Pagkaraang ipatalastas ni Chen Shuibian, lider ng awtoridad na Taywanes, na ihinto ang takbo ng National Unification Council at pagpapatupad ng National Unification Guidelines, ipinahayag noong Miyerkules ni Jose De Venecia, ispiker ng mababang kapulungan ng Pilipinas na tinututulan ng kanyang bansa ang aksyong ito ni Chen Shuibian at ipinalalagay niyang ito ay hindi lamang magpapalala sa kalagayan ng Taiwan Straits at makakapinsala rin sa kapayapaan at katatagan ng buong Timog-Silangang Asya at rehiyong Asya-Pasipiko. Ipinahayag din ni De Venecia na dapat agarang iwasto ni Chen ang kaniyang maling aksyon. Nagpalabas din noong Biyernes ng pahayag ang Departmento sa Suliraning Panlabas ng Pilipinas na nagpapahayag ng pagkabahala may kinalamang pananalita at aksyon kamakailan na posibleng makaapekto sa diyalogo at prosesong pangkapayapaan ng rehiyon. Anang pahayag, nananangan ang Pilipinas sa patakarang isang Tsina at umaasang malulutas ang isyu sa pamamagitan ng paraan na makakabuti sa kapayapaan at katiwasayan ng rehiyon. Nagpalabas naman noong Lunes ng pahayag ang ministring panlabas ng Singapore na nagpapahayag ng kalungkutan sa naturang aksyon ni Chen Shuibian. Ipinalalagay nitong ito ay hindi makakabuti sa pangangalaga sa katatagan ng relasyong ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits.
Idinaos noong Lunes sa Philippine Association for Chinese Studies ang isang bangkete bilang panalubong kay Li Jinjun, bagong embahador ng Tsina sa Pilipinas at pamamaalam kay Sonia C. Brady, dating pangalawang kalihim sa suliraning panlabas ng Pilipinas at bagong embahador ng Pilipinas sa Tsina. Lumahok din sa bangkete ang mga dating statemen, personahe mula sa mga pamantasan, mass media at sirkulong komersyal ng Pilipinas. Sa bangkete, kapwa ipinahayag ng dalawang embahador ang kanilang pag-asang ibayo pang lalawak at lalalim ang komprehensibong relasyong pangkooperasyon ng Tsina at Pilipinas.
Noong Miyerkules, sa ngalan ng China National Offshore Oil Corporation, ipinaabot ni Deng Xijun, Deputy Chief of Mission at Political Counselor ng embahada ng Tsina sa Pilipinas ang 50 libong Dolyares kay Eduardo V. Manalac, President at CEO ng Philippine National Oil Company bilang pagtulong sa rekonstruksyon ng lugar ng Lalawigan ng Southern Leyte na sinalanta ng landslide. Lumahok din sa seremonya ng pagpapaabot sina Raphael Lotilla, kalihim ng enerhiya at Celia C. Yangco, Undersecretary of Social Welfare and Development ng Pilipinas. Napag-alamang ang naturang mga tulong na pondo ay ihahatid sa apektadong lugar ng Southern Leyte sa pamamagitan ng PNOC at Philippine National Red Cross.
Ipinatalastas noong Biyernes ni pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng Pilipinas ang pag-alis sa state of emergency sa buong bansa. Sinabi ni Arroyo na sa kasalukuyan, naging normal na ang kalagayan ng Pilipinas. Pinasalamatan niya ang mga pulis at sundalo na matapat sa pamahalaan at tinukoy din niya na mahigpit na paparusahan alinsunod sa batas ang mga tao na nagtatangkang pabagsakin ang pamahalaan.
Sa kaniyang pakikipagtagapo noong Lunes sa Beijing kay Nipon Wisityuthasart, dumadalaw na unang pangalawang puno ng mataas na kapulungan ng Thailand, ipinahayag ni Jia Qinglin, tagapangulo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino, CPPCC na ang relasyon ng Tsina at Thailand ay modelo ng mapayapang pakikipamuhayan at kooperasyong may mutuwal na kapakinapangan ng Tsina at mga kapitbansa nito. Sinabi ni Jia na walang humpay na palalawakin ng 2 panig ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa pulitika, kabuhayan, seguridad at iba pang larangan, at pasusulungin ang pagkakaroon ng mainam na koordinasyon at kooperasyon sa suliraning pandaigdig at panrehiyon. Ipinahayag naman ni Nipon na lalo pang palalakasin ng mataas na kapulungan ng Thailand ang pagpapalitan at kooperasyong pangkaibigan nila ng CPPCC. Nananangan ang Thailand sa patakarang isang Tsina at umaasang magiging matagumpay ang usapin ng reunipikasyon ng Tsina.
Ayon sa pinakahuling estadistika ng Adwana ng Shenzhou, lunsod sa timog Tsina, noong nagdaang Enero, inangkat sa pamamagitan ng adwanang ito ang mahigit 16 na milyong Dolyares na paninda mula sa mga bansang ASEAN na nagtatamasa ng conventional tariff ng malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN at nagdulot ito ng halos 2 milyong Dolyares na preperensyal na taripa. Kasabay nito, mula noong unang araw ng taong ito, isinagawa ng Tsina ang conventional tariff sa mga paninda mula sa Pilipinas. Noong isang buwan, nakinabang dito ang mga mangga mula sa Pilipinas na nagkakahalaga ng mahigit 423 milyong Dolyares at umabot sa halos 74 na milyong Dolyares ang preperensyal na taripa.
Sa isang preskon na idinaos noong isang linggo sa Kuala Lumpur, Malaysia, naglaunch ang Haier Group, kilalang home appliances maker ng Tsina, ng isang bagong makinang panlaba nito -- detergent free washing machine--sa pamilihan ng Timog Silangang Asya. Napag-alamang ang ganitong makinang panlaba ay masiglang tinatanggap ng mga mamimili sa Timog Silangang Asya. Sa preskong ito, binigyan ng awtorisasyon ang mga distributors mula sa Malaysia, Thailand, Singapore at Indonesia para sa exclusive sales ng 40,000 naturang makinang panlaba.
|