Sapul nang ipalabas ang limang Friendlies, mga maskot ng Beijing 2008 Olympics, ang mga produktong na nagtataglay ng imahe ng limang maskot ay nagiging mabentang mabenta sa mga lunsod ng Tsina. Madalas na naririnig ang balitang pansamantalang na-out-of-stock ang mga produkto. Ayon sa pagtaya ng mga dalubhasang Tsino, ang mga produkto ng maskot ay makakalikha ng tubong nagkakahalaga ng ilang daang bilyong dolyares.
Sa isang Olympic franchise store sa Beijing, nakita ng mamamahayag na talaga namang siksikan at puno ito ng tao na gustong bumili ng mga produktong Friendlies. Napakasuwerte ni Ginoong Lu Lin at nabili niya ang huling set ng plush toy ng Friendlies noong araw. Tuwang-tuwang sinabi niya na:
"Nakabili na ako ng isang set at ang kabibili ko lang ay para sa isang kaibigan sa labas ng Beijing."
Hindi kasinsuwerte si Ginang Jiang Jin at buong kalungkutang sinabi niyang dalawa o tatlong beses siyang pumarito sa tindahan at tuwing punta niya, sinabihan siya na ubos na ang mga plush Friendlies. Sa pagkakataong ito, wala siyang iba pang mapagpipilian kundi bumili ng isang sedang bupanda na may disenyong Friendlies.
Makikita mula sa limang maskot ang imahe ng isda, panda, mukhang-dragon na apoy na kumakatawan sa sulo ng Olympiyada, Tibetan antelope at layanglayang. Ang kanilang pangalan, kung bibigkasin nang tuluy-tuloy sa wikang Tsino, ay nangangahulugang "Welcome ka sa Beijing!"
Bukod sa mga mamamayang Tsino, maraming dayuhan ang naaakit din sa limang Friendlies. Sinabi ni Anna Allerbert, taga-Rusya, na:
"Gustung-gusto ko ang mga produktong ito at talagang may katangiang Tsino ang mga ito. Bibili ako bilang pasalubong sa mga kaibigan."
Umasa naman si Samantha Sowassey, taga-Kanada, na makapag-uwi ng mga produktong Friendlies.
"Nakakatuwa na lima sila. Ang paborito ko ay si Jingjing, iyong maskot na may imaheng panda. Bibili ako para sa aming mga pamangkin. "
Ayon sa salaysay ni Wang Xiaoyan, namamahalang tauhan ng isang franchise store sa Beijing na sa kasakuluyan, may mahigit 300 uri ang mga paninda na may disenyong Friendlies na tulad ng sedang bupanda, T-shirt, stationery at pins. Ang pinakapopular sa mga ito ay iyong mga plush toy. Sinabi niyang salamat sa mga panindang Friendlies, napakabilis na tumaas ang kanilang sales volume.
"Noong araw, umaabot lamang sa 10 hanggang 20 libong Yuan RMB ang arawang benta, pero, sa kasalukuyan, lumalampas sa 1 milyong Yuan ang pinakamataas na arawang sales income. Nitong 1 buwang nakalipas sapul nang simulan namin ang pagbebenta ng mga produktong Friendlies, umabot sa 10 milyong Yuan ang kabuuang sales income. "
May 28 Olympic franchise store at mahigit 160 pansamantalang franchise booth sa mga pangunahing lunsod ng Tsina na tulad ng Beijing, Shanghai, Shenzhen, Nanjing, Chongqing at Chengdu.
Sinabi ni Lu Dongbin, dalubhasang Tsino sa kabuhayan ng Remin University of China, na tinatayang lalampas sa 300 milyong dolyares ang market value ng mga panindang Friendlies. Ipinaliwanag niya na:
"Natutuos ang naturang halaga sa ganitong paraan: noong panahon ng Sydney Olympics, halos umabot sa 300 milyong dolyares ang halaga ng mga ibinentang panindang maskot. Kung titingnan natin ang kasalukuyang situwasyon sa Tsina, mas marami ngayong mga turisang dayuhan kaysa sa inaasahan, at kung bibilangin ang mga turista sa loob ng bansa, dapat maging mas malaki ang pamilihan kaysa sa market ng Sydney Olympics, alalaong baga, lalampas sa 300 milyong dolyares ang halaga na lilikhain sa pamamagitan lamang ng pagbebenta ng mga panindang Friendlies at tinatayang malaki rin ang halaga sa aspekto ng pagpoprodyus ng mga produkto at iba pa."
Sa isang pabrika na gumagawa ng mga plush Friendlies, makikitang abalang abala ang lahat ng mga assembly line. Gayon man, limitado pa rin ang arawang produksyon at hindi nakakatugon sa kahilingan ng pamilihan. Kaugnay nito, ipinaliwanag ng isang manggagawa ng pabrika na sa mga proseso ng paggawa ng mga produktong maskot, ang pinakahirap na bahagi ang paggawa ng disenyo sa itaas na ulo ng Friendlies, lalung lalo na ng disenyong apoy ni Maskot Huanhuan at ang isang tao ay nakakagawa lamang ng 18 disenyong apoy bawat araw.
Kahit hindi isiniwalat ng puno ng pabrika ang tubo nito sa paggawa ng mga produktong Friendlies, makikita mula sa kanilang pagiging abalang-abala na hindi maaring maliit lang ang tubuin.
Napag-alamang sapul nang isapubliko ang Friendlies, ang mga public-listed company na nagtamo ng awtorisasyon ng pagpoprodyus at pagbebenta ng mga produktong Friendlies ay nakakatawag din ng pansin ng mga mamumuhunan.
Upang mapangalagaan ang pamilihan ng mga produktong Friendlies, nagsasagawa na ng mga hakbangin ang Beijing Organizing Committee for the 2008 Olympic Games (BOCOG) at mga organong Tsino sa pagpapatupad ng batas para mapangalagaan ang IPR, karapatan sa pagmamay-ari ng mga likhang-isip ng Friendlies.
|