Ang Pamilihan ng Jinming, isang pamilihan pangunahin na para sa pagbebenta ng mga produkto ng Vietnam, ay matatagpuan sa pampang ng Ilog ng Honghe sa Hekou County sa dakong timog silangan ng lalawigan ng Yunnan, Tsina. Ang pamilihang ito ay halos 200 metro mula sa Hekou, pinakamalaking puwerto sa purok-hanggahan ng Yunnan. Tuwing umaga, binubuksan ng mga negosyanteng Vietnames ang kanilang tindahan sa pamilihang ito at ipinalalabas ang mga espesyal na produkto ng kanilang bansa.
Isa sa mga negosyanteng Vietnames ay si Nguyen Thi Anh. Ang ibinebenta niya sa pamilihan ay mga prutas, pintura, pabango at kutsilyo.
Noong araw, ang Pamilihan ng Jinming ay isang nanlilimahid na kalye, pangunahin na, para sa pagbebenta ng mga handicrafts ng Vietnam. Sa kasalukuyan, pagkatapos ng rekonstruksyon, may mahigit 100 tindahan sa pamilihan, may espesyal na tauhang tagapangasiwa at maayos din ang pamilihan. Inupahan ni Quach Thi Tu, isang negosyante mula sa Hanoi, ang isang dalawang palapag na gusali sa pamilihang ito. Ang mataas na palapag ang nagsisilbing bahay niya at ang mababang palapag ang tindahan na nag-eespesyalista sa pagbebenta ng mga handicraft ng sungay ng baka na ginagawa ng kanyang asawa sa Hanoi. Ang mga handicraft na ito na ibinebenta ni Quach ay lubos na wini-welcome ng mga mamimiling Tsino. Sinabi niya sa mamamahayag na sa panahon na mainam ang negosyo sa tindahan, ang kita bawat araw ay umabot sa mga sampung libong yuan RMB at ang pinakakaunti ay umabot din sa ilang daang yuan. Ikinasiya niya ang negosyo sa pamilihan.
"Halos anim na taon na akong nagtitinda ng mga handicraft ng sungay ng baka sa pamilihang ito at ang mga mamimili ay pawang mula sa interyor ng Tsina. Sa kasalukuyan, mainam ang lahat sa pamilihan na gaya ng transportasyon, impraestruktura at iba pa. Maganda rin ang takbo ng aking negosyo."
Bukod sa Pamilihan ng Jinming, mayroon ding ilang pamilihan na nag-eespesyalista sa pagtitingi sa Hekou County, isang bayan na may halos 100 libong populasyon sa purok-hanggahan ng Tsina. At mayroon din namang ilang pamilihan na tanging sa pamamakyaw.
Ang Hekou County ay puwerto sa unang antas ng Tsina at pinakamahalagang puwertong pangkalakalan sa Vietnam ng lalawigan ng Yunnan. Ito ay isa rin sa mga pinakakombiniyenteng land pass sa timog kanluran ng Tsina ng papunta sa timog silangan ng Asya. Noong katapusan ng ika-8 dekada ng nakaraang siglo, boluntaryong pinasimulan ng mga mamamayan ng Tsina at Vietnam ang maliitang kalakalan sa purok-hanggan dito. Noong taong 1993, pormal na binuksan ang puwerto ng Hekou ng Tsina at Lao Cai ng Vietnam. Pagkatapos, sunud-sunod na pinasimulan ang transportasyon ng karga at pasahero. Sa kasalukuyan, ang kalakalan sa Hekou ay umunlad sa komprehensibong kalakalan mula sa maliitang kalakalan lamang. Sinabi ni Li Guanghua, pangalawang puno ng Hekou County na namamahala sa kalakalang panlabas, na
"Sa kasalukuyan, maraming porma ang kalakalan sa Hekou na kinabibilangan ng kalakalan sa pagitan ng mga mamamayan ng magkabilang panig ng hanggahan, maliitang kalakalan, karaniwang kalakalan, transit trade, kalakalan ng pagpapalitan ng mga kargo, kalakalan ng pagpoproseso at kalakalan ng kooperasyong panlabas hinggil sa mga teknolohiyang pangkabuhayan. Nabuo rin ang mga organong pangkalakalan."
Napag-alamang noong isang taon, ang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas sa Hekou ay umabot sa halos 1.8 bilyong yuan RMB na lumaki ng 12.05% kumpara sa taong 2002.
Ayon pa rin kay Li, ang mabilis na umuunlad na kalakalan ng pag-aangkat at pagluluwas sa Hekou ay gumanap ng mahalagang papel sa pagpapaunlad ng kabuhayan sa lokalidad. Para lalo pang mapasulong ang kalakalang ito, pinahigpit ng county ang konstruksyon ng impraestruktura, lalo pang pinabuti ang suplay ng koryente at tubig at pinahigpit din ng adwana, mga check points at administration for inspection and quarantine ang pakikipagkoordina sa isa't isa. Sa madaling sabi, nagsisikap ang buong Hekou County para magkaloob ng mainam na serbisyo sa kalakalan ng pag-aangkat at pagluluwas.
|