Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Zamboanga City – Isang taon makalipas ang madugong sagupaan

(GMT+08:00) 2014-09-09 20:57:54       CRI

MAGLILINGKOD PA RIN ANG RED CROSS.  Ito ang sinabi ni Phil. Red. Cross Chairman Richard Gordon matapos ang turn-over ng 140 mga tahanan para sa mga biktima ng pananalakay ng mga tauhan ni Nur Misuari noong ika-9 ng Setyembre, 2013.  May 110,000 katao ang lumikas sa patungo sa evacuation centers sa gitna ng kaguluhan.  (Melo M. Acuna)

KAKAIBANG larawan ang namasdan sa Sitio Paniran, Barangay Sta. Catalina, kaninang umaga samantalang namahagi ang pamahalaan at Philippine Red Cross ng may 140 tahanan para sa mga nasalanta ng isa sa madugong bagi ng kasaysayan ng Lungsod ng Zamboanga.

Kung tutuusi'y maliit na bahagi lamang ito ng aktuwal na bilang ng mga nasalanta sapagkat hanggang ngayo'y mayroon pa ring naninirahan sa isang sports complex sa may tabing dagat ng lungsod.

Sinabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng Philippine Red Cross, na pumasok ang mga kasama ni Nur Misruari sa Zamboanga City sa pagtatangkang itaas ang kanilang bandila sa Zamboanga City Hall sa paniniwalang ang lungsod ay kanilang sa kanilang nasasakupan ayon sa 1996 GRP-MNLF Peace Agreement.

Hindi sila pinayagan ng mga autoridad at nagkaputukan na kaya't ilang mga barangay ang lubhang napinsala sa sunod-sunod na sunog.

Mas madali umanong suriin ang nagaganap ngayon at ang magaganap pa subalit mas mahirap na alamin kung anong mga posibleng maganap. Nararapat umanong matuto ang pamahalaang tugunan ang problemang kinakaharap sa bawat pook, tulad ng Zamboanga.

Kahit umano may salaping nakalaan para sa pabahay, higit na kailangan ang lupang pagtatayuan nito. Mapalad umano ang mga benepisyaryong tumanggap ng tahanan kanina sapagkat nakapagtayo ng 140 housing units.

Mayroon pa umanong 19,000 pamilya ang nangangailangan ng tulong. Kailangan pa rin ng relief at gamot ng mga nasa evacuation centers.

 

MASAYANG TUMANGGAP NG BAGONG TAHANAN.  Para kay Noriam Abubakar, isang 48 balo na may anim na anak, masaya siyang tumanggap ng pabahay.  Problema na lamang niya ay ang pagkakakitaan.  Nagtitinda siya ng isaw at halu-halo sa Zamboanga City.  (Melo M. Acuna)

Para kay Noriam Aradiyanirodin Abubakar, isang balo sa edad na 48 at may anim na anak, nakatutuwang nakatanggap siya ng tahanan kasama ang may 139 na iba pa. Isa siya sa libu-libo kataong nasunugan na nabubuhay sa pagtitinda ng mga isaw-isaw at halu-halo at walang nababatid kung babayaran ba niya at ng kanyang pamilya ang tahanang ibinigay sa kanya.

May sukat na 50 metro kuwadrado ang tahanang bahagi ng row houses, hindi niya maisip kung paano sila magkakasya sapagkat kasama na niya ang dalawa niyang apo.

Isa si Noriam sa walang naulinigan man lamang na magkakaroon ng kaguluhan noong isang taon. Mag-uumaga ng magising na lamang siya at ang kanyang mga anak sa lakas ng putok ng mga baril. Nakalabas sila sa kanilang barangay sa Sta. Catalina mga alas dos na ng hapon sa utos ng kanilang mga opisyal ng barangay.

Sa kanilang paglikas patungo sa kanyang mga kamag-anak sa Barangay Sta. Maria, noong ika-9 ng Setyembre, miminsan silang nakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan noong ika-23 na ng Setyembre.

Hindi umano sila nakalabas sa kanilang kamag-anak sa pangambang dakpin sila ng mga autoridad.

Natatawa na lamang siya na baka hindi sila magkasya sa kanyang bagong tahanan at ang pinakaproblema na lamang ay ang kanilang kabuhayan. Hindi niya mawari kung anong pagkakakitaan niya at ng kanyang mga kapwa nasalanta.

P 20 MILYON LAMANG ANG NAKARATING NA DONASYON SA ZAMBOANGA.  Kailangan pa ng tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Zamboanga, ayon kay Mayor Ma. Isabell "Beng" Climaco sa panayam na ginawa sa Barangay Sta. Catalina, isa sa mga nasalantang barangay sa kanyang lungsod.  (Melo M. Acuna)

Sa panig ni Zamboanga City Mayor Ma. Isabelle Climaco, sa kasagsagan ng putukan at pagkakasunog, umabot sa 110,000 katao ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.

Ani Mayor Climaco, mayroon pang mga 23,000 katao ang naninirahan sa evacuation centers. Nagugunita pa ng punonglungsod na hatinggabi noong ika siyam ng Setyembre ng sumalakay ang mga tauhan ni Nur Misuari sa Barangay Sta. Catalina.

Bukod sa nawalan ng tahanan ang mga mamamayan, nawalan rin ng paaralan ang mga kabataan.

Bagama't alertado pa rin ang mga pulis at militar, tinitiyak ng pamahalaang lungsod na ligtas ang mga mamamayan sa kapahamakan at nangangailangan lamang ng kooperasyon ng mga mamamayan.

Isang malaking hamon para kay Mayor Climaco ang pangangalaga sa mga mamamayang wala pang matitirhan sapagkat hamon rin ang pagpapanatili ng kalinisan sa mga evacuation center, tubig na magagamit ng mga evacuees at kuryente upang mapanatiling ligtas sa kriminalidad.

Idinagdag pa ni Mayor Climaco na hindi na kailangan ng mga mamamayan ang mga pagkain sapagkat desidido ang mga taga-Zamboanga na bumangon mula sa mga abo ng nakalipas na kaguluhan.

Ang kailangan ng mga mamamayan ay oportunidad na makapaghanapbuhay upang magkaroon sila ng kalayaan at maaasahang pagkakakitaan.

Kailangan pa rin ng Zamboanga City ng tulong sapagkat umabot lamang sa P 20 milyon ang mga kontribusyong nakarating sa kanila.

Ang kailangan ngayon ay tulong mula sa labas mula sa emergency patungo sa recovery at rehabilitation. Kailangan na ring magkaroon ng paaralan para sa mga kabataan, dagdag pa ni Mayor Climaco.

Sinabi naman ni dating Chairman Richard Gordon, nararapat magdesisyon kung saan ililipat ang mga nasunugan sa serye ng insidenteng naganap isang taon na ang nakalilipas.

Mahalagang ilipat ang mga mamamayan sa pook na may pagkakakitaan, dignidad at kung saan sila makaliligtas sa kapahamakan. Nakalulungkot makabalita na maraming nasasawi sa loob ng evacuation centers kaysa aktuwal na labanan at tiniyak ni Chairman Gordon na naroroon pa naman sila upang maglingkod.

Mayroong community water tanks at medical stations sa loob ng evacuation centers. Hindi umano nila binibilang ang kanilang ginagawa. Ang pinakamahalaga sa panahong ito ay gawin ang nararapat upang mai-angat ang mga internally displaced persons sa kanilang kiansasadlakan.

Kahit na umano may lupang inilalaan para sa mga nasalanta, may mga evacuees na ayaw nang lumikas sa kanilang kinalalagyan.

Sa pagdalaw ko sa Don Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex, may ilang libo kataong naroon pa rin. Nakapanayam ko si Nina Ibni, isang 45 taong gulang na inang may walong anak. Ang kanyang mister ay isang pedicab driver at dating naninirahan sa Barangay Sta. Barbara.

Hindi niya malilimot ang araw na ito sapagkat napagitna sila sa putukan ng mga MNLF at mga kawal ng pamahalaan. Lumikas sila sa Tetuan Elementary School noong sumiklab ang putukan. Nakarating sila sa sports complex at ilang araw na walang pagkaing mula sa pamahalaan. Takot ang kanilang nadama at ng dumating ang pagkain mula sa Anak Mindanao, isang party list group, nag-agawan ang mga lumikas at ang mahihina at mga bata ang walang natanggap.

Walang liwanag kung kalian makaaalis sina Nina at makararating sa kanilang relokasyon. Hindi na umano sila pinapayagang bumalik pa sa kanilang dating tinitirhan.

Nakapanayam ko rin si Midzfar Sawadjaan na nagkwento ng kanilang karanasan sa sports complex. Karaniwan na umano ang pagkakaroon ng diarrhea ng mga naroroon sapagkat walang sapat na kampanya sa kalinisan. Namatay ang kanyang kamag-anak sa leukemia samantalang nasa evacuation center.

Nahati na ang sports complex sa apat na sona. Sa Zone B, mayroong 434 na pamilya. Tumangging humarap sa kamera ang nangangasiwa sa kampo sapagkat wala silang autorisasyon mula sa namumuno sa buong kampo.

Ang dating tartan track na ginagamit sa mga palaro ay natunaw na. Sira na ang ibang mga pasilidad samantalang nagkaroon na ng mga kubol sa grandstand. Hindi mo na halos makikilala ang sports complex sa pagkakaroon ng mga barong-barong.

Malaking hamon ang hinaharap ng pamahalaang lungsod at ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sapagkat nasimulan nang mabigyan ng tahanan ang may 140 pamilya kanina. Nararapat lamang madaliin ang paghahanap ng paglilipatan sa mga nasalanta sapagkat sa oras na mawalan ng pagtitiwala ang mga mamamayan sa pamahalaan, baka maudyukan na naman ang mga biktima at sumiklab na naman ang gulo sa magandang lungsod ng Zamboanga.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>