Bilang isang mahalagang aktibidad ng ika-2 China-ASEAN Expo o CAEXPO, idinaos noong Huwebes ng nagdaang linggo sa Nanning International Exhibition Center ang promotion conference hinggil sa patakaran at kapaligiran ng pamumuhunan ng Pilipinas. Lumahok sa komperensiya ang mga opisyal at personahe ng sirkulong industriyal ng Tsina at Pilipinas at mga mamamahayag mula sa loob at labas ng bansa. Pagkatapos ng talumpating panalubong ni Lin Can, pangalawang tagapangulo ng pirmihang lupon ng Kongresong Bayan ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Lahing Zhuang, bumigkas din ng mga talumpati sina Willy Gaa, embahador ng Pilipinas sa Tsina, John Tan, executive director ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. at Zorayda Amelia Alonzo, pangalawang kalihim ng kalakalan at industriya ng Pilipinas at inanyayahan nila ang mga bahay-kalakal ng iba't ibang bansa na mamuhunan sa Pilipinas.
Sa kanyang talumpati, inilahad ni John Tan ang kapaligiran ng pamumuhunan ng Pilipinas. Sinabi niya na mainam ang kapaligiran ng pamumuhunan ng Pilipinas at iginagarantiya ng Pilipinas ang kapakanan ng mga negosyante ng iba't ibang bansa. Anya, nakapagtayo ang mga bantog na kompanyang transnasyonal ng kanilang sangay sa Pilipinas at wala ring problema ang pag-unlad ng mga negosyanteng Tsino. Kaya, umaasa anya siyang makakapamuhunan ang mas maraming bahay-kalakal ng Tsina at mga iba pang bansa sa Pilipinas.
Nitong 30 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas, umunlad nang malaki ang relasyong pangkaibigan at kooperasyong pangkabuhayan't pangkalakalan ng dalawang bansa. Sa kanya namang talumpati, binigyan ni embahador Willy Gaa ng mataas na pagtasa ang mga natamong tagumpay ng dalawang bansa nitong 30 taong nakalipas. Sinabi niya na sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Tsina, tumibay nang walang katulad sa nakaraan ang relasyon at kooperasyong pangkabuhayan ng dalawang bansa. Sa balangkas ng "10 plus 1", napakahigpit ng relasyon ng dalawang bansa at napakabilis ng pag-unlad ng kanilang kalakalan. Nitong 30 taong nakalipas, lumaki ng mahigit 200 ulit ang halaga ng bilateral na kalakalan ng dalawang bansa at mula noong 2000, napapanatili nila ang 7% hanggang 8% bahagdan ng paglaki bawat taon. Noong isang taon, ang Tsina ay ika-4 na pinakamalaking trade partner ng Pilipinas at sa kasalukuyang taon, ito ay ika-3 na at sa hinaharap, tiyak na tataas pa ito. Ipinahayag din ni embahador Gaa na lubos na optimistiko ang kanyang pamahalaan sa prospek ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Pilipinas at Tsina.
Sa kasalukuyang CAEXPO, nagtatanghal ang mga negosyanteng Pilipino ng mga mineral, produktong agrikultural, produkto ng goma, produktong akuwatiko, piyesa ng sasakyang de-motor, produktong elektroniko at iba pa. Kabilang dito, binigyang-priyoridad ng pamahalaang Pilipino ang publisidad ng industriya ng pagmimina sa Tsina at mga iba pang bansang ASEAN. Sa exhibition center, mainam na isinaayos ang exhibition booth ng industriya ng pagmimina ng Pilipinas at inilagay ang iba't ibang mineral sa mga lugar na madaling makita. Masigasig na inilalahad ng eksibitor sa bawat bisita ang hinggil sa mga mineral.
Sa panahon ng kanyang pagbisita sa exhibition booths, ipinahayag din sa mga mamamahayag ni embahador Gaa ang kanyang pag-asang mapapahigpit ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa industriya ng pagmimina.
Bukod sa mineral, ang produktong agrikultural ng Pilipinas ay isa pang produktong kinagigiliwan sa ekspo. Naakit ang maraming bisita ng natural skin-care product na yari sa coconut oil at mga iba pang deep-processing products ng niyog at iba pang prutas.
|