Sinasabing lumitaw sa Tsina ang bronseng salamin mga 2600 taon na ang nakararaan, noong panahon ng Spring and Autumn Period. Naging popular iyon noong mga 200 BC ng Western Han Dynasty. Pero napag-alam ngayong mas maaga pa roo'y ginagamit na ang salaming bronse. Noong 1976, apat na bronseng salamin ang nahukay sa libingan ng Shang Dynasty na naghari mula ika-16 hanggang ika-11 siglo B.C.. Kaya masasabing ang bronseng salamin ay "isinilang" mahigit 3000 taon na ang nakararaan.
Maraming klase ng bronseng salamin ang ginamit ng mga Tsino noong unang panahon. May malukong at kukob; may doble-patong at mayroon ding napaglalagusan ng liwanag. Nakadaragdag ang maririkit niyong disenyo sa dingal ng kasaysayan ng likhang Tsino., Sa malaking koleksyon ng mga bronseng salamin ng Tsina, may isang karapat-dapat banggitin na galling sa Western Han Dynasty mula 206 BC hanggang 24 AD. Isa itong bilog na disk na iminolde sa bronse. Malinaw ang imahe sa harap; ang likod nama'y natatakpan ng komplikadong desenyong nakaumbok at may walong karakter na inscripsiyong "Qian Jin Zhi Guang Tian Xia Da Ming"--na ang ibig sabihin ay "abot-lupa ang sinag ng araw", isang matulaing paghahambing sa salamin at araw.
Naiiba ang salaaming naturan dahil kapag isinabit mo iyon sa dingding na natatamaan ng araw, maaaninag sa makinis na panig ang mga disenyo't titik na nasa likuran. Kaya tinatawag iyon noong araw na salaaming napaglalagusan ng liwanag o "translucent mirror".
Nawala ang susi sa lihim ng paggawa ng gayong salamin nang matapos ang Tang Dynasty noong ika-10 siglo.
Ang misteryo'y nabuksan ng mga siyentista't arkeolohistang Tsino may ilang dekada lamang ang nakararaan.
Sa mga pagsusuri ay nakitang ang manipis na bahagi ng metal disc na mas mabilis lumamig kaysa makapal na bahagi, ay nagiging concave o malukong. Kapag natatamaan ng liwanag, mapapansing natitipon ang liwanag sa malukong na bahagi. Ikinakalat naman ng nakaumbok na bahagi ang liwanag. Mas maliwanag ang repleksyon ng makapal na bahgi ng salamin kaysa manipis na bahagi. Ang bahagya lamang na iregularidad ng mukha ng salamin dahil sa disenyo't karakter sa likod zy hindi nakikita ng mata, pero malinaw ang repleksyon niyon. Ang totoo'y hindi tumatagos angliwanag sa bronze disc.
Ang mga pag-aaral at reproduksyon ng gayong salamin ay hindi lamang nakapagbigay ng mahalagang impromasyon hinggil sa pag-unlad ng natural science sa sinaunang Tsina, kundi pati ng marami pang impormasyong mahalaga sa pagdidisenyo't paggawa ng modernong kagamitang optikal.
Umabot sa rurok ang paggawa ng salaaming bronse noong ika-17 siglo ng Tang Dynasty. Nang panahong iyon, isang pambihirang tipo ng salamin ang lumitaw, ang ginto at pilak na Pingtuo. Napakamahal ng gayong salamin. Mga emperador at matataas na opisyal lamang ang nakagagamit niyon.
Narito ang paraan ng paggawa niyon: Gagawa ng mga pattern ng bulaklak, damo, puno, tao o ibon sa manipis na piraso ng ginto at pilak at idinidikit iyon sa mukha ng salamin at ilang ulit na pipinturahan. Pagkatapos, kikinisin ang salamin hanggang sa lumitaw ang pattern na ginto't pilak. Noong 1951, siang ginto't pilak na salaming Pingtuo ang nahukay sa probinsiyang Henan. Sa likod ay isang bilog na paumbok na butones. Napaliligiran ang pinakapatungan nito ng walong talutot ng lotus. Napapalamutian ng mga piguring ginto't pilak ang mukha ng salamin. Napakaganda ng mga pattern.
May iba pang mga salaming bronse mula Tang Dynasty na may di pangkaraniwang disenyo. Halimbawa'y ang isang salaming nahukay sa probinsiyang Zhejiang noong 1979 na may pigurin ng Diyosa ng Buwan na si Chang'e. Si Chang'e ay sinasabing lumipad ng buwan matapos uminom ng elixir na ninakaw sa kanyang asawa. May isa pang salamin na mayroon naming astronomical patterns sa likod--ebidensiya ng tagumpay ng Tsina sa astronomiya.
|