Noong 1919, naganap ang May Fourth Movement sa Tsina, at dala nito ang kilusang kilala ngayon bilang "Vernacular Campaign" na nagkaroon ng napakalaking impluwensiya sa mga pangalang Tsino.
Ang May Fourth Movement ay panahon ng marahas na pagbabago sa wikang Tsino. Nagsimulang sumuko ang klasikal na kaugalian sa di ganitong kapormal na kulturang bernakular. Hindi nagtagal ay naimpluwensiyahan nito ang mga pangalang Tsino. Noon tinatawag ang isang pangalang Tsino na Xueming, na nangangahulugan ng "pangalang akademiko". Nagpapahiwatig ito ng dunong at talisik. Pero nakita sa Vernacular Campaign ang paggamit ng iba't ibang uri ng mga karakter para bumuo ng pangalan ng isang tao. Pagkatapos maitayo ang Republikang Bayan ng Tsina noong 1949, ang mga pangalan naman ay nagsimulang magkaroon ng katangiang pulitikal. Ang pinipiling pangalan ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay parang mga slogan--ang mga pangalang tulad ng "Ai Guo" na nangangahulugan ng "mahalin ang bansa", o "Ai Dang" na nangangahulugan ng "mahalin ang partido". Ang tendensyang ito ay umabot sa kasukdulan nito noong panahon ng Cultural Revolution, kung kalian pinangalanan ng maraming magulang ang kanilang mga anak ng "Ai Dong", na nangangahulugan ng "mahalin si Chairman Mao Zedong", o "Wei Dong"--pangalagaan si Chairman Mao, at mayroon pang "Guo Qing" na ang kahulugan ay ipagdiwang ang pambansang araw. Ang ibang mga paboritong salita sa bokabularyo ng mga pangalan ay kinakabilangan ng "pula, rebolusyon, sundalo, guwardya, hukbo at silangan". Ngayon, kung magbubukas ka ng telephone directory o yellow pages nito, halos malalaman mo na rin kung kalian ipinanganak ang mga tao sa pamamagitan ng kani-kanilang mga pangalan.
Ang isa pang kitang kitang tendensya sa pag-unlad ng mga pangalang Tsino ay ang pagkahilig ng mga tao ngayon sa pangalang may dalawang karakter lamang. Ipinakikita ng isang study na bago mag-1960, ang mga 90% ng mga pangalang Tsino ay kinakabilangan ng tatlong karakter. Sa kabila ng isang pansamantalang lapse sa panahon ng Han Dynasty, napanatiling tuluy-tuloy ang tatlong karakter na tradisyong ito. At madalas ginagamit ang ikalawang karakter ng pangalan para maipakita ang senioridad ng isang tao sa kanyang pamilya. Sa gayon, karaniwang magkakatulad ang ikalawang karakter ng mga pangalan ng mga family members na nasa magkakaparehong posisyon sa family hierarchy.
Halimbawa, binibigyan ng magulang ang kanilang tatlong anak ng mga pangalang "Wang Liying", "Wang Lihong" at "Wang Lijun" na bukod sa komong apelyidong "Wang", ay mayroon pang komong ikalawang karakter na "Li" upang maipakitang ang tatlo ay magkakapatid. Pero, ipinakita ng isang survey na ang halos kalahati ng kasalukuyang batang henerasyon sa Tsina ay may pangalang may dalawang karakter lamang. Marahil ito ay sa dahilang mas maraming pamilya ay may iisang anak lamang na bunga ng one-child policy, kaya hindi na kinakailangan ang ikalawang karakter sa isang tatlong karakter na pangalan upang maipakita ang brotherhood o sisterhood. Ang isa pang pagbabago nitong ilang taong nakalipas ay ang pagkagusto ng mga magulang na pangalanan ang kani-kanilang anak ng dalawang magkatulad na karakter o dalawang magkaibang karakter na may magkaparehong bigkas--gaya ng "Ling Ling", "Juan Juan", at "Yang Yang". Ang trend na ito ay nakipagsabayan pa noon sa mga nagbibigay ng pangalan sa mga panda sa zoo! Ang iba sa mga kaibig-ibig na hayop na ito ay naging pambansang celebrities pa na may pangalang tulad ng "Huan Huan" at "Jing Jing".
|