Kung magpapasiyal kayo sa kanluran ng Tsina sa panahong ito ng tag-sibol, makikita ninyo ang walang hanggang disyerto, malalalim na lambak at malalakas na hangin at tiyak na mangungunila kayong makakita ng luntiang tanawin. At kung sa panahong ito, pupunta kayo sa Lalawigang Zhejiang, iba-iba ang tanawin doon at tiyak na liligaya at sisigla ang inyong damdamin hatid ng panay luntian at matulaing tanawing pumapaligid sa inyo, lalo na sa ilog ng Fuchun.
Kung magsisimula ang inyong paglalakbay mula sa Hangzhou, kapital ng lalawigang Zhejiang, ganap kayong mabibiggani sa kilalang kilalang kagandahan ng purok na ito. Kung naroon na kayo, huwag ninyong lalampasan ang Sudi (Su Causeway) at Baidi (Bai Causeway) at tiyak na maliligayahan kayo sa pagtikim ng bagong tsaa sa Longjin at pati sa pagmalas sa mga bundok at tanawin ng paglubog ng araw sa Pagoda ng Baoshu.
Sa inyong paglalakbay mula sa Hangzhou patungo sa Fuyang at pagkatapos ay sa Tonglu, hindi kayo magsasawa sa magagandang tanawin. Habang daan, sumasayaw sa harap ng inyong mga mata ang mga namumukadkad na bulaklak sa lupain.
Pagkarating sa Tonglu matapos ang 52 kilometrong biyahe, maaari ninyong sakyaw ang isang bapor papuntang Yan Ziling Fishing Platform. Si Yan Ziling ay isang kilalang ermitanyo sa panahon ng Dinastiyang Han (206 BC-AD220), at ang lugar na iyon na hango sa kanyang pangalan ay pinakamabuting lugar para sa pamimingwit.
Sakay sa isang bapor papunta sa platapormang ito, parang sumasalimbay kayo sa isang tradisyonal na Chinese Painting. Mabibighani kayo sa namumukadkad na peachtree at mga burol sa kahabaan ng magkabilang pampang ng Ilog.
|