Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Tsina, nagkaloob ng tatlong payloader trucks sa Philippine Red Cross

(GMT+08:00) 2013-12-02 18:19:37       CRI

TATLONG PAYLOADERS IPINAGKALOOB NG MGA MANGANGALAKAL NA TSINO SA PHILIPPINE RED CROSS.  Nagkakahalaga ng higit sa P 7 milyon ang tatlong payloaders na gagamitin sa paglilinis ng mga lansangan sa Tacloban City.  (Melo M. Acuna)

SINABI ni Chinese Ambassador to the Philippine Ma Keqing na madaling tumugon ang Tsina sa trahedyang tumama sa Pilipinas. Tumawag kaagad sina Pangulong Xi Jinping and Foreign Minister Wang Yi kina Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at Kalihim Albert Del Rosario upang iparating ang pakikiramay sa pinsalang tinamo ng bansa sa paghagupit ni "Haiyan."

Sa isang press conference sa Philippine Red Cross, sinabi ni Ambassador Ma na nagbigay ang Tsina at ang Red Cross Society of China ng tig-isang daang libong dolyar sa pamahalaan at Philippine Red Cross.

Ipinaliwanag ni Chinese Ambassador to the Philippine Ma Keqing na nagpapatuloy ang marubdob na pagkakaibigan ng mga Tsino at mga Pilipino lalo pa't may trahedyang naganap.  Ito ang kanyang mensahe sa pagpupulong nila ni Phil. Red Cross Chairman Richard Gordon sa Maynila kanina.  (Melo M. Acuna)

Mayroon ding P 73 milyon halaga ng mga tolda at kumot at kung susumahin ang salapi at mga kagamitang ipinagkaloob ng Tsina ay aabot na sa higit sa P100 milyon.

Mayroon ding tatlong medical teams na may 200 mga manggagamot mula sa Chinese Red Cross, sa Chinese Ministry of Health and sa Peace Ark na itinalaga sa pinakanasalantang bahagi ng Kabisayaan.

Sa nakalipas na isang linggo, nakapaglingkod na sila sa may 3,500 mga pasyente, 80 ang naospital at dalawang sanggol ang isinilang sa hospital ship. Nakatutok umano ang Chinese media sa nagaganap kaya't batid ng mga mamamayan ng Tsina ang pangangailangan ng mga Pilipino at handa ang kanilang bansang tumulong sa mga nasalanta.

Magtatagal na lamang ng ilang araw ang barko sa Kabisayaan dahilan sa tinaguriang "logistical constraints." Handa ring tumulong at makibahagi ang Tsina sa reconstruction ng napinsalang pook.

Ani Ambassador Ma, nakakaranas din ang Tsina ng matitinding hagupit ng kalikasan sa paglipas ng mga taon. Inihalimbawa niya ang lindol na puminsala sa Sichuan noong 2008. Pinagtulungan ng buong bansa ang reconstruction sa pamamagitan ng tulong ng iba't ibang mga lalawigan. Natapos umano ang reconstruction ng wala pang tatlong taon. Mahalaga ang tulong ng buong bansa at ng mga Tsinong nasa iba't ibang bahagi ng daigdig, dagdag pa ni Ambassador Ma.

Tatlong payloaders ang ipinagkaloob ng mga mangangalakal na Tsino sa Pilipinas sa Philippine Red Cross. Nagkakahalaga ang mga ito ng higit sa P 7 milyon. Ipinaliwanag ni G. Gordon na hiniling niya ang payloaders upang mapabilis ang paglilinis ng mga lansangan.

Philippine Red Cross, independent sa pamahalaang Pilipino

TUMANGGING magbigay ng kanyang pahayag si Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon sa pagkakahirang ni Pangulong Aquino kay dating Senador Panfilo Lacson bilang "Rehabilitation Czar" na mangangasiwa sa pagsasaayos ng mga binagyong pook sa Central Philippines.

Malaya ang Philippine Red Cross sa pamahalaan, dagdag

RED CROSS VOLUNTEERS, NAG-AAYOS NG RELIEF GOODS.  Ito ang larawan ng mga volunteer na nag-aayos ng mga ipamimigay sa biktima ni "Yolanda" sa Central Philippines.  May pagkain at mga kagamitan ang kanilang ipinamamahagi

pa ni Chairman Gordon. Subalit idinagdag niya na umaasa siyang magkakaroon ng sapat na kaalaman at karanasan si G. Lacson upang matugunan ang mga pangangailangan ng napinsalang mga pook. Nakatuon ang Philippine Red Cross sa trahedyang naganap at hindi sa anumang matatamo sa larangan ng politika.

Nagpasalamat din si Chairman Gordon sa iba't ibang mga local government units na tumulong sa mga nasalanta sa abot ng kanilang makakaya. Inihalimbawa niya ang Lalawigan ng Albay at ilang mga pook sa Bicol Region at maging ang Olongapo City.

Target ng Philippine Red Cross na magkaroon ng tahanan ang may 200,000 pamilya at kaya nilang magpabahay sa may 50,000 ngayon. Kailangan lamang ang ligtas na lupain, malinis na titulo at walang anumang napipintong panganib.

Nagpasalamat siya sa pahayag ng pamahalaan na hindi na magkakaroon ng maninirahan sa tabing-dagat. Kung nagawa nga umano sa Pinatubo ang paglilikas ng mga mamamayan, hindi ito nagawa sa Tacloban City at mga kalapit pook.

Nakapamigay na sila ng plastic sheets sa may 100,000 mga pamilya at nangako na ang Tsinan a magpapabahay para sa may 5,000 pamilya. Mayroon umanong apat na ektarya sa Hilongos na maaaring pagtayuan ng pabahay.

Ipinaliwanag pa ni G. Gordon na inalis na sa kanila at sa pamahalaang lokal ang pagbibilang ng mga patay. Tanging pambansang pamahalaan na ang magsasagawa nito. Mayroon silang order para sa 10,000 bodybags. Ipinagunita ni G. Gordon na noong bumaha sa Ormoc ay nakapagdala sila ng 5,000 bodybags. Higit sa 5,000 ang nasawi sa pagbahang naganap noong 1991. Nararapat lamang igalang ng mga nasawi, kunan ng larawan ang mga hindi nakikilala at nakatitiyak siyang sa paggamit ng tatlong payloaders tiyak na may mga matatagpuang mga patay sa iba pang bahagi ng Leyte at Samar.

Ani G. Gordon, kailangan pa ng relief ng mga nilindol sa Bohol. Wala pang rehabilitation na nagaganap. Malaki rin ang pinsala sa Zamboanga City at malawak din ang trahedyang iniwan ni "Yolanda."

Karapatang Pangtao, napakahalaga

ISANG malaking hamon sa buong lipunang Pilipino ang pagpapahalaga sa Karapatang Pangtao. Ito ang pahayag nina Colonel Rhoderick M. Parayno, chief ng Armed of the Philippines Human Rights Office, Karapatan Secretary-General Tinay Palabay at Carlos Conde ng Human Rights Watch sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina.

KARAPATANG PANGTAO, MAHALAGA.  Binigyang pansin ito nina Col. Rhoderick Parayno ng AFP Human Rights Office (pangalawa mula sa kaliwa), Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan (gitna) at Carlos H. Conde ng Human Rights Watch (kanan) sa Tapatan sa Aristocrat kanina.  (Raymond Bandril)

Nagkaisa ang tatlong mga panauhin na unti-unting bumababa ang datos ng paglabag sa Karapatang Pangtao sa nakalipas na ilang taon. Bagaman, nanawagan sina G. Conde at Bb. Palabay na magkaroon na ng closure ang pagkawala ni Jonas Burgos, ang anak ng peryodistang si Jose Burgos, Jr. na dinukot ng mga militar noong 2007.

Sinabi ni Col. Parayno na kahit ang kanyang tanggapan ay umaasang magkakaroon ng wakas ang kontrobersya lalo pa't nasa hukuman na ito.

Sa isyu ng kompensasyon para sa mga biktima ng mga paglabag sa Karapatang Pangtao noong nakalipas na rehimeng Marcos, ipinaliwanag ni Bb. Palabay na hindi mahalaga ang salaping napapaloob sa compensation package kungdi ang mapatunayang nagkaroon ng paglabag sa batas.

Sa panig ni G. Conde, wala ng hihigit pa sa pagwawakas sa impunity ng mga lumalabag sa batas. Aniya, kung mayroong madarakip at maipagsasakdal at maparurusahan, tiyak na maraming mga autoridad ang magdadalawang isip na lumabag sa batas.

Arsobispo ng Palo: maraming karanasang natamo sa bagyong "Yolanda"

MARAMING leksyong natutuhan ang madla sa nakalipas na bagyo. Isa na rito ay ang taimtim na pananampalataya sa Diyos. Sa isang panayam, sinabi ni Arsobispo John Du ng Palo, Leyte na bagama't lubhang napinsala ang kanyang nasasakupan ng bagyong "Yolanda" noong nakalipas na ikawalo ng Nobyembre, makikita pa rin ang taimtim na pananampalataya ng mga mamamayan sapagkat nakikita ito sa kanilang mga ginagawi matapos ang trahedya.

Iisang kumbento ang napagnakawan matapos ang bagyo, ani Arsobispo Du. Ito ay ang kumbento ng mga Benedictine Sisters na nagsilikas. Tanging mga damit ng madre ang naiwan sa kanilang kumbento matapos malimas ng mga magnanakaw.

Ipinatawag ni Arsobispo Giuseppe Pinto, ang Apostolic Nuncio to the Philippines si Arsobispo Du upang mabatid ang tunay na kalagayan ng Arkediyosesis ng Palo. Iniulat ni Arsobispo Du na handang tumulong ang Vatican sa mga pangangailangan ng pook. Bukod sa pagkain, tubig at matitirhan ng mga biktima, hindi magtatagal ay isaayos na ang seminaryo ng Palo. Hindi na muna ipagagawa ni Arsobispo Du ang tahanan ng obispo sapagkat nararapat bigyang prayoridad ang pangangailangan ng mga mamamayan at ng mga seminarista.

Magugunitang nag-orden si Arsobispo Du ng pitong mga pari at deakono sa loob ng napinsalang katedral noong nakalipas na Lunes, ika-25 ng Nobyembre.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>