|
||||||||
|
||
Tulad din naman ng Spring Festival ng Tsina, ang Pasko sa Pilipinas ay ipinagdiriwang nang kasama ang mga mahal sa buhay, kaya para roon sa mga nangingibang-bansa na tulad ko, ang Pasko na wala sa piling ng pamilya ay hindi kumpleto.
Marami akong naikukuwento hinggil sa buhay ko rito sa Tsina pero wala akong masabi kung ang Pasko ko rito ang pag-uusapan. Unang-una, pinalilipas ko ang Pasko ko rito nang nag-iisa at kadalasan sa bahay. Ang Pasko rito sa Tsina ay hindi isang traditional holiday, kaya abala ang lahat—kasama na ako-- sa kani-kanilang trabaho. Pagkatapos naman ng trabaho, nagpupunta ako sa pinakamalapit na katedral para makinig ng Midnight Mass. Pagkatapos ng Misa, umuuwi rin ako kaagad para tumawag sa Pilipinas at batiin at kumustahin ang mga kamag-anak. Siyempre, iba pa rin ang feeling kung kasama mo ang iyong pamilya sa pagdiriwang ng Pasko. Hindi ito maaring halinhan ng mga tawag sa telepono kahit ilang ulit ka pang tumawag o gaano kahaba ang inyong pag-uusap.
Siguro, ang masasabi ko lang na memorable Christmas ko rito sa Tsina ay iyong kauna-unahang Pasko ko at iyon ay noong 1991. Naisipan kong mag-hotel hopping at sa isang hotel na napuntahan ko, nakilala ko ang apat na kabataang Hapones na pawang mahihilig sa musika. Pinalipas namin ang buong magdamag sa pagkukuwentuhan at pagpapalitan ng ideya hinggil sa mga instrumentong musikal, sounds, compositions at iba pang bagay na may kinalaman sa musika. Bago kami naghiwa-hiwalay, napagkaisahan naming bumuo ng music group na tinawag naming "For Others" band. Salamat naman, ang pagsama-sama ko sa kanila ay nagsilbing therapy ko laban sa homesickness.
Natutuwa ako na, kasabay ng pagbabago ng Tsina, nagbago rin ang attitude ng karamihan sa Pasko. Noong dumating ako noong early 1990's, hindi ko gaanong ma-feel ang Christmas atmosphere dahil bihirang-bihira ang Christmas displays. Pero, kalaunan, lalo na sa mga hotel at business establishment, nagsimula na akong makakita ng Santa Claus, Christmas trees, foam sa mga eskaparate, Christmas balls, Christmas lights at iba pang Christmas symbols. Nagdaraos na rin ang mga hotel ng seremonya para sa opisyal na pagsisimula ng Christmas season. Nakakatanggap na rin ako ng Christmas cards at Christmas greetings mula sa mga kaibigang Chinese. Sa madaling sabi, nagsimula na ring maramdaman ang papalapit na Araw ng Pasko.
Sa pangkalahatan, malayo man ako sa aking pamilya, masaya na rin ako sa Pasko ko dito sa Tsina.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |