Ilang oras lamang sa koste mula sa kalunsuran ng Beijing, makararating na kayo sa ilang kagila-gilalas na malalaking baku-bakong dalisdis at lambak. Ito ang Beihe Valley na siyang pinakamarikit na tanawin sa tatlong bantog na lambak sa paligid ng Beijing. Di gaya ng iba pang dalawang lambak, ang Baihe Valley ay hindi pa nadedebelop bilang isang lugar ng pagliliwaliw kaya kasisiyahan ninyo ang katahimikan ng pagiging malayo sa walang tigil na trapiko at di-mabilang na turista. Nasa hilagang silangan ng Baihe Reservoir ang pasukan ng Lambak na tinatawag na Xiaohekou Pass. Ang Xiaohekou Pass ay isang mahalagang pasukan ng outer Great Wall, itinayo noong panahon ng Dinastiyang Ming at parang walang takot na nakatinding tulad sa isang nagtatanod na sundalo. Ang Great Wall, na nahahati ng isang dalisdis na may ilang daang metro ang taas, ay paliku-likong bumabagtas sa mga bundok sa magkabilang panig ng lambak, kung saan biglang rumaragasa pasilangan ang Ilog Baihe na parang isang kabayong nakakawala sa kanyang sakay. Ang mga parang pader na dalisdis ay nagtatayugan sa magkabilang panig ng lambak. May isang malaking butas sa dalisdis sa dakong kaliwa at mula dito matatanaw ang kalangitan at ang pabagu-bagong anyo ng ulap. Sa ilang lugar, tahimik na dumadaloy ang ilog at white swan ay parang walang pakialam sa mundo at naghahabaan ang leeg na naglalanguyan dito, samantalang sa tabi naman ng ilog, itinataboy ng mga batang pastol ang kanilang alagang hayop. Ang purok na ito na ilan-ilan lamang ang nayon sa paligid ay bihirang marating ng mga turista. Isang malapad na daang dating itinayo para sa gamit na militar ang bumabagtas sa lambak. May masaganang tubig sa ibabang bahagi ng ilog kaya bagay na bagay magbalsa dito.
Bukod sa lambak na ito'y may ilang pang kawili-wiling lugar sa paligid ng Baihepu. Kabilang dito ang "Fossil Timber Cluster" na marahil ay siyang talagang karapat-dapat na bisitahin. Ang Fossil Timber Cluster ay nasa hilaga ng Ilog Baihe, mga 30 kilometro ang layo mula sa reservoir sa gilid ng isang bundok. Kabilang dito ang mahigit 30 parang tuod na tree fossils. Mula isa hanggang 2 metro ang diyametro ng karamihan sa mga fossile na kulay murang dilaw. Ang annual rings ay malinaw na makikita sa ibabaw ng mga tuod. Ang mga fossil ay sumilang noong mga 140 milyong taon na ang nakalilipas at saksi sila sa pagdami at paglaho ng mga dinosaur. Ang gayong kalaking saklaw ng "Fossil Timber Cluster" ay pambihirang tanawin sa hilagang Tsina.
Ang pinakamarikit na bahagi ng Baihe Valley ay nasa hilaga ng Bundok Yunmeng sa distrito Miyun. Upang malubos ang kasiyahan sa maghapong pamamalagi sa lambak, ang magandang gawin ay simulan nang maaga ang pamamasyal sa alinmang matulaing pook sa hilaga ng Bundok Yunmeng at pagdating ng hapon ay magkotse naman pabalik sa Huairou na ang daan ay sa kahabaan ng expressway 111 sa kanluran ng Bundok Yunmeng.
Habang patuloy na naglalakbay sa kahabaan ng daan, tumatarik ang mga dalisdis sa kaliwang panig at maging ang daan. Pagkaraan ng ilang sandali makikita ninyo ang isang tunnel sa unahan at sa gawing kanan ninyo, matuling dumadaloy ang Ilog Baihe at pagkaraan ng maraming biglaang-liko, daraan kayo sa madilim na bahagi ng Bundok Yunmeng. Ang matataas na dalisdis na bumabagtas sa tabing daan ay halos nasa tumpak na anggulo, makitid na piraso lamang ng langit ang makikita sa pagitan ng mga dalisdis sa magkabilang tabi ng daan.
Pagkaraan ng 12 kilometro, makararating kayo sa isang matulaing pook na tinatawag na Tianxianpu, kung saan rumaragasa pababa ang tubig sa gilid ng bundok hanggang makarating sa Ilog ng Baihe. Pagkaraan pa ng 4 na kilometrong paglalakbay, makararating kayo sa pinakadramatikong bahagi ng daan kung saan ito ay tumatagos sa dalisdis at nagpapatuloy sa malaking bitak sa harap ng malaking bato. Sa lugar na mga 20 kilometro sa loob ng lambak, makikita ang isang papataas na malaking bato na parang isang agilang lumilipad sa himpapawid. Pagkarating sa ituktok ng bundok, malalantad sa harapan ninyo ang kagila-gilalas na tanawin ng Ilog Baihe na parang isang makitid na puting sutla.
|