Sa buong buhay ni Jia Lanpo ay hindi siya kailanman huminto ng pag-aaral. Noong panahong abalang-abala siya sa kanyang advanced studies sa Beijing Union Medical College, lagi siyang may dala-dalang mga buto ng galanggalangan o wrist bone ng tao sa kanyang bulsa at sinisikap na isa-isang kilalanin ang mga ito sa pamamagitan ng paghipo. Kapag tumama ang hula niya sa mga buto sa isang bulsa, inililipat niya ang mga ito sa kabilang bulsa; kung mali naman, hinuhulaan niya uli. Paulit-ulit niya itong pinapraktis hanggang sa madali niyang malaman kung alin ang kaliwang galanggalangan at kung alin ang kanan.
Noong 1980, nahalal si Jia Lanpo bilang academician ng Akademy ng Siyensiya ng Tsina, noong 1994, naging foreign academician siya ng American Academy of Sciences at noong 1996, academician ng Third World Academy of Sciences.
Balik tayo sa taong 1941. Nagkaroon noon ng maigting na relasyon ang Hapon at E.U., kaya ipinasiya ni Weidenreich na umalis ng Beijing at tumungo sa American Museum of National History. Hiniling niya kay Hu Chengzhi, kanyang assistant, na gumawa ng mga modelo ng "Peking Man" sa lalong madaling panahon, sapagkat nais niyang dalhin ang mga ito sa Amerika para sa ibayo pang pag-aaral.
Samantala, nag-alala siya sa kaligtasan ng orihinal na mga specimen na ito sa sonang okupado ng mga Hapon, kaya naki-usap siya sa embahador na Amerikano na ilipat ang naturang mga fossil sa Amerika. Sa simula'y nag-alinlangan ang embahada ng E.U. sapagkat ang Kasunduan (noong 1927) sa pagitan ng National Geological Survey of China at ng Peking Union Medical College ay may tadhanang ang lahat ng koleksiyon ng mga specimen ay dapat maging pag-aaring lahat ng National Geological Survey of China at "hindi pahihintulutan ang sinuman na iluwas ang mga ito sa labas ng Tsina". Pero pagkaraan ng paghimok ng mga awtoridad na Tsino, sumang-ayon din ang embahador na Amerikano.
Ngunit, bago pa man nila tuluyang madala ang mga specimen sa E.U. ay nagsimula na ang digmaan sa pagitan ng Hapon at E.U.. Ang barkong S.S. the President Harrison na naglayag mula Maynila tungo Qinghuangdao para sunduin sana ang mga marinong Amerikano ay pinalubog ng Hukbong Hapones at ang doktor ng hukbong Amerikano na siyang maydala ng fossils ay nabihag ng tropang Hapones. Mula noon ay nawala na ang naturang mahalagang fossils.
Maraming ispekulasyon tungkol sa kung ano ang nangyari sa mga bungo na ito ng "Peking Man", pero hanggang sa ngayon ay wala pang makapagbigay ng matibay na ebidensiya na may kaugnayan sa kanilang kinaroroonan. Bagama't may mga clue noon tungkol sa naturang fossils, ang pagkawala ng mga bungo ay naging isang palaisipan at mananatiling ganitong magpakailanaman.
Ang pinakamalaking mithiin ni Jia Lanpo ay muling makita ang nawawalang mga bungo ng "Peking Man", subalit alam niyang ang kahilingan niyang ito ay imposibleng magyari. Minsan, nasabi niya na baka ang fossils ng "Peking Man" ay hindi na makuhang muli kailanman, sapagkat matagal nang nawawala ang mga ito. Maaaring hindi nakilala ng karaniwang tao ang halaga ng mga ito at basta na lang maitapon nang hindi nag-iisip.
Bukod sa malaking panghihinayang na ito, si Jia Lanpo ay may tatlong iba pang hindi natupad na mithiin: una, mapangalagaan ang "Peking Man" Site sa Zhoukoudian at makapagtayo ng isang base para sa pagpapalaganap ng siyensiya sa mga kabataan; pangalawang, magkaroon ng sapat na mga kahalili para maipagpatuloy ang gawing arkeolohikal; pangatlo, masimulan ang proyekto ng "Green Great Wall" system para mapangalagaan ang kapaligiran.
|