Ang Budismo ay maraming beses na umunlad at bumagsak sapul nang lumaganap ito sa Tsina noong mga 2000 taon na ang nakaraan.
Ang karamihan sa mga monasteryo't templong Budista ay nabugbog nang husto ng mga pangyayari na tulad ng sunog, lindol at bandalismo nitong nakaraang maraming taon, at nasasaksihan ngayon ang isinagawang pagkukumpuni sa mga ito sa iba't ibang antas. Hindi masasabing naibalik ang karamihan sa mga ito sa orihinal na ayos dahil sa labis na paste.
Samantala, napapanatili naman ng Bao'en Temple sa Bayang Pingwu ang orihinal na halina nito. Ang templo ay isa sa mga pinakamalaki sa lalawigang Sichuan ng timog kanlurang Tsina at isa rin sa mga napangalagaan nang lubos sa bansa.
Ang nasabing templo ay itinayo ng gobernador ng Pingwu at ng kanyang anak sa pagitan ng taong 1440 at 1460 sa panahon ng kapangyarihan ni Emperador Yingzong (1427-1464) sa Dinastiyang Ming (1368-1664).
Nananatili pa ang karamihan sa mga dating gusaling sumusukat ng 278 metro mula silangan pakanluran at 100 metro mula timog pahilaga.
Itinatampok ng "monastic complex" na ito ang mga katangiang arkitektural na gaya ng "glazed tiles" sa bubungan nito na karaniwang nakikita sa mga gusaling imperyal ng hilagang Tsina.
Ang pagkakaayos ng templo ay tipikal na sa karamihan sa mga templong Budista ng Tsina. Ang mga pangunahing bulwagan ay nakatayo sa central axis at ang mas maliliit na bulwagan at subsidiaryong gusali ay sumusunod naman sa transverse axis. Ang mga gusali'y pinag-uugnay ng mga gallery at bumubuo ng isang serye ng rektanggular na courtyard.
Bilang pasasalamat sa emperador sa pagtatayo ng ganito kalawak na saklaw na templo, pinangalanan ito ng mga "constructor" ng "Bao'en", na nangangahulugang "pagkilala ng utang ng loob".
Noong 1956, ipinatalastas ng pamahalaang panlalawigan ng Sichuan na isa na sa mga pinakaimportanteng "cultural spots" sa lalawigang ang Bao'en Temple. Noong 1996, ang templo ay inilakip sa listahan protektado ng estado na relikyang pangkultura.
Bagama't maaring ituring ng isang pangkaraniwang turista na isang mahirap na paglalakbay ang pagpunta sa templo na humigit kumulang 320 kilometro ang layo mula sa hilagang kanluran ng Chengdu, punong lunsod ng lalawigang Sichuan, karapat-dapat pa rin naman itong bisitahin.
|