• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2006-05-22 21:54:38    
Purple Bamboo Park is green after all

CRI
Karamihan sa mga park dito sa Beijing ay makikita sa pali-paligid ng mga hotel na tinutuluyan ng mga turistang dayuhan. Kaya, kung nagtutour kayo dito sa Beijing at gusto ninyong mabisita ang mga ipinagmamalaking park ng lunsod, magtanong lang kayo sa information desk ng inyong hotel.

May mga turista kasi dito na naghahanap pa ng ibang lugar na mabibisita bukod sa mga talagang nasa itinerary nila. Kung may idea sila kung saan naroon ang park na pinakamalapit sa kanilang hotel, hindi na sila mag-aaksaya ng oras sa paghahanap.

Ang isa sa mga sinasabi kong park ay ang Purple Bamboo Park ay dahil marami ditong purple na kawayan. Tama, talagang marami ditong kawayan pero hindi ito ang dahilan. Sabi sa amin, ang pangalan daw nito ay isinunod sa pangalan ng isang templong itinayo noong panahon ng Ming Dynasty--ang Fu Yin Purple Bamboo Courtyard.

Gaya ng nasabi ko, talagang marami ritong kawayan. Naliligid ito ng kawayan at halos bawat sulok nito ay natatamnan ng kawayan. Bamboo ang motif nito at ito marahil ang isa sa mga ipinagkaiba nito sa ibang parks.

Sabi ni Mr. Jiang, isang retiree na madalas magpunta rito, ang Purple Bamboo Park daw ay ginawa noong 1953 mula sa lupaing dating ginagamit na taniman ng gulay.

"Madalas akong pumunta rito para sumayaw o manood ng nagsasayaw. Ang park na ito na ginawa noong 1953 ay nagbibigay ng kaligayahan sa maraming tao. Maraming nagpupunta rito para magsayaw, mamangka, at pagmasdan ang magagandang tanawin at damhin ang aliwalas na dulot ng likas na kapaligiran. Bago ito ginawa, ang lugar na ito ay taniman ng gulay. Wala nang ibang gamit. Ngayong ginawa itong park, mas napapakinabangan ito ng mga tao."

Hindi ko lang alam kung bakit sinabi niyang mas napapakinabangan ito ngayon bilang park kaysa noong ito ay isang gulayan. Iyon ay sarili niyang opinyon.

Ang Purple Bamboo Park ay may kabuuang lawak na mahigpit 47 hektarya at isang-katlo ng kabuuang laki nito ay tubig kabilang na ang dalawang ilog na tuma-tawid dito at dalawang man-made lakes.

Ngayon alam ko na kung bakit nawiwili ritong magpunta ang mga lolo't lola. Kasi, meron itong malalaking sementadong squares para sa kanilang butterfly dance na nangangailangan ng malaking espasyo, ballroom dancing at group exercise na kinabibilangan ng Tai Ji Rou Li Qiu, at iba pa. Magagawa naman ang mga ito ng mga lolo't lola habang ang kanilang mga apo ay naglalaro sa playground. Malaki't maganda rin ang playground ng park.

Ang isang bagay na napuna ko rito sa park ay ang pagiging luntian nito. Ang ibig kong sabihin ay mas marami ang halaman kaysa mga istruktura. Kaya, tama ang sabi ni Mrs. Huang, isa ring retiree. Sabi niya, dito raw sa Purple Bamboo Park naging pinakamatagumpay ang proyekto ng pagluluntian ng Beijing.

"Narito na ako sapul pa noong 1957. Noon, ang park ay hindi kasingayos at kasingganda nito ngayon. Naging matagumpay ang proyekto ng pagluluntian dito. Ako at ang mga kaibigan ko ay nagpupunta dito lagi maliban kung may gagawin kaming mahalaga. Tingnan mo kahit saan mo ibaling ang tingin mo puro luntian ang makikita mo--damo, punung-kahoy at halaman. Meron ding lake at munting burol. Sa tingin ko ang ikinaiba nito sa ibang park ay mas successful dito ang greening project ng Beijing."

Nabanggit ko kanina ang dalawang ilog na tumatawid sa park at ang dalawang man-made lakes. Maari kayong mamingwit sa mga ilog na ito at mamangka sa mga lawa. May pinaaarkilang bangkang de sagwan at de pedal para doon sa mga gustong mamangka. Meron din namang ferry na nag-iikot sa lake kaya makikita nang malapitan ang isla sa gitna ng lake.

Hindi ko pa nasusubok na mamangka dito. Nagpupunta lang ako dito para ikondisyon ang isip. Nauupo ako sa mga upuan sa gilid ng lawa at pinanonood ko ang mga namamangka.

Meron ding burol dito sa park at sa itaas ng burol ay may pagoda. Sabi nila kung papanhik ka daw sa itaas ng burol at mamamalagi nang ilang oras sa pagoda, pag baba mo kondisyon na ang isip mo.

Sabi nila, dito raw sa Purple Bamboo Park, ang spring ay nagpapabukadkad sa bulaklak; ang summer ay nagpapalutang sa mga lotus; ang autumn ay nagpapapula sa mga maple; at ang winter ay nagpapakinang sa mga pine tree.

Ang purple Bamboo Park ay meeting place din ng mga lolo't lola na nakatira sa paligid. Tuwing umaga, nagtatagpu-tagpo sila rito para sa iba't ibang aktibidad. Sabi nga ni Lola Gao:

"Malapit ang bahay ko dito sa park. Madalas akong sumali sa mga aktibidad dito. Kung minsan, narito ako dalawang beses isang araw. Naglalakad-lakad ako sa tabi lawa at kung minsan simpleng kinasisiyahan ko ang season na tulad ng winter. Hapon ako pumupunta dito, alas kuwatro. Kung summer naman, pagkatapos ng hapunan. Ang pagkakaiba ng park na ito sa ibang park ay ito ay malapit sa tinitirhan ko. Nagpupunta rin ako sa ibang park na tulad ng Yi He Yuan, Bei Hei Park at Zhong Shan Park. Magaganda rin ang mga ito pero malayo sa amin. Hindi ako madalas magpunta sa mga park na ito. Dito sa purple Bamboo Park nanononood ako ng mga nagsasayaw at nakikinig ako sa mga tradisyonal na musikang Tsino."

Bukod sa pamimingwit sa ilog, pamamangka sa lawa, paglalaro sa playground, paglalakad at pag-e-ehersisyo sa squares, at pagpanik sa burol, kasisiyahan din ng mga bumibisita sa Purple Bamboo Park ang pamamasyal sa mga lugar na tulad ng Eight Pleasure Studio, Embrace the Green Pavilion, Waterside Pavilion, Fortune-Blessed Black Bamboo Garden at Black Bamboo Garden. Kung nakakaramdam naman sila ng uhaw at gutom sa kanilang pamamasyal, ang Bamboo Charm Restaurant ay bukas at nakahandang maglingkod sa kanila.

Malayo man o malapit ang inyong hotel sa Purple Bamboo Park, walang mawawala kung kayo ay bibisita dito. Kayo na rin ang magsasabing karapat-dapat itong makita.