Siya ay may di-karaniwang background: nagtapos ng kaniyang pag-aaral noong 1984 sa Beijing University--isang kilalang unibersidad sa Tsina; nagtamo ng MBA degree sa Wharton School ng Estados Unidos noong 1989; hinirang noong 1990 bilang authenticating official ng International Brand ng Gucci Company; at noong 1998, pinagtuunan niya ng pansin ang mga tigreng nasa panganib ng pagkaubos. Siya ay si Quan Li, tagapagtatag ng Pundasyong Pandaigdig para sa pagliligtas sa mga tigre ng Tsina.
Sa kabahayan ni Quan Li, saanman makikita ang mga bagay na may kinalaman sa tigre, kaya hindi mahirap na malaman ang kanyang pagmamahal sa mga tigre. Sa kasalukuyan, puspusang lumalahok siya sa usapin ng pangangalaga sa mga tigre ng Tsina. Liban sa kanyang pagmamahal sa mga tigre, ipinalalagay niyang malaki ang katuturan ng pangangalaga sa mga tigre. Sinabi niya: "Sa kapaligirang ekolohikal, nasa tuktok ang tigre na tinatawag na 'King of all animals'. Kung maililigtas ko ang tigre, pareho kong maililigtas ang buong kapaligirang ekolohikal. Dahil ang tigre, halaman, damo, tubig at puno ay isang set ng sistemang ekolohikal."
Bunga ng naturang responsibilidad, noong 1999, sinimulang bigyang-pansin ni Quan Li ang mga tigre. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga may kinalamang opisyal ng Kawanihan ng Industriya ng Panggugubat ng Estado ng Tsina, alam ni Quan na ang South China Tiger--China Tiger, ay nasa napakapanganib na kalagayan.
Mula noong 1980, nagsagawa ang Pamahalaang Tsino ng mga hakbangin na kinabibilangan ng pagpigil sa pamamaril, paglalagay ng natural reserve areas at iba pa para mailigtas ang tigre ng Tsina. Pero mula sa resulta ng field investigation, nasa mapanganib na kalagayan pa rin ang mga grupo ng tigre ng Tsina. Ipinalalagay ni Quan na sa panahong ito, dapat may gawing mga bagay para sa mga tigre ng Tsina. Sinabi niya: "Ang espesyal na uri ng tigre ng Tsina, ay nasa mapanganib na kalagayan. Sa tingin ko, bilang isang Tsino, dapat akong gumawa ng ilang bagay hangga't makakaya para sa kanila."
Sa ilalim ng pagkatig ng Kawanihan ng Industriya ng Panggugubat ng Estado ng Tsina, ipinasiya ni Quan na maglaan ng mahigit 100 libong dolyares para itatag sa London ang isang organisasyong may kinalaman sa pagliligtas sa mga tigre ng Tsina. Pagkaraan ng mahigpit na pagsusuri ng panig opisyal ng Britanya, noong nagdaang Agosto ng 2000, opisyal na nabuo ang International Charitable Foundation on "Save China's Tiger".
Kaligayahan ni Quan na makitang ang pundasyong ito ay sinusuportahan ng mga tao sa iba't ibang purok ng daigdig. Si Stuart Bray, asawa ni Quan Li, ay isang Amerikano na nagtatrabaho sa larangang pinansiyal sa Britanya. Siya ay isang matatag na tagasuporta ni Quan. Bilang pagkatig sa usapin ni Quan, naglaan si Bray ng 4 na milyong dolyares para bumili ng lupaing sumasaklaw sa mahigit tatlong daang kilometro kuwadrado sa Aprika bilang base ng pagpapalaki at pagsasanay sa mga tigre ng Tsina.
Ang mga ginagawang pagsisikap at ambag ni Quan Li ay kinukumpirma at kinikilala rin ng Pamahalaang Tsino. Kaugnay nito, sinabi ni Ginoong Lu Jun, isang opsiyal ng sentro ng pananaliksik at pagpapaunlad sa maiilap na hayop ng naturang kawanihang Tsino na: "Sa pamamagitan ng aming pakikipagtulungan kay Quan Li, ang kasalukuyang aksiyon ng aming bansa sa pagliligtas sa South China Tiger ay nakatawag ng malaking pansin sa daigdig, at ito ay makakapagpatingkad ng malaking papel para sa mga susunod pa naming aksiyon. Para sa pagliligtas sa mga species na nasa mapanganib na kalagayan, ito ay isang positibong pagtatangka."
|