Kasalukuyang idinaraos sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Lahing Zhuang ang ika-2 China-ASEAN Expo. Ang ekspong ito ay isang eksibisyon na ang mga pangunahing nilalaman ay kalakalan ng paninda, pamumuhunan't pagtutulungan, kalakalan ng serbisyo, porum sa mataas na antas at pagpapalitang pangkultura. Sa kasalukuyang ekspo, magroong 3500 may-pamantayang-pandaigdig na exhibition booths at mas marami ito ng 1000 kung ihahambing sa kauna-unahang ekspo. Kumpara sa kauna-unahan, mayroon ding mga namumukod na progreso ang gawain ng pagtatanghal ng kasalukuyang ekspo.
Kahapon, unang araw ng pagbubukas ng ekspo, sa paanyaya ng panig Tsino, bumisita sa mga exhibition booth ang delegasyong Pilipino na pinamumunuan ng puno nitong si pangalawang kalihim ng kalakalan at industriya Zorayda Amelia Alonzo kasama ng embahador ng Pilipinas sa Tsina Willy Gaa. Sa panahon ng pagbisita, maraming beses na pinapurihan nina Alonzo ang ekspo.
Kasama ni Xu Wenyan, pangalawang puno ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi, bumisita sina Alonzo sa exhibition booth ng mga bahay-kalakal na Tsino at dayuhan. Sa harapan ng exhibition booth ng Bank of China, tumigil si Alonzo at sinabi niya sa mamamahayag na ang paglawak ng saklaw ng kasalukuyang ekspo ay ipinapakita ng paglaki ng bilang ng mga eksibitor.
Kaugnay ng kalagayan ng paglahok ng mga kompanyang Pilipino sa ekspo, sinabi ni Alonzo na dahil sa matagumpay na pagdaraos ng kauna-unahang ekspo, mas maraming eksibitor na Pilipino ang naakit sa kasalukuyang ekspo.
Ang paglaki ng bilang ng mga eksibitor sa kasalukuyang ekspo ay, pangunahin na, dahil sa pagdaragdag ng exhibition booth at pagpapalakas ng pagiging propesyonal ng ekspo. Napag-alamang ang mga eksibit sa kasalukuyang ekspo ay limang uri ng mga panindang popular sa kalakalan ng Tsina at mga bansang ASEAN. Kabilang dito, pinakamalaki ang bilang ng makinarya at kasunod nito ay mga handicrafts at produktong agrikultural. Para sa Pilipinas na ang mga pangunahing iniluluwas na produkto ay mga handicrafts at produktong agrikultural, ito ay isang mainam na pagkakataon para sa pagtatanghal at pagpapalitan.
Ang isa pang katangian ng kasalukuyang ekspo ay pagtatanghal ng mga "Kaakit-akit na Lunsod". Sa main hall ng exhibition center, inilagay ang anim na haligi kung saan itinatanghal ang larawan ng 11 kaakit-akit na lunsod ng Tsina at sampung bansang ASEAN na kinabibilangan ng Beijing ng Tsina, Seri Begawan ng Brunei, Siem Reap ng Kambodia, Jakarta ng Indonesiya, Luang Prabang ng Laos, Putrajaya ng Malasiya, Mandalay ng Myanmar, Cebu ng Pilipinas, City of Singapore ng Singapore, Chiang Mai ng Thailand at Hanoi ng Byetnam. Sa exhibition booth ng Lunsod ng Beijing na pinagtatanghalan ng mga tradisyonal na handicrafts, naakit si Alonzo ng mga facial make-up ng Peking Opera na inilalarawan ng isang matandang handicraftsman. Pinanood ni Alonzo ang proseso ng paglalarawan ng facial make-up at bumili siya ng isa. Sinabi niya sa mamamahayag na ipapadala niya ito sa Pilipinas.
Sa exhibition booth ng Lunsod ng Cebu, natuwa si Alonzo at isinalaysay niya mismo sa mga bisita ang water therapy at mga produktong agrikultural ng Cebu. Espesyal niyang binanggit ang mangga ng Pilipinas at sinabi niya sa mga bisita na masarap na masarap ang mga mangga ng kanyang bansa. Tinuruan din niya ang mga bisita na magsalita sa Pilipino at winelkam niya ang lahat na maglakbay sa Cebu.
Nang makitang ikinasisiya nang labis ng mga panauhing Pilipino ang kanilang pagbisita, natutuwa rin si pangalawang puno Xu Wenyan. Sinabi niyang,
"Nananalig kami na sa pamamagitan ng pagsisikap ng Tsina at sampung bansang ASEAN, lubos na magtatagumpay ang kasalukuyang ekspo."
|