|
||||||||
|
||
Sa totoo lamang, noong una kong makita ang Suzhou, matagal kong inisip kung bakit kilala rin ito bilang isang atraksyon para sa mga turista kumpara sa Beijing, Chengdu, at Nanjing. At nasagot rin kaagad ang aking tanong noong maranasan kong daanan ang Ping Jiang Road, Shang Tang Canal, at Tongli sa nasabing lungsod.
Ang mga musikero sa Shan Tang Canal
Ang Piang Jiang Road ay may lima hanggang anim na metro ang lawak at may mahigit sa isang libong metro ang haba, kung saan itinayo ang Kunqu Museum, na naglalayong magbigay ng impormasyon sa publiko tungkol sa isa sa mga pinakamatatandang uri ng opera sa Tsina.
Mayroon ding daluyan ng tubig sa gilid ng Piang Jiang Road, kung saan dumadaan ang mga bangka na umiikot sa siyudad upang ipakita ang mga napreserbang lumang kabahayaan at mga istruktura sa Suzhou.
Ang lagusan ng tubig sa Shan Tang Canal
Ngunit personal ko lamang nasaksihan ang kagandahan ng siyudad noong sumakay ako sa isang bangka na umikot sa Shang Tang Canal na isa sa mga pinakaglamorosang daanang tubig sa Suzhou na ginawa ng mga dalawang libo't limang daan taon na ang nakakaraan.
Napakaganda talagang masaksihan ang ganda ng Suzhou sa gabi habang sakay ng isang bangka kung saan hinaharana ka ng lumang kanta at tugtog ng lumang instrumento.
Ang ruta rin ng mga bangkang dumadaan sa Shang Tang Canal, pati ang mga tulay at mga kainang madadaanan, ay pinaganda sa pamamagitan ng mga makukulay na ilaw na napakagandang makita sa gabi.
Sakay ng isang bangka sa Tongli
Bukod sa Shang Tang Canal, naikot ko rin ang isang parte ng Suzhou sakay ng isang bangka na dumadaan sa daluyan ng tubig sa may Tongli, kung saan naman nakatayo ang Retreat and Recreational Garden.
Ang pagkakaiba ng pagbagtas namin sa ruta na ito ay mas maliit ang sinakyan naming bangka at sa araw kami nag-ikot. Ang maganda lang ay dahil bukas ang mga bangka sa ruta na ito kaya't mas makikita mo ang mga lugar at taong madadaanan mo.
Ang ruta ng daluyan ng tubig sa Tongli
Bukod sa makalumang tanawin, haharanahin ka rin ng babaeng nagpapandar ng bangka at may masasaksihan mo rin ilang mga maiigsing deminstrasyon, katulad ang makalumang paghuli ng isda gamt ang mga ibon.
At kahit ang tubig sa mga daluyan sa Suzhou ay kulay berde na at hindi na ganoong kalinis tulad noong unang panahon, nakakakalma at nakakamangha pa rin masulyapan ang sinaunang siyudad.
Ang demonstrasyon kung paano manghuli ng isda ang mga Tsino noong unang panahon
Ani nga ng tour guide namin, kahit nag-iisa lang ang Venice, nag-iisa lang din ang Suzhou sa mundo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |