Salamat sa magkakasamang pagsisikap ng Tsina, 10 bansang Asean at Asean Secretariat, maayos na ang paghahanda para sa ika-2 CAEXPO. May 3300 exhibition booths ang ekspo na dumami ng 32% kumpara doon sa kauna-unahan. Kabilang dito, 726 exhibition booths ang naaplayan ng mga bansang Asean. 2250 mangangalakal mula sa loob at labas ng Tsina ang nagpatala para lumahok sa idaraos na ekspo.
Bilang isang ekspo na may temang pagpapasulong ng pagtatatag ng CAFTA, China-Asean Free Trade Area, magbibigay ito ng mas maraming pansin sa episyensiyang pangkalakalan para mapasulong ang pagtatatag ng CAFTA. Ito ang pinakamahalagang katangian ng ika-2 CAEXPO. Kaugnay nito, sinabi ni Zheng Junjian, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng CAEXPO Secretariat, na:
"Sa pamamagitan ng pagdaraos ng ika-2 CAEXPO, ibayo pang mapapahigpit ang pagtutulungang pangkalakalan ng Tsina't Asean sa mga produkto na malaki ang potensyal at malaki ang bolyum. Sa gayon, mapapasulong ang pagtatatag ng CAFTA."
Upang mapataas ang episyensiyang pangkalakalan ng ikalawang ekspo, ang CAEXPO Secretariat ay nagpadala ng imbitasyon sa mga bahay-kalakal na Tsino para irekomenda ang kanilang mga counterpart na Asean at sa gayon, mas maraming pagkakataong komersyal ang matuklasan ng mga kalahok na bahay-kalakal mula sa Asean.
Kaugnay ng ikalawang katangian ng gaganaping ekspo, isinalaysay ni Zheng na:
"Ang ikalawang CAEXPO ay lalo pang makakatugon sa mga praktikal na kahilingan ng Tsina't Asean sa kanilang pagpapalitang pangkalakalan."
Halimbawa, kumpara sa 11 uri noong unang CAEXPO, nabawasan na sa limang uri ang mga itatanghal na produkto na kinabibilangan ng machinery and equipment, electronics and home appliances, pagkain at produktong agrikultural, hardware and construction materials, sasakyang de motor at mga piyesa.
Upang mapasulong ang pagpapalitan sa pagitan ng mga lunsod ng mga kalahok na bansa, may aktibidad na tinaguriang "Kaakit-akit na Lunsod" ang gaganaping ekspo at ito ang ikatlong katangian nito. Kaugany nito, isinalaysay ni Zheng na:
"Ang mga napiling lunsod ay Beijing ng Tsina, Seri Begawan ng Brunei, Siem Reap ng Kambodia, Jakarta ng Indonesiya, Luang Prabang ng Laos, Putrajaya ng Malasiya, Mandalay ng Myanmar, Cebu ng Pilipinas, City of Singapore ng Singapore, Chiang Mai ng Thailand at Hanoi ng Byetnam. Ang aktibidad na ito ay ibayo pang magpapalawak ng impluwensiya ng CAEXPO sa mga bansang Asean."
Ang ika-apat na katangian ng gaganaping CAEXPO ay ang ibayong pagpapabuti ng serbisyo. Halimbawa, 15 bagong otel na ang naitayo. Nabalangkas na rin ng mga may kinalamang departamento na tulad ng transportasyon, pagkain at seguridad, ang mga emergency plan. Magsasagawa rin ang mga adwana ng paborableng hakbangin para mapadali ang pagpasok sa Tsina ng mga kalahok na tauhan at mga itatanghal na produkto. Sa pananatili ng gaganaping ekspo, mayroon ding charter flight mula sa mga pangunahing lunsod ng Asean na tulad ng City of Singapore, Kuala Lumpur at Bangkok hanggang sa Nanning, kapital na lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Zhuang Nationality ng Guangxi.
Sa ikalawang CAEXPO, idaraos din ang makukulay na aktibidad na pangkultura na tulad ng Nanning International Festival of Arts and Folk Songs, evening entertainment na tinaguriang "Splendid Southeast Asia 2005: Gathering in Nanning" kung saan itatanghal ang pambansang hiyas ng Brunei at kopya ng queen's palace ng Kambodya.
|