Sa isang lugar na tinatawag na Yanqi sa gobi desert ng Rehiyong Awtonomo ng Uygur ng Xinjiang sa hilagang kanluran ng Tsina, matatagpuan ang isang ubasan na may saklaw na mahigit 1000 hektarya at isang modernong joint venture winery ng Tsina at Pransya. Ngayon, ihahatid namin sa inyo ang hinggil sa ubasan at alakang ito at ang babaeng Tsino na nagma-may-ari nito.
"Ang Xinjiang ay isang napakahusay na lugar para sa produksyon ng mga prutas, lalong lalo na ng ubas. Ang mga kondisyong heograpikal, natural at klimatiko nito ay pawang nakakabuti sa pagtatanim ng ubas."
Ang nagsalita ay si Li Ruiqin, ang aming bidang babae at may-ari ng naturang ubasan at alakan. Ang tinubuang-lupa ni Li ay Lalawigan ng Shandong sa silangang Tsina. Noong mahigit 30 taong nakaraan, pumunta siya at ang kanyang asawa sa Xinjiang. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pamamalagi roon, natuklasan niya na napakahusay ng mga ubas sa Xinjiang, ngunit walang mahusay na alakan. Kaya, naisip niya na magbukas ng isang alakan. Ang panahong iyon ay huling dako ng ika-9 na dekada ng nagdaang siglo. Noong panahong iyon, lumalalim ang reporma at pagbubukas sa labas sa iba't ibang lugar ng Tsina at kinakaharap ng mga pribadong bahay-kalakal ng bansa ang isang mainam na kapaligiran ng pag-unlad. Sa background na ito, ang planong ito ni Li ay mabilis na nakatanggap ng lubos na pagkatig ng lokal na pamahalaan. Hinggil dito, sinabi niya na,
"Pagkaraang maipaalam namin ang planong ito sa pamahalaang lokal, lubos na kumatig sila sa amin at nagpadala rin ng mga eksperto para mapag-aralan ang posibilidad ng proyektong ito. Nagbigay ang iba't ibang departmento ng pamahalaan ng malaking pansin sa proyektong ito at ang aming pag-unlad ay utang sa pagkatig ng pamahalaan."
Noong taong 1998, sa ilalim ng pagkatig at pagtulong ng lokal na pamahalaan, sinimulan ni Li at ng kanyang pamilya na magtayo ng ubasan. Pagkaraan ng dalawang taong konstruksyon ng impraestruktura, nagtanim sila ng mahigit 300 hektarya ng ubas. Pumunta rin si Li sa Pransya para pag-aralan ang teknolohiya ng paggawa ng alak at humanap ng pagkakataon ng kooperasyon. Lubos na maalwan ang lahat para kay Li. Noong Mayo ng taong 2002, habang nagiging hinog ang mga ubas, itinayo rin ang kanyang alakan na pinatatakbo ng mga pondong Tsino at Pranses.
Noong Setyembre ng taong ito, sa patnubay ng mga ekspertong Pranses, nagawa ang unang batch ng mga alak. Ipinakikita ng pagsusuri ng Pambansang Sentro ng Superbisyon at Pagsusuri sa Kalidad ng mga Alak ng Tsina na masagana sa nutrisyon ang alak na ito at walang anumang labi ng pamatay-kulisap kaya't ito ay tunay na green food. Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Li na,
"Dahil sa espesyal na kapaligirang ekolohikal sa lokalidad, walang mga peste rito. Samantala, hindi kami humihingi ng malaking bolyum ng ani, kaya sa proseso ng pagtatanim, hindi kami gumagamit ng mga pamatay-kulisap o abonong kemikal. Sa proseso ng paggawa naman, hindi kami gumagamit ng anumang food additives. Ang mga ito ay naggagarantiya sa pagiging green food ng aming alak."
Dahil sa mataas na kalidad, sa oras na lumitaw ang mga alak na ito sa pamilihan, agarang tinanggap ang mga ito ng mga mamimili sa Beijing, Shanghai at mga iba pang lunsod ng bansa at nakikipag-ugnayan din ngayon ang mga nagbebenta mula sa Pransya, Hapon at mga iba pang bansa ng daigdig kay Li para maibenta ang alak na ito sa kani-kanilang bansa.
Sa kasalukuyan, ang ilang taong pagsisikap ni Li at ng kanyang pamilya ay naging matagumpay at walang humpay na lumalawak ang kanilang usapin. Ngunit, may isang pangmalayuang plano si Li Ruiqin para sa kanyang bahay-kalakal. Ipinahayag niya na habang pinasusulong ang pagluluwas ng alak sa labas ng bansa, patuloy na pabubutihin niya ang alakan para ang kanyang alak ay maging kilalang kilala sa buong daigdig.
|