|
||||||||
|
||
Mga deputado
Sa ngalan ng Konseho ng Estado, iuulat ko sa sesyon ang mga gawain ng Pamahalaan, para suriin ninyo, at pakinggan ang palagay ng mga kagawad ng CPPCC.
Part I Pagsasariwa sa mga gawain noong 2016
Noong isang taon, kinaharap ng pag-unlad ng ating bansa ang maraming kahirapan at malalaking hamon sa loob at labas ng bansa. Sa Ika-6 na Sesyon ng ika-18 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), tiniyak ang nukleong katayuan ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng CPC. Ito ay nagpakita ng pundamental na kapakanan ng partido at mga mamamayan. Ito rin ay mayroong mahalaga at pangmatalagang katuturan para maigarantiya ang kasaganaan, at katatagan ng partido at bansa sa mahabang panahon.
Noong isang taon, komprehensibong ipinatupad ang mga pangunahing target sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan. Maganda ang simula ng pagsasagawa ng Ika-13 Panlimahang Taong Plano ng Pagpapaunlad ng Kabuhayan at Lipunan ng Tsina (mula 2016 hanggang 2020).
Nanatiling matatag, at maganda ang takbo ng pambansang kabuhayan. Noong taong 2016, umabot sa 74.4 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng produksyong panloob (GDP). Lumaki ito ng 6.7% kumpara sa taong 2015. Bukod dito, tumaas ng 2% ang Consumer Price Index (CPI), lumaki ng 8.5% ang tubo ng mga bahay-kalakal sa larangan ng industriya, bumaba ng 5% ang bolyum ng konsumo sa enerhiya kada unit GDP. Tumaas din ang kalidad at episyensiya ng pag-unlad ng pambansang kabuhayan.
Naging mas mataas ang paglaki ng hanap-buhay kumpara sa inasahan. Noong isang taon, umabot sa 13.14 milyon ang bilang ng karagdagang trabahador. Naging rekord sa kasaysayan ang bilang ng mga bagong gradywet na nagsimula ng sariling negosyo. Umabot sa 4.02% ang rehistradong unemployment rate sa mga lunsod at bayan. Ito ay pinakamababa kumpara sa mga taong nakalipas.
Malalimang pinasulong ang reporma at pabubukas sa labas. Natamo ang breakthrough sa reporma pagdating sa mahahalagang larangan at masususing yugto. Natamo rin ang progreso sa "supply-side structural reform."
Pinabilis ang pagsasaayos sa estrukturang pangkabuhayan. Gumanap ng pangunahing papel ang konsumo sa pagpapasulong ng paglaki ng kabuhayan. Ang halaga na nilikha ng sektor ng serbisyo ay katumbas ng 51.6% ng GDP. Mabilis na lumaki ang industriya ng haytek at equipment manufacturing. Nanatiling matatag ang industriya ng agrikultura at masagana ang ani ng pagkaing-butil.
Walang humpay na lumakas ang bagong puwersa ng pag-unlad. Malalimang isinagawa ang estratehiya ng pag-unlad sa pamamagitan ng inobasyon. Natamo ang mahahalagang bunga sa sektor ng siyensiya at teknolohiya, na nasa unang puwesto sa buong daigdig. Masigla ang mga mamamayan sa pagsimula ng sariling negosyo at pagsasagawa ng inobasyon. Lumaki ng 24.5% ang bilang ng mga bagong rehistradong bahay-kalakal noong tao.
Naging mas maaasahan ang ambag ng imprastruktura sa pag-unlad. Noong isang taon, naitayo ang mahigit 1900 kilometrong highspeed railway, at mahigit 6700 kilometrong pambansang lasangan. Sinimulan ang konstruksyon ng 21 malaking proyekto ng patubig. Lumaki ng 340 milyon ang bilang ng mga gumagamit ng 4G.
Pinabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan. Lumaki ng 6.3% ang per capita disposable income ng mga mamamayang Tsino. Nabawasan ng 12.4 milyon ang bilang ng mga mahihirap sa kanayunan. Lumaki nang mabilis ang insdustriya ng turismo. Mahigit 120 milyong person-time ang naglakbay sa ibayong dagat.
Matagumpay na itinaguyod ng ating bansa ang Hangzhou G20 Summit para pasulungin ang mga mahalagang bunga sa pangangasiwa sa kabuhayang pandaigdig.
Noong taong 2016, kinaharap natin ang malubhang kalagayang pandaigdig, tulad ng pinakamababang bahagdan ng paglaki ng pandaigdigang kabuhayan at kalakalan nitong 7 taong singkad, masidhing kaligaligan ng pamilihang pandaigdig, at maraming hamong panrehiyon at pandagdig. Samantala, kinaharap din natin ang mga kahirapang panloob na gaya ng mga malubhang isyung estruktural, nakatagong banta, at presyur ng pagbaba ng kabuhayan. Kinaharap natin ang mga malubhang hamon sa katatagang panlipunan. Kaya ang nabanggit na mga bunga sa kabuhayan at lipunan ay nagpapakitang may kakayahan ang mga mamamayang Tsino na mapagtagumpayan ang lahat ng mga kahirapan at problema, at siguradong magiging mas maganda ang kinabukasan ng pag-unlad ng Tsina.
Ang mga sumusunod ay mga pangunahing gawain ng pamahalaan noong taong 2016:
Una, patuloy na pagpapasulong ng inobasyon at pagpapahigpit ng makro-kontrol para panatilihin ang katatagan ng tabko ng kabuhayan sa loob ng makatwirang saklaw.
Ikalawa, pagpapabuti ng "supply-side structural reform."
Ikatlo, lubos na pagpapalalim ng reporma at pagbubukas sa labas para palakasin ang puwersa ng pag-unlad.
Aktibong pinalawak ang pagbubukas sa labas. Pinasulong ang konstruksyon ng "One Belt One Road" Initiative para pahigpitin, kasama ng mga kasangkot na bansa, ang pag-uugnayan ng estratehiya at aktuwal na kooperasyon. Pormal na inilakip ang RMB sa Special Drawing Rights basket ng International Monetary Fund. Isinagawa ang Shenzhen-Hong Kong Stock Connect.
Aktuwal na ginamit ang mahigit 130 bilyong dolyares na pondong dayuhan. Ang bilang na ito ay nasa unang puwesto sa mga umuunlad na bansa.
Ikaapat, pagpapatingkad ng nukleong papel ng inobasyon para makalikha ng bagong enerhiya ng pag-unlad.
Ikalima, pagpapasulong ng maharmonyang pag-unlad ng mga lugar at pagpapabilis sa pagbuo ng mga bagong growth pole at growth belt.
Ika-anim, pagpapahigpit ng pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal at pagpapasulong ng berdeng pag-unlad .
Ikapito, lubos na pangangalaga at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Ikawalo, pagpapasulong ng inobasyon sa mga gawain ng pamahalaan at pagpapanatili ng katatagan at harmonya ng lipunan.
Mga deputado!
Ang mga natamong bunga noong taong nakalipas ay bunga ng tamang pamumuno ng Komite Sentral ng CPC na pinamumunuan ni Xi Jinping. Ito rin ang bunga ng magkakasamang pagpupunyagi ng lahat ng mga mamamayan ng iba't ibang lahi ng Tsina. Sa ngalan ng Konseho ng Estado, ipinapahayag ko ang taos-pusong pasasalamat sa buong sambayanang Tsino, mga demokratikong partido, pansibilyang samahan at tauhan sa iba't ibang sektor. Pinasasalamatan ko ang mga kababayan ng Hong Kong, Taiwan, Macao, at mga overseas Chinese. Salamat din sa pagkatig ng mga pamahalaan ng ibang bansa, pandaigdigang organisasyon at dayuhang kaibigan.
Malinaw nating pinansin ang mga kahirapan at isyu sa proseso ng pag-unlad ng kabuhayan at lipunan. Kailangang palakasin ang puwersang panloob sa paglaki ng kabuhayan; ang overcapacity ay nagiging hamon para sa ilang industriya; kinakaharap ang maraming kahirapan ng ilang bahay-kalakal; lumaki ang agwat sa pag-unlad ng kabuhayan ng iba't ibang lugar; at lumaki ang nakatagong panganib sa kabuhayan at pinansiya. Nanatiling malubha ang kalagayan ng polusyon, lalo na sa ilang lugar. Sa mga larangan na kinabibilangan ng pabahay, edukasyon, kalusugan, pag-asikaso sa matatanda, kaligtasan ng pagkain at medisina, pagbabahaginan ng kita, mayroong ding mga isyung ikinababahala ng mga mamamayan. Naganap ang mga malubhang aksidente sa pagmimina, konstruksyon at transportasyon. Ikinalulungkot ko ang mga ito. Mayroong ding mga problema ang mga gawain ng pamahalaan at madalas na nagaganap ang kaso ng korupsyon. Dapat nating tumpak na kaharapin ang mga hamon, isabalikat ang sariling tungkulin at magkasamang isakatuparan ang mga gawain ng pamahalaan para makatugon sa kahilingan ng kasaysayan at mga mamamayang Tsino.
Part II Pangkalahatang plano sa mga gawain sa taong 2017
Dapat nating komprehensibong pag-aralan ang kalagayan sa loob at labas na bansa, at isagawa ang paghahanda para harapin ang mas masalimuot at malubhang kalagayan. Nananatili pa ring matumal ang pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig, lumalaganap ang trade protectionism at ideya ng anti-globalization, at di-malinaw ang tunguhin ng patakaran ng mga pangunahing ekonomiya. Ang pag-unlad ng ating bansa ay nasa masusing yugto at may mga problema sa takbo ng pambansang kabuhayan. Dapat nating tumpak na pakitunguhan ang mga kahirapan at tibayan ang ating pananalig.
Ang mga pangunahing target ng pag-unlad sa taong 2017 ay mga sumusunod: humigit-kumulang 6.5% na paglaki ng GDP; mga 3% na pagtaas ng CPI; aabot sa 11 milyong bilang ng mga bagong karagdagang trabahador; pagpapanatili sa 4.5% pababa ng unemployment rate; pagpapanatili sa balanseng international payment; pagpapantay ng pagtaas ng kita ng mga mamamayang Tsino at paglaki ng pambansang kabuhayan; pagpapababa ng di-kukulangin sa 3.4% ang konsumo ng eneriya kada unit GDP, at patuloy na pagpapababa sa bolyum ng pagbubuga ng mga pangunahing pollutant.
Upang mainam na isagawa ang mga gawain ng pamahalaan sa taong 2017, dapat igiit ang mga sumusunod na prinsipyo:
Una, paggigiit sa itinakdang estratehiya ng pag-unlad at mga gawain.
Ikalawa, patuloy na pagpapasulong sa "supply-side structural reform."
Ikatlo, eksaktong pagpapalawak ng pangkalahatang pangangailangan at pagpapataas ng episiyensiya ng nasabing mga gawain.
Ikaapat, sa pamamagitan ng inobasyon, pagpapasulong ng pagbabago sa lumang puwersa ng pag-unlad, tungo sa bagong puwersa ng pag-unlad at pagpapabuti ng estrukturang pangkabuhayan.
Ikalima, lubos na paglutas sa mga isyung lubos na pinapansin ng mga mamamayan.
Part III Mga pangunahing misyon sa taong 2017
Una, malalimang pagpapasulong ng gawain sa pagbabawas ng overcapacity, reserba at leveraging, pagpapababa ng gastos at paglutas ng mga problema.
1. Aktuwal at mabisang pagbabawas ng overcapacity. Sa taong 2017, babawasan ng halos 50 milyong tolenada ang output ng bakal at asero at sasarhan ang pasilidad ng produksyon ng 1500 milyong todeladang karbon. Samantala, babawasan din ng 50 milyong kilowatt/hour coal-fire power generation capacity. Ito ay naglalayong pataasin ang episyensiya ng industriya ng coal-fire power at lumikha ng espasyo para sa malinis na enerhiya.
2. Batay sa aktuwal na kalagayan ng mga lunsod, pagsasagawa ng katugong hakbangin para mabawasan ang reserba ng mga pabahay. Sa kasalukuyan, maraming mga di-natitirhang pabahay sa mga katam-taman at maliliit na lunsod na kinakailangang ibenta, at saka dapat suportahan ang pagbili ng pabahay ng mga residenteng lokal at migranteng manggagawa. Dapat ding mapigilan ang ispekulasyon sa real estate at isabalikat ng mga pamahalaang lokal ang pangunahing papel para pabilisin ang konstruksyon at pagpapabuti ng pangmatagalang mekanismo sa pagpapasulong ng matatag at malusog na pag-unlad ng real estate market.
3. Maayos at aktibong pagbabawas ng papel ng leveraging. Ang pangunaing bagay dito ay pagpapababa sa leveraging rate ng mga bahay-kalakal.
4. Pagpapababa sa gastusin ng mga bahay-kalakal sa pamamagitan ng iba't ibang paraan. Dapat itakwil ng mga may kinalamang departamento at organisasyon ang sariling maliit na kapakanan para aktuwal na mapagaan ang pasanin ng mga bahay-kalakal at palakasin ang bentahe ng kompetisyon ng bansa.
5. Lubos at mataimtim na paglutas sa mga problema sa lipunan at kabuhayan. Pabilisin ang pagpapalakas sa kakayahan ng pagpapasulong ng serbisyong pampubliko, imprastruktura, inobasyon, at kapaligiran. Ang mahihirap na lugar at populasyon ang pinakamalaking sagabal sa komprehensibong pagtatayo ng may-kaginhawang lipunan. Dapat isagawa ang katugong hakbangin para mapawi ang mga kahirapan. Sa taong 2017, babawasan ng mahigit 10 milyon ang bilang ng mahihirap na populasyon sa kanayunan at palalakihin ng mahigit 30% ang pondo ng pamahalaang sentral para sa pagpapahupa ng kahirapan.
Ikalawa, pagpapalalim ng reporma sa mga mahalagang larangan at masusing yugto.
Patuloy na pagpapasulong sa pagbabago ng tungkulin ng pamahalaan.
Patuloy na pagpapasulong ng reporma sa sistemang piskal at buwis.
Pagpapabuti ng reporma sa sistemang pinansiyal.
Pabibilisin ang reporma sa mga bahay-kalakal at pondong ari ng estado.
Ibayo pang palalakasin ang kasiglahan ng non-public ownership economy.
Pabubutihin ang sistema ng pangangalaga sa iba't ibang uri ng karapatan ng pagmamay-ari.
Puspusang pasusulungin ang reporma sa sistemang panlipunan.
Palalalimin ang reporma sa pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal.
Ikatlo, dapat ibayo pang galugarin ang nakatagong lakas ng pangangailangang panloob o domestic demand.
Pasusulungin ang matatag na paglaki ng konsumo. Para rito, dapat pabilisin ang pagpapasulong sa konsumo ng mga serbisyo, daragdagan ang konsumo ng mga produktong may mataas na kalidad, at palalakasin ang pagsasaayos at pag-iistandardisa ng pamilihan.
Aktibong palalawakin ang epektibong pamumuhunan, at papatnubayan ang pagpasok ng mas maraming pondo sa pagpapabuti ng mga mahinang sektor, pagsasaayos ng estruktura, pagpapasulong sa inobasyon, at pagbibigay ng ginhawa sa pamumuhay ng mga mamamayan. Sa taong ito, ilalaan ang 800 bilyong yuan RMB sa konstruksyon ng mga daambakal, at 1.8 trilyong yuan sa mga proyekto ng lansangan at transportasyong pantubig. Pasisimulan ang 15 malaking proyekto ng patubig, at patuloy na isasagawa ang mga malaking proyekto ng rail transit, abiyasyong sibil, imprastruktura ng telekomunikasyon, at iba pa. Kasabay nito, ipapatupad at pabubutihin ang mga patakaran at hakbangin hinggil sa pagpapasulong ng pamumuhunan mula sa pribadong sektor.
Pabubutihin din ang pangkalahatang pagpaplano sa rehiyonal na pag-unlad.
Buong sikap na pasusulungin ang modernong urbanisasyon.
Ikaapat, dapat pasulungin ang pagbabago at pag-a-upgrade ng real economy, sa pamamagitan ng inobasyon. Ang real economy ay pundasyon ng pag-unlad ng Tsina, at ang pinakamahalagang tungkulin sa kasalukuyan ay pagpapabilis ng pagbabago at pag-a-upgrade nito.
Palalakasin ang kakayahan sa inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya.
Pabibilisin ang pagpapaunlad ng mga bagong-sibol na industriya, na gaya ng bagong materyal, artipisyal na talino, integrated circuit, bio-pharmaceuticals, ika-5 henerasyon ng mobile telecommunication, at iba pa. Pasusulungin ang sharing economy, patataasin ang episensiya ng paggamit sa mga yamang-lipunan, idudulot ang mas maraming ginhawa sa pamumuhay ng mga mamamayan, ibayo pang pabubutihin ang pagkakaroon ng akses sa Internet.
Pasusulungin ang pagbabago at pag-a-upgrade ng mga tradisyonal na industriya, sa pamamagitan ng pagpapa-unlad ng smart manufacturing. Puspusang pauunlarin ang modernong industriya ng manupaktura, at patataasin ang antas ng industriya ng manupaktura ng Tsina.
Patuloy na hihimukin ang mga mamamayan sa pagbubukas ng negosyo, at pagsasagawa ng inobasyon.
Komprehensibong patataasin ang kalidad ng mga produkto at serbisyo. Itataguyod ang diwa ng kahusayan. Huhubugin ang mas maraming talentong manggagawa, at pauunlarin ang pagdami ng mga kilalang "Tatak Tsina" sa daigdig. Ang kalidad ang magiging tampok sa pag-unlad ng kabuhayang Tsino.
Ikalima, dapat igarantiya ang matatag na pag-unlad ng agrikultura, at tuluy-tuloy na paglaki ng kita ng mga magsasaka.
Pasusulungin ang pagsasaayos ng estruktura ng agrikultura. Palalakasin ang pagpapaunlad ng modernong agrikultura. Palalalimin ang mga reporma sa kanayunan. At palalakasin ang konstruksyon ng mga pasilidad na pampubliko sa kanayunan.
Ikaanim, dapat aktibo at may-inisyatibang palawakin ang pagbubukas sa labas.
Puspusang pasusulungin ang inisyatiba ng "Silk Road Economic Belt" at "21st Century Maritime Silk Road," sa pamamamagitan ng magkakasamang pagsasanggunian, pagtatatag at pagbabahaginan ng lahat ng mga may kinalamang panig. Palalalimin ang pandaigdig na kooperasyon sa kapasidad sa pagpoprodyus. Palalakasin ang pandaigdig na kooperasyon sa edukasyon, kultura, turismo, at iba pa. At buong husay na idaraos ang summit forum hinggil sa pandaigdig na kooperasyon sa "Belt and Road" Initiative para maisakatuparan ang komong kaunlaran. Ipagpapatuloy ang matatag at mabuting tunguhin ng kalakalang pandaigdig, at puspusang pabubutihin ang kapaligiran ng pamumuhunang dayuhan.
Pasusulungin ang kalayaan at kaginhawahan sa pandaigdig na kalakalan at pamumuhunan. Ang globalisasyong pangkabuhayan ay angkop sa saligang interes ng iba't ibang bansa ng daigdig. Buong tatag na pasusulungin ng Tsina ang pandaigdig na kooperasyong pangkabuhayan, pangangalagaan ang multilateral na sistemang pangkalakalan, at aktibong lalahukan ang mga talastasan hinggil sa multilateral na kalakalan. Umaasa ang Tsina, na komprehensibong ipapatupad ang protokol hinggil sa upgraded China-ASEAN Free Trade Area, tatapusin sa lalong madaling panahon ang talastasan hinggil sa Regional Economic Cooperation Partnership, at pasusulungin ang pagtatatag ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Asya-Pasipiko. Patuloy ding tatalakayin ng Tsina, kasama ng mga may kinalamang rehiyon at bansa, ang hinggil sa mga kasunduan sa pamumuhunan at kalakalan.
Ikapito, dapat palakasin ang pangangalaga at pangangasiwa sa kapaligirang ekolohikal.
Pag-iibayuhin ang pagsisikap para sa malinis na hangin. Sa taong ito, dapat magkahiwalay na pababain ng 3% ang emisyon ng sulphur dioxide at nitrogen oxides, at pababain ang indeks ng Particulate Matter (PM2.5) sa mga pangunahing rehiyon. Para rito, dapat bawasan ang polusyong sanhi ng paggamit ng karbon, komprehensibong supilin ang mga pinaggagalingan ng mga polutant, palakasin ang pangangasiwa sa emisyon mula sa mga tambutso ng sasakyan, at mabisang harapin ang panahong may grabeng polusyon. Dapat ding pahigpitin ang pagpapatupad ng batas at pag-iimbestiga sa mga aksyong nakakapinsala sa kapaligiran.
Palalakasin ang pangangasiwa sa polusyon sa tubig at lupa. Sa taong ito, dapat magkahiwalay na pababain ng 2% ang Chemical Oxygen Demand (COD) at emisyon ng ammonia nitrogen. Bibigyang-priyoridad ang paglaban sa polusyon sa ilang pangunahing katubigan, at pagpigil sa mga polutant na dulot ng agrikultura. Pasusulungin din ang pangangalaga at pagpapaunlad ng ekolohiya.
Ikawalo, dapat pasulungin ang mga usaping panlipunan, na priyoridad ang paggarantiya at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Puspusang pasusulungin ang paghahanapbuhay at pagsisimula ng negosyo. Sa taong ito, aabot sa 7.95 milyon ang bilang ng mga college graduate, at ito ay bagong record high sa kasaysayan. Dapat pabutihin ang mga tsanel ng paghahanapbuhay at pagbubukas ng negosyo para sa kanila.
Pasusulungin ang pantay-pantay at de-kalidad na edukasyon. Palalakasin ang mga usaping may-kinalaman sa kalusugan ng mga mamamayan. Pabubutihin ang social security network. Pauunlarin ang usapin at industriya ng kultura. At pasusulungin ang inobasyon sa pangangasiwa sa lipunan.
Ikasiyam, dapat palakasin ang pangangasiwa ng pamahalaan. Dapat pabilisin ang pagpapabuti ng mga pungsyon ng pamahalaan, at pataasin ang episiyensiya ng pangangasiwa, para mas mabuting paglingkuran ang mga mamamayan.
Igigiit ang pangangasiwa, alinsunod sa batas. Igigiit ang malinis na pagpapalakad ng gobyerno at pahihigpitin ang paglaban sa korupsyon.
Dapat ipakita ng mga opisyal at kawani ng iba't ibang departamento ng pamahalaan ang kasipagan sa trabaho, at buong sikap na isabalikat ang sariling responsibilidad.
Mga deputado,
Sa harap ng pagbabago sa pulitika at kabuhayan ng daigdig, palagiang pangangalagaan ng Tsina ang kapayapaan at katatagan, at itataguyod ang pagkakapantay-pantay at katarungan. Magbibigay ang Tsina ng ambag sa kapayapaan, kaunlaran, at kaayusan ng daigdig. Buong tatag na igigiit ng Tsina ang mapayapang pag-unlad. Igagarantiya ang pagiging awtorisado at epektibo ng sistemang multilateral. Patuloy na tututulan ang iba't ibang porma ng proteksyonismo. Malalimang lalahok sa pangangasiwang pandaigdig. Pasusulungin ang pagiging inklusibo, makatarungan, at makatwiran ng globalisasyong pangkabuhayan. Umaasa rin ang Tsina, na mabubuo ang relasyong may pangkalahatang katatagan at balanseng pag-unlad sa pagitan ng mga malaking bansa. Bubuuin ang relasyong may pagtitiwalaan at komong pag-unlad sa pagitan ng mga kapitbansa. Patataasin ng Tsina ang lebel ng pakikipagkooperasyon sa iba pang umuunlad na bansa. Aktibong ihaharap ang mga konstruktibong plano para sa paglutas ng mga mainit na isyung panrehiyon at pandaigdig. Palalakasin ang kakakayan sa pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga mamamayang Tsino sa ibayong dagat. Nakahanda ang Tsina, kasama ng komunidad ng daigdig, na buuin ang bagong relasyong pandaigdig na may nukleong kooperasyon at win-win situation, at magbigay ng bagong ambag sa paglikha ng komunidad ng komong kapalaran ng sangkatauhan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |