|
||||||||
|
||
Marami pang 'di nakababatid ng detalyes ng HIV
SINABI ni Health Secretary Janet Loreto Garin na bibihira pa sa mga Filipino ang nakababatid ng tama at malawak na detalyes hinggil sa HIV. Itinakda ng bansa na nararapat makabatid ang may 80% ng mga mamamayan subalit wala pang 40% ng mga kalalakihan at transgenders na nakikipagtalik sa kalalakihan at mga babaeng sex workers at mga taong nag-iiniksyon ng droga ang nakaka-alam ng detalyes sa HIV.
Sa isang press briefing, sinabi ni Dr. Garin na kailangang palakasin ang pagtutulungan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Kagawaran ng Edukasyon at mga samahang may mga kasapi sa kanayunan upang makarating ang angkop na impormasyon.
Tumaas ang bilang ng mga taong may HIV mula noong Enero hanggang Oktubre at umabot na sa 6,552 katao may karamdaman. Mas mataas ito ng 37 ulit sa bilang ng mga taong nabatid na may HIV noong 2001 na umabot lamang sa 174.
Ang mayroong HIV sa mga kalalakihan at mga transgender na nakikipagtalik sa lalaki ay tumaas ng sampung ulit sa nakalipas na limang taon. Nalampasan na ng Pilipinas ang threshold ng United Nations na 5%. Mula 1984 hanggang 2009, ang karaniwang dahilan ng pagkalat ng HIV ay pakikipagtalik ng lalaki sa babae. Subalit noong 2010, ang paggamit ng iisang karayom ng mga taong nag-iiniksyon ng droga, unprotected sex sa mga lalaki at mga transgender na nakikipagtalik sa mga lalaki ang nagbago ng larawan ng epidemya sa Pilipinas. Ang pagkakatagpo ng HIV na higit sa 5% ay matatagpuan sa Cebu, Cagayan de Oro, Puerto Princesa, Mandaue, Davao, Quezon City, Paranaque at Makati.
Sa Cebu, umabot na ang prevalence sa 14%.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |