Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ibayong paghahanda para sa napakalakas na bagyo, ginagawa na; pamahalaan at simbahan, nagtutulungan

(GMT+08:00) 2013-11-07 19:25:25       CRI
Ibayong paghahanda para sa napakalakas na bagyo, ginagawa na; pamahalaan at simbahan, nagtutulungan

KUMIKILOS na ang mga pamahalaang lokal sa Silangang Kabisayaan, Kabikolan at Timog Katagalugan sa paglapit ng bagyong "Yolanda" (Haiyan) sa silangang bahagi ng Pilipinas.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, kumikilos ang bagyong si "Yolanda" sa bilis na 30 kilometro bawat oras at inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa Miyerkoles ng gabi at tatama sa Silangang Kabisayaan.

Sinabi ng PAGASA na maka-aapekto ang bagyo sa Kabisayan, Luzon at maging sa Mindanao. Kanina ay nakita ang bagyo sa layong 1,560 kilometro sa Silangan ng Mindanao at may hanging hindi bababa sa 120 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometro bawat oras.

Ayon sa Accuweather.com, ang bagyong Haiyan o Yolanda ay nananatiling peligro sa bansa sapagkat mayroon itong pabugso-bugsong pag-ulan at mag-iiwan ng pinsala at pagbaha.

Ayon sa Accuweather, maaaring umabot sa 200 milimetro o walong pulgadang pag-ulan na sapat nang magdulot ng panganib sa mga kabundukan. Malaki rin ang posibilidad na madama ang panahong amihan sa hilaga at gitnang Luzon.

Sinabi ni Borongan Bishop Crispin Varquez na bukod sa pagpaparating ng maagap na impormasyon sa mga mamamayan, hinihiling na rin nila ang pananalangin ng buong bayan.

Sa panig ni Maasin (Southern Leyte) Bishop Precioso D. Cantillas na bagama't nasa Batangas sila para sa kanilang taunang spiritual retreat hanggang Sabado, nanawagan na rin sila sa mga mamamayan na bukod sa paghahanda ay magdasal na rin upang mailigtas sa pinsala at kapahamakan.

Samantala, sinabi naman ni Catarman (Northern Samar) Bishop Emmanuel Trance na ang kanilang regional at provincial disaster risk reduction and management council ay nagsimula ng kumilos mula kahapon. Ang Social Action Center naman sa pamamagitan ng mga disaster management risk coordinators ay nakikipagtulungan na sa pamahalaan.

Batid nilang dadaan ang bagyo sa bayan ng Guian, Eastern Samar samantalang ang Catarman ay nasa hilagang silangan ng Samar Island. Alam nilang dadaan ang bagyo sa ganap na ikatlo ng hapon sa Biyernes kung hindi magbabago ang direksyon ni "Yolanda."

Mula sa Tacloban, sinabi ni Archbishop John Du ng Archdiocese of Palo (Leyte) na nanawagan na siya sa madla na manalangin sapagkat tanging Diyos lamang ang makapagliligtas mula sa anumang kapahamakan. Pangalawang kahilingan niya sa mga mamamayan ang pagputol sa mga sanga ng malalaking punongkahoy at suportahan ang kanilang mga tahanag gawa sa kahoy at nipa.

Ipinaalala rin ng arsobispo na maghanda ang mga mamamayan ng mga kandila, flashlights, tubig at makakaing hindi mapapanis. Ang kanilang social action center ay bumibili na ng pagkaing ipamamahagi sa mga maaapektuhan ng malakas na bagyo.

Sinabi naman ni Legazpi (Albay) Bishop Joel Z. Baylon na inatasan na niya ang director ng Social Action Center na makipagtulungan sa pamahalaang panglalawigan sapagkat mayroon ng palatuntunan para sa mga kinakaharap na situwasyon. Sa halip na magkaroon ng duplication, makikipagtulungan na lamang ang Simbahan sa pamahalaan.

Sinimulan na naman ng mga taga-Albay province ang pagdarasal ng Oratio Imperata o obligatory prayer na sinasabing epektibo sa pagliligtas sa mga mamamayan mula ng tumama ang mapaminsalang bagyong Reming noong 2006.

Pinamunuan ni Albay Governor Jose Sarte Salceda ang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council kaninang tanghali. Bukas ay walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa lalawigan.

Sa Sorsogon, sinabi naman ni Bishop Arturo Bastes, SVD na sa bawat parokya at institusyon sa kanyang nasasakupan ay naghahanda na sa pamamagitan ng ginagawang reinforcements. Deklarado na rin ang ilang malalaki at ligtas na gusali bilang evacuation centers. Naghanda na rin sila ng pagkain upang ipamahagi sa mga nasasakupang mangangailangan, dagdag pa ng obispo.

Idinagdag ni Sorsogon City Mayor Sally Lee na nakikipagtulungan na ang pamahalaang lungsod sa pamahalaang panglalawigan at may mga sapat na hakbang upang maiwasan ang sakuna. Hindi umano maitataya ang lakas at bilis ng bagyo sa oras na dumaan na sa lupa at mababawasan lamang ang pinsala kung maililikas ang mga mamamayan mula sa 'di ligtas na kinalalagyan.

May koordinasyon na rin ang pamahalaang lokal sa Simbahan at iba pang mga ahensya.

Bunkhouses, itatayo para sa mga taga-Zamboanga City

SA likod ng paghahanda ng Department of Social Welfare and Development para sa parating na super typhoon, magsisimula na silang magtayo ng bunkhouses sa Barangay Talungatung para sa mga pamilyang nasunugan ng bahay sa pagsasagupaan ng mga kawal at mga Moro National Liberation Front –Nur Misuari faction.

Ayon kay Director Zenaida Arevalo ng DSWD Region IX, ang pamahalaang lokal ang nakatagpo ng lugar na pagtatayuan ng 45 bunkhouses. Dalawampu't anim ang itatayo ng 52nd Enginerring Brigade ng Philippine Army samantalang ang nalalabing mga itatayo ay sa pamamagitan ng International Organization for Migration.

Idinagdag pa ng regional director na ang lupain ay may apat na ektarya at may sapat na pook para sa mga palikuran, community kitchen at iba pang pasilidad. Ang bawat bunkhouse ay maykakaroon ng 12 silid at kayang tirhan ng 8,100 katao. Ang bawat bunkhouse ay mayroong limang palikuran at dalawang paliguan.

Limitado na rin ang bunkhouses na itatayo sa JFE Sports Complex dahilan sa isyu ng kalusugan at kalinisan. Sampung bunkhouses na lamang ang itatayo sa pook. Mayroong 4,000 pamilyang naninirahan doon.

May walong bunkhouses na ang naitayo sa grandstand at aalamin na lamang kung sino sa mga pamilya ang bibigyan ng matitirhan sa loob ng sports complex.

Organization of Islamic Conference lamang ang susi sa kapayapaan

SINABI ni OIC Secretary General Ekmelledin Ihsanoglu na kailangang magkaroon ng "plan of action" upang maibsan ang tensyion at magkaroon ng malawakang solusyon para sa kapayapaan ng Katimugang Pilipinas.

Sa isang pahayag na inilabas kamakalaw sa pagpupulong ng OIC Peace Committee for Southern Philippines sa Jeddah, Saudi Arabia na nararapat nakasalalay sa anim na sandigan ang comprehensive plan of action tulad ng buong pagpapatupad ng mga napagkasunduan sa ilalim ng Tripoli Agreement noong 1976 at Jakarta Agreement of 1996, ang pagpapatuloy ng papel ng OIC sa peace process, pagsuporta sa negosasyon sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas ang Moro Islamic Liberation Front, activation of coordination efforts sa pagitan ng MNLF at MILF sa pamamagitan ng Bangsamoro Coordination Council, panawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na madaliang lutasin ang judicial position ng MNLF leader na si Nur Misuari at paanyayahan ang OIC member states at relief organizations na pag-isahin ang relief efforts sa mga biktima ng kaguluhan sa Zamboanga at tulungan ang mga naging biktima.

Malubha umano ang situwasyon sa Zambanga at nanganganib na lumala pa. Tanging ang OIC lamang ang makatutugon upang mapanumbalik ang kapayapaan.

Napoles, tuloy sa pagharap sa Senado bukas

UMULAN man o hindi ay tuloy na ang pagharap ni Janet Lim-Napoles, ang sinasabing reyna ng Priority Development Assistance Fund ng mga senador at congresista.

Ani Senate President Franklin Drilon, tuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee bukas. Tatratuhin si Gng. Napoles biulang resource person at sasamahan siya ng mga abogado mula sa Public Attorney's Office. Kahit umano tumanggi si Gng. Napoles sa serbisyo ng mga senior lawyers ng Public Attorney's Office, hindi siya maaaring hindi pumunta sa Senado.

Maaari pa ring tanungin si Gng. Napoles at bahala na siya kung sasagutin ang mga katanungan. Dadalo umano si Senate President Drilon sa pagdinig.

Samantala, sa isang follow-up sa tanggapan ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta, nabatid na humiling ng abogado ang Senado upang tulungan si Gng. Napoles na iniwan ng kanyang high profile na abogadang si Atty. Lorna Kapunan.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>