Estados Unidos sa Roxas Blvd., Maynila.
Nagtungo siya sa embahada upang kumuha ng bagong pasaporte ng madakip ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit.
Sinabi ni Atty. Mison na ipatatapon ang Amerikano pabalik sa America bilang isang undocumented at undersirable alien. Hindi na siya makababalik sa Pilipinas.
Nagtago umano ang Americano sa Pilipinas ng higit sa 16 na taon upang makaiwas sa paglilitis at kaparusahan. Dumaan siya sa "backdoor" noong Disyembre 1996 ng bumaba siya sa isang barkong pangturista sa Mindanao.
Ayon sa Embahada ng Estados Unidos, wanted si Pedroso sa pagpatay kay Delores Alvarez noong ika-21 ng Hunyo, 1992 na binaril samantalang kumakain sa isang mataong restaurant sa Philadelphia, Pennsylvania.
Limang ulit na binaril ang biktima samantalang kumakain kasama ang dating asawa ng suspect. Nagselos umano ang suspect kay Alvarez na kasamang namumuhay ng kanyang dating asawa.
Balanga, magsasagawa ng mga Misa sa umaga't hapon bukas; EdSA Shrine, pagdarausan din ng pagtitipon
MAGDARAOS ng mga Misa sa 35 mga parokya sa Diyosesis ng Balanga sa Bataan upang iparating ang pagsisisi sa mga kasalanang dulot ng katiwaliang pumipinsala sa bansa.
Sinabi ni Balanga Bishop Ruperto C. Santos na ipagdarasal nila na ang mga opisyal na nangungulimbat at nangulimbat na mga pinuo ay umain na sa kanilang pagtataksil sa pagtitiwala ng taongbayan at mapanagot para sa kanilang kataksilan.
Ipagdarasal din nila na mapanagot din ang mga kasapakat ng nangulimbat na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Bishop Santos, ipagdarasal din nila ang mga pinuno ng bansang hindi sangkot sa pandarambong sa kaban ng bayan na manatili sa kanilang katapatan at dedikasyong maglingkod ng matuwid sa mga mamamayan.
Sa sama-samang pagdarasal, hihilingin nila sa Diyos na mawala na ang mga pangungulimbat at pandarambong sa kaban ng bayan sapagkat lubhang nagtitiis ang mga mahihirap, dagdag pa ni Bishop Santos.
Sa Metro Manila, magkakaroon din ng pagkilos ang mga kabataan at mga concerned citizens sa makasaysayang Edsa Shrine sa panulukan ng Ortigas Avenue at Epifanio delos Santos Avenue sa Lungsod ng Quezon. Bagama't inanyayahan ang lahat sa pagtitipon, walang politikong magsasalita sa sama-samang pananalangin.
Ayon kay Junep Ocampo, punong-abala sa EdSA TAYO, ipararating nila sa lahat ang kanilang pagkondena sa katiwaliang nagaganap sa pamahalaan. Bagama't walang permisong ibinigay ang Pamahalaang Lungsod, tuloy pa rin ang pagtitipon.
Sinabi ni C/Supt. Marcelo Garbo na paiiralin nila ang maximum tolerance sa pagtitipon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |