|
||||||||
|
||
Ang Tsina ay talagang kilala para sa kanyang mayamang kultura hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo, ngunit nakakagulat talaga kung gaano pinepreserba at pinapahalagahan ng mga Tsino ang kanilang mga tradisyon at kultura.
Wuhou Shrine
Isa sa mga magandang halimbawa niyan ay ang Chengdu Wuhou Shrine sa Wuhou Ci, Sichuan.
Ang Wuhou Shrine ay itinayo bilang pag-alala kina Liu Bei, na naging emperador ng kaharian ng Shu, at Zhuge Liang, na punong ministro ng parehong kaharian noong panahon ng tatlong kaharian. Ang shrine na ito ay may 47 na istatwa, kasama na ang kay Liu Bei, Zhuge Liang, at iba pang opisyales noong panahon na iyon.
Makikita rin sa nasabing shrine ang mga tableta na isinulat para kina Liu Bei kung saan dinedetalye ang kanilang pagkatao at ang kanilang mga nagawa nung sila ay nabubuhay pa.
Makikita kung gaano ang pagpapahalaga ng mga taga-Chengdu sa kanilang kasaysayan sapagkat inalagaan nang maayos ang mga tableta at ang libingan ni Liu Bei na ilang daang taon na rin ang tanda ay hindi pinapayagang pasukin ng ibang tao.
Isang nakakatuwang adisyon pa riyan ay paglabas mo sa templo ay madadaanan mo ang Jinli Ancient Street na idisensyo base sa istilo noong panahon ng Qing Dynasty. Sa kalye na ito ay may mga kainan, inuman, at mga tindahan ng souvenir.
Bukod din sa Jinli Ancient Street ay napreserba din ng lokal na pamahalaan ng Chengdu ang Kuan Zhai Alley, na isa na lamang sa tatlong lumang kalye na napreserba sa Chengdu.
Ngunit sa Kuan Zhai Alley, na kilala rin sa pangalang China Lane, ay makikita na kahit napreserba ang itsura o ang ayos ng mga istruktura doon ay bukas na rin ito sa ideyang galing sa ibang bansa, katulad ng mga cafe at kainang may impluwensya mula sa kanluran.
Sichuan Opera
Bagamat ganoon, nakakahanga na hindi nakakalimutan ng mga taga-Chengdu ang mga dapat nilang pangalagaan, katulad ng sinaunang klase ng Sichuan opera at face changing na tinatanghal pa rin doon.
Personal kong nasaksihan ang limang pagtatanghal ng mga sinaunang klase ng Sichuan opera at face changing noong isang araw at kahit noon lamang ako nakapanood ng ganoong klase ng pagtatanghal ay talagang natuwa ako at namangha.
Sichuan Opera
Ang mga nagtanghal ay nakasuot ng mga damit noong sinaunang Tsina at may pinta ang kanilang mga mukha ng puti na pinatungan ng makukulay pang pinta.
Ngunit ang pinakatumatak talaga at nagpahanga sa akin ay ang face changing kung saan mabilis na nagpapalit ng maskara nang paulit-ulit ang isang babae at isang lalaki habang may mabilis na kantang tumutugtog sa kanilang likuran. Samantala, may mga pagtatanghal ding nakatuon sa komedya, drama, sayaw, at tugtog.
face changing
Pero makikita na ang bawat isang pagtatanghal ay pinagtuunan ng pansin at itinanghal hanggang sa pinakamaliit na detalye.
At base sa aking obserbasyon sa tipo ng pag-aalaga ng mga Tsino sa ganitong klase ng mga tradisyon, sigurado ako na mapepreserba ng ilang libo pang taon di lamang ang kultura ng Chengdu, kundi ng buong Tsina.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |