|
||||||||
|
||
20150303melo.mp3
|
Walang isusukong MILF sa pamahalaan
WALANG ISUSUKONG MILF SA PAMAHALAAN. Ito ang pinanindigan ni G. Mohagher Iqbal (kaliwa) sa isang panayam sa radyo kaninang umaga. Hindi bahagi ng kasunduan ang pagsusuko ng kanilang tauhan sa pamahalaan. Nararapat lamang na suriin ng madla ang mas malaking larawan at kahalagahan ng Bangsamoro Basic Law na nakabimbin ngayon sa Senado at Kongreso. (File Photo/Melo M. Acuna)
NILIWANAG at pinanindigan ng Moro Islamic Liberation Front na hindi sila magsusuko ng kanilang mga tauhang nasangkot sa sagupaang naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong nakalipas na Enero 25.
Ginawa ni MILF Chief Negotiatior Mohagher Iqbal ang pahayag sa isang panayam sa isang himpilan ng radyo (DZMM) kaninang umaga. Hindi umano bahagi ng kasunduan ang pagsusuko ng mga tauhan nila sa pamahalaan.
Ayon sa negosyador, may namatay sa pulisya, may namatay din sa kanilang hanay at nagtanong pa siya kung bakit ipinipilit ng pamahalaang isuko ang kanilang mga tauhan samantalang hindi ito bahagi ng kasunduan.
Hindi dapat sisihin ang MILF sa pagkasawi ng mga pulis sa sagupaan sapagkat nawalan din sila ng 18 katao. Nanindigan pa si G. Iqbal na wala silang kasalanan sapagkat pumasok ang mga pulis ng walang koordinasyon, armado kaya't nagkaroon ng sagupaan. Nanawagan siya sa mga mamamayan na suriin ang mas malawak at malaking larawan hinggil sa pangangailangan ng pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law.
Ilang mambabatas na ang umatras sa pagsuporta sa panukalang batas. Naunang sinabi ng MILF na kung hindi maipapasa ang panukalang batas, lalong lalala ang kalagayan ng Mindanao.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |