|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Kaguluhan sa Zamboanga, nararapat pag-usapan
NANINIWALA si dating Senador Aquilino Q. Pimentel, Jr. na malulutas ang sigalot sa Zamboanga City sa pamamagitan ng pag-usap. Naniniwala rin siyang magaganap ito kung malawakan ang pag-uusap sa pagitan ng pamahalaan at ng mga Muslim. Hindi na uubra ang paggamit ng dahas tulad ng mga hindi nagtagumpay na paraan ng mga nakalipas na pamahalaan.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina, sinabi ng dating senador na kailangang suriin ng pamahalaan ang pagkakaroon ng federal system ng pamahalaan upang hindi mawala ang kultura ng iba't ibang rehiyon sapagkat pawang interes na ng isang pook ang mananatiling matingkad.
Isang malaking hamon para sa lipunang Pilipino kung paano maibabangon ang Zamboanga City na kinatatagpuan ng higit sa 109,000 internally displaced persons sa 33 evacuation centers. Ito ang mga larawang kuha sa sports complex na ginawang evacuation center. Bagama t nakakangit ang mga kabataan, malaking suliranin naman ang kinakaharap ng mga magulang sa kawalan ng hanapbuhay at tahanan sa mga sunod na naganap sa nakalipas na 21 araw mula noong ika-siyam ng Setyembre. (Melo Acuna)
Sa panig ng Secretary General ng Philippine Red Cross Gwendolyn Pang na lubhang napakalaki ng nararapat gawin ng pamahalaan at mga pribadong sektor upang makaangat ang lungsod at ang mga mamamayan. Higit sa P 300 milyon ang nawawala sa bawat araw na nakasara ang mga bahay kalakal sa Zamboanga. Isa ring dahilan ng pagbagsak ng kalakal ay ang curfew na ipinatutupad ng pamahalaan mula ika-walo ng gabi hanggang ika-lima ng umaga.
Isang malaking suliranin ng Philippine Red Cross ay ang kakulangan ng malinis na mga palikuran para sa higit sa 70,000 katao sa sports complex na kinalalagyan ng mga lumikas sa kanilang mga barangay. May 109,000 kataong nasa 33 iba't ibang evacuation centers sa buong lungsod.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |