R: Hi, Xian! Gei ni Bainian le!
X: A, salamat, Ramon! Wo Ye Geini Bainian le!
R: Magandang gabi, mga giliw na tagapagkinig! Narinig ninyo, kani-kanina lang, nagbatian kami ni Xian ng Happy Spring Festival o Happy Chinese Lunar New Year.
X: Kasalukuyang ipinagdiriwang ng Tsina ang Spring Festival, pinakamahalagang tradisyonal na kapistahan nito. Ihahatid namin sa inyo ang ilang bagay na may kinalaman sa kapistahang ito.
R: Xian, mayroon akong isang tanong! Alam ko na ang Spring Festival ay tinatawag na "Chunjie" sa wikang Tsino, pero, madalas ko ring naririnig ang "Guonian". Ano ang kahulugan nito? Ito ba ay katulad din ng "Chunjie"?
X: Pareho, Ramon. Ang "Nian" ay isa pang tawag sa Spring Festival o Chinese New Year na ginagamit ng mga mamamayang Tsino nitong mahigit 3000 taong nakalipas. Ang "Guonian" ay nangangahulugan ng "pagdiriwang sa Spring Festival" at sa pagbabatian natin kanina, ginamit natin ang "Bainian". Ang "Bainian" naman ay nangangahulugan ng "pagbati sa Spring Festival".
R: Pagkaraan ng maraming taong pananatili sa Tsina, nakita ko na talagang mahalagang mahalaga ang Spring Festival sa pamumuhay ng mga mamamayang Tsino. May isang halimbawa, kay-haba ng Spring Festival, alam ko na tatagal ito nang halos 3 linggo. Di ba, Xian?
X: Tama, Ramon. Sa malawak na kahulugan, nagsisimula ang Spring Festival sa ika-23 ng Disyembre ng Chinese Lunar Calendar at tinatawag ito ng mga mamamayang Tsino na "Xiaonian". At nagtatapos naman ito sa ika-15 ng Enero ng Lunar Calendar at ang araw na ito ay Lantern Festival. Ngunit sa mga araw na ito, ang New Year's Eve at unang araw ng New Year ang pinakamahalaga.
R: Alam ko! Ang New Year's Eve sa Tsina ay parang Noche Buena sa Pilipinas. Ang panahong ito ay para sa pagsasalu-salo ng pamilya. Nagtitipun-tipon ang buong pamilya at kumakain sila ng dumplings.
X: 50% na tama ka. Ang dumplings ay talagang hindi nawawala sa hapag kainan ng mga Tsino sa hilaga pero bukod sa dumplings meron pang masasarap at espesyal na pagkain at sa timog naman, bukod sa espesyal na pagkain meron pang doufu at isda dahil sa wikang Tsino ang mga ginamit na salita sa dalawang pagkaing ito ay sintunog ng "fuyu" o mayaman.
R: Kung mababanggit ang mga tradisyonal na pagkain sa Spring Festival, may dalawang uri ng pagkain na yari sa galapong ng malagkit. Ang isa ay parang bar at ang isa naman ay parang flour ball na may palaman. Anu-ano ang tawag sa mga ito at mayroon bang kahulugan?
X: Oo. Ang una ay tinatawag na "Niangao" at sumasagisag ito sa walang humpay na pagtaas ng lebel ng pamumuhay. Ang isa naman ay "Yuanxiao" at ito ay simbolo ng family reunion.
R: Bukod sa family reunion at masarap sa salu-salo, mayroon bang mga iba pang tradisyonal na kaugalian sa New Year's Eve?
X: Meron, marami nga. Pero ang isang halimbawa amg iyong tinatawag sa wikang Tsino na "Shousui". Sa New Year's Eve, ang karamihan sa mga mamamayang Tsino, bata man o matanda, ay nagpupuyat para salubungin ang bagong taon. Pagkaraang tumunog ang kampana ng bagong taon, nagpapahayag ang mga bata ng pagbati sa mga matanda sa pamamagitan ng pagkokoutou at ang mga matanda naman ay nagbibigay ng ampaw sa mga bata.
R: Xian, may isa pa! Noong New Year's Eve, narinig ko ang tunog ng rebentador at fireworks. Tuwang-tuwa ako. Ilang taon na hindi ko narinig ang tunog na ito.
X: Oo nga e, Ramon. Ang pagpapaputok ng rebentador at fireworks ay isa ring kaugalian ng mga mamamayang Tsino sa Spring Festival. Ngunit nitong ilang taong nakalipas, dahil sa posibleng panganib at polusyon na dulot nito, ipinagbawal sa mga malaking lunsod ng Tsina ang aktibidad na ito. Pero sa kasalukuyang taon, pinapayagan sa Beijing ang may pasubaling pagpapaputok ng rebentador at fireworks at pinahigpit din ng pamahalaan ang kamalayan ng mga mamamayan sa kaligtasan sa pamamagitan ng publisidad, kaya ngayon, muling ma-e-enjoy ng mga mamamayang Tsino ang maligayang aktibidad na ito.
Ramon, alam ko na mula noong isang taon, ang Spring Festival ay naging official holiday rin sa Pilipinas. Gustung-gusto kong malaman kung papaanong ipinagdiriwang ang kapistahang ito sa Pilipinas. Sabihin mo nga sa akin.
R: Oo, siyembre Xian. Pero hindi ngayon, wala na tayong oras e! Marahil sa programa natin sa susunod na Spring Festival.
X: Naku... di bale, sa susunod na Spring Festival, maririning natin ang mga kuwento ng mga tagasubaybay sa Spring Festival.
R: Bilang panapos, ipinaaabot namin ang aming pagbati sa mga tagapakinig, lalo na iyong mga miyembro ng Chinese community!
X: Zhunin Chunjie yukuai, hejia xingfu!
R: Maligayang Spring Festival sa inyong lahat!
|