Ang Hebei ay isa sa mga lalawigan ng Tsina na mayaman sa lugar na panturista, at ang isa sa mga yamang-turismo ng lalawigang ito ay ang Lunsod ng Chengde na ang pagiging isang mountain resort ay nababalot ng napakagandang kasaysayan.
Ang Lunsod ng Chengde sa Lalawigan ng Hebei ay isang kaiga-igaya at matanawing summer resort na nasa layong 250 kilometro sa hilagang-silangan ng Beijing. Ang pambihirang matanawing pook na ito ay nadiskubre, mahigit 200 taon na ang nakararaan, ni Emperor Kangxi sa isang hunting trip. 87 taon ang ginugol na panahon para makumpleto ang konstruksyon ng isang temporary palace sa lugar na dating tinatawag na Rehe at kilala rin sa kakatuwang tawag ditong "Mountain Hamlet for Escaping the Heat". Ang palasyo ay napapalibutan ng pader na mahigit sa 10 kilometro ang haba at baba-akyat sa mga tagaytay ng bundok. Ito ang pinakamalaki at napangalagaan nang mabuting palasyong imperyal sa labas ng kapital.
Ang mga emperador ng Qing Dynasty na sina Kangxi, Qianlong, at Jiaqing ay madalas nagpapalipas dito ng maraming buwan sa isang taon para makalayo sa alinsangang dulot ng tag-init sa kapital na Lunsod ng Beijing at ang sona ng palasyo sa katimugang bahagi ng resort ay dinesenyo para tularan ang Forbidden City ng Beijing. Ito ay binubuo ng 2 bahagi: isang court sa harap at bed chambers sa likod. Ang korte ay ang lugar kung saan tinatanggap ng emperador ang matataas na opisyal, mga maharlika ng iba't ibang minoryang nasyonalidad at mga sugong dayuhan. Ang bed chambers naman ang nagsisilbing living quarters ng pamilyang imperyal.
Karamihan sa mga matanawing pook sa paligid ng kinalulugaran ng lawa ng resort ay kinopya sa mga kilalang landscaped garden sa timog Tsina. Halimbawa, ang pangunahing gusali sa Green Lotus Island, ang "Tower of Mist and Rain", ay ginaya sa isang tore sa Nanlu Lake at Jiaxing. Ang lugar naman ng kapatagan ng resort ay may katangian ng tanawin ng Mongolian grasslands. Ang magugubat na bundok at lambak ay tadtad ng iba't ibang gusali.
Mahigit 200 taon na ang nakararaan, labing-isang marilag na templo ang itinayo sa silangan at timog ng resort. Madalas na tinutukoy ang mga templong ito na "Eight Outer Temples" dahil napasailalim ang mga ito sa walong iba't ibang administrasyon. Sa kasalukuyan, pito na lamang ang nananatiling hindi nagagalaw at ang lahat ng mga ito ay naglalarawan sa tradisyonal na sining at kultura ng Han, Manchu, Mongolian at Tibetan nationalities.
Sa ngayon, ang pinakamalaking templo sa lugar na ito ay ang "Temple of Potarak Doctrine" na may lawak na 220,000 kilometro kuwadrado. Sa mga hilera ng gusali na nasa iba't ibang lebel mula sa timog pataas, ang templo ay gaya sa Potala Palace ng Dalai Lama sa Lhasa, Tibet. Itinayo ito bilang tanda ng ika-60 kaarawan ni Emperador Qian Long at ginamit din ng emperador sa pagtanggap niya ng mga maharlika mula sa iba't ibang minoryang nasyonalidad sa Tsina. Ang mga Torgut, isang tribong Mongol, na mula sa Xinjiang, ay nandarayuhan sa mga baybayin ng Volga at pagbalik, ay umuwi sa kanilang lupang tinubuan noong 1771. Kasama ang mga puno ng ibang mga nasyongalidad, ang mga Torgut ay dumating ng Chengde para makipagkita kay Emperor Qian Long noong makumpleto ang templo. Ipinakikita nito ang prosperidad ng nagkakaisang nasyon noong panahong iyon.
Sa mga matutuluyang hotel, ang mga pangunahin ay ang Chengde City Hotel na nasa Nanyingzi Street at ang Hotel of the Chengde Prefecture na nasa tapat ng Lizhengmen of the Mountain Resort. Kasisiyahan din ng mga bisita ang mga pagkaing isinisilbi sa People's Restaurant na nasa kahabaan din ng Nanyingzi Street.
|