|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Embahada ng Tsina, nagpahayag hinggil sa pagkakabimbin ng 11 mangingisda
NAKIPAG-USAP ang mga kawani ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas sa Pamahalaang Aquino hinggil sa pagkakadakip at pagkakabimbin sa may 11 mangingisdang Tsino at pagkakasamsam ng kanilang bangkang sinasakyan.
Sa isang pahayag na inilabas ni G. Zhang Hua, tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas, nasasakop ng Tsina ang Nansha islands at ang mga kalapit na karagatan kabilang na ang Banyue Reef.
Ang pagkilos na ito ng Pilipinas ay kinikilala nilang "provocative action" at isang pagtatangkang makagawa ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa. Isa umano itong paglabag sa soberenya ng Tsina at karapatan sa pangingisda.
Nananawagan ang Tsina sa Pilipinas na pawalan ang bangkang pangisda sa pinakamadaling panahon at tiyakin ang kaligtasan ng mga magdaragat sampu ng kanilang ari-arian.
Nagbabala ang Tsina na huwag gagawa ng anumang pagkilos na magpapainit sa situwasyon upang huwag mapinsala ang relasyong namamagitan sa dalawang bansa.
Mahigpit na binabantayan ng panig ng mga Tsino ang nagaganap kasunod ng "provocative act," dagdag pa ni G. Zhang.
Tumanggi naman si Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma na isang pagpapa-init at pagpapalala ng tensyon ang ginawa ng Pilipinas ng dakpin ang mga mangingisdang Tsino.
Sa press briefing sa Malacanang, sinabi niya responsibilidad ng Pilipinas na ipatupad ang mga batas sa pangangalaga sa kalikasan at magpahalaga sa mga karapatan ng bansa sa Exclusive Economic Zone.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |